Inday TrendingInday Trending
Mapagmahal sa Hayop ang Dalaga; Sa Tiyak na Kapahamakan palaʼy Ito rin ang Maaasahan Niya

Mapagmahal sa Hayop ang Dalaga; Sa Tiyak na Kapahamakan palaʼy Ito rin ang Maaasahan Niya

“Oh, Annie, bakit ginabi ka na naman? Saan ka na namang galing na bata ka?” nakapamaywang na pambungad tanong ng ina ni Annie matapos siya nitong pagbuksan ng pintuan.

“E, mama, ano po kasi⏤” hindi malaman ni Annie ang kaniyang isasagot sa ina. Tiyak na kagagalitan na naman siya nito kung sasabihin niya ang tunay na dahilan kung bakit siya ay late nang umuwi galing eskuwela, ngunit ayaw niya namant magsinungaling.

“Mama, pinakain ko po kasi ulit iyong mga aso at pusang kalye. Naaawa po kasi ako sa kanila⏤pero mama, sandali lang naman po ako, e!” pag-amin na lamang ni Annie sa ina.

Tama nga ang kaniyang hinala. Agad itong nagalit dahil sa kaniyang dahilan. “Diyos ko naman, Annie! Ano ba ang mapapala mo sa pagpapakain mo ng mga pagala-galang hayop na ʼyan, ha? Hindi ka ba talaga magtatanda?”

Bakas ang galit sa mukha ng kaniyang ina. Kunot na kunot ang noo.

Yumuko na lamang si Annie at tinanggap ang sermon ng ina. Alam niya namang nagagalit lamang ito dahil nag-aalala ito sa kaniya.

Napakamapagmahal sa mga hayop ni Annie. Sa tuwing siya ay makakakita ng mga nagugutom na hayop sa lansangan ay walang pag-aalinlangan niya itong pinakakain at inaaruga. Iyon nga lang ay hindi siya makapag-uwi niyon dahil magagalit ang kaniyang mama. Wala kasi itong hilig sa mga ganʼon, ayon na rin dito. Ngunit alam naman ni Annie ang tunay na dahilan kung bakit ayaw ng kaniyang mama sa mga hayop. Naaalala kasi nito ang kaniyang pumanaw na ama dahil noong ito ay nabubuhay pa ay ang pagiging beterinaryo ang pinagkakakitaan nito. Sa palagay ni Annie ay dito niya minana ang pagkahilig niya sa mga hayop.

Pauwi nang muli si Annie galing sa eskuwelahan. Sinigurado niyang maaga siyang makakauwi ngayon upang kahit magpakain siya ng mga hayop ay hindi siya gagabihin sa pag-uwi para hindi siya masermonan ng kaniyang mama.

“Pasensiya na kayo, ha? Kailangan ko kasing umuwi nang maaga ngayon. Kumain kayo nang kumain para lumakas kayo,” tila tao niyang kinakausap ang mga asong kalye habang nanginginain ang mga ito ng dala niyang ulam na binili pa niya mula sa kaniyang baon.

Pakiramdam naman niya ay naiintindihan siya ng mga ito nang magsisagot sila sa pamamagitan ng pagtahol.

Maya-maya ay nagpaalam na si Annie sa mga ito kahit alas kuwatro pa lang ng hapon upang makauwi na siya nang maaga.

Pasakay na si Annie sa tricycle. Katapat lang kasi iyon ng puwesto kung saan siya nagpapakain ng hayop kaya mabilis niya iyong napuntahan, ngunit ganoon na lamang ang gulat niya nang biglang hablutin ng isang lalaki ang kaniyang kamay!

“Miss, saan ka pupunta? Mag-date muna tayo!” nakangising sabi nito sa kaniya. Agad na nasamyo ni Annie ang amoy ng alak sa hininga nito kayaʼt napatakip siya sa kaniyang ilong.

“Hindi ko po kayo kilala, kuya. Bitiwan nʼyo po ako!” Tinangka niyang hilahin ang kaniyang kamay mula sa pagkakahawak ng lalaki.

“Bakit?! Nababahuan ka ba sa akin? Ang arte mo, ah! Sinabing magde-date tayo, e!” hiyaw pa nito at inakma ang kamao sa kaniya.

Napayuko na lamang si Annie habang hinihintay ang pagdapo ng kamao ng lasing na lalaki sa kaniya, ngunit ikinagulat niya ang mga sumunod na pangyayari!

“Naku, salamat sa Diyos! Sinakmal ng aso ʼyong lasing na may balak manakit sa bata!” sigaw ng isang babae kayaʼt napamulagat si Annie.

Nakita niyang totoo nga ang sinabi ng ale. Sinakmal ng mga asong pinakakain niya ang lalaking muntik nang manakit sa kaniya!

Agad na rumesponde ang mga pulis, kasama ang kaniyang ina ilang minuto lang ang lumipas. Kinasuhan nila ang lasing na lalaki habang ipinaliwanag naman ng mga nakasaksi ng pangyayari sa kaniyang ina kung papaano siya iniligtas ng kaniyang mga inaalagaang aso!

Ikinagulat ng kaniyang ina ang balita. Tila napahiya rin ito sa sarili dahil pinipigilan siya nito sa pagiging mabuti niya sa mga hayop ngunit ito pa pala ang magliligtas sa kaniya sa tiyak na kapahamakan.

Simula nang araw na iyon ay pinayagan na siya ng kaniyang ina sa mga ginagawa niya upang makatulong sa mga hayop. Pati ang pag-uuwi niya sa bahay ng ilan sa mga ito ay hindi na rin tinututulan nito bagkus ay sinusuportahan pa. Lalong tumibay ang samahan nilang mag-ina matapos ang pangyayaring iyon.

Advertisement