“Anak, kakain na muna, tigilan mo na ʼyan!” Nakailang ulit nang sinabi iyon ni Aling Regine ngunit paulit-ulit lamang din ang sagot ng kaniyang anak na si Karl.
“Wait nga, ʼma! Naglalaro pa ako, e!” may pagkabugnot pa ang tono ng pagsagot nito.
Napapailing na lamang si Aling Regine dahil malamang ay mag-aaway na naman silang mag-ina kapag patuloy pa rin niya itong kinulit. Ang totoo ay hindi na niya kaya pa ang katigasan ng ulo ng anak niyang ito.
Pagod na siya sa trabaho pagkatapos ay patatawagin pa siya nang patatawagin ng binatang ni hindi man lang matinag sa paglalaro ng kinahuhumalingan nitong online games.
Single mom si Aling Regine kaya naman wala siyang katuwang sa pagsasaway sa anak niyang ito. Ni hindi niya matutukan nang mabuti dahil sa kaniyang trabaho. Gusto man niyang itigil iyon at tutukan ito ay hindi naman niya magawa dahil wala naman silang kakaining mag-ina kung mangyari iyon. Wala pa namang trabaho si Karl dahil nasa senior high pa lamang ito.
“Anak, pakiusap naman, kumain ka muna. Masama iyang nalilipasan ka ng gutom. Baka magkasakit ka pa!” may pagmamakaawa nang muling sabi Aling Regine sa anak na si Karl.
Ngunit itong binatang may katigasan din ang ulo ay napakamot paʼt padabog na nilingon ang ina.
“Mamaya na nga sabi, ʼma! Mahirap bang intindihin ʼyon?!” pahiyaw na anito.
Nag-init na ang ulo ni Aling Regine kayaʼt nag-umpisa na nitong bungangaan si Karl.
Lalong nabugnot ang binata kayaʼt padabog siyang tumayo at nagtungo sa kaniyang kuwarto upang doon ay magdamag na magkulong.
Lingid sa kaalaman ni Aling Regine ay halos wala na ring tulog ang kaniyang anak dahil pa rin sa paglalaro nito ng online games. Palagi rin itong nalilipasan ng gutom sa tuwing siya ay nasa trabaho.
Napansin lamang iyon ni Aling Regine nang makita niyang unti-unting nangayayat ang dati ay malusog namang pangangatawan ni Karl, ngunit sa tuwing ito ay pagsasabihan naman niya ay nag-aaway lang silang mag-ina.
Nagpatuloy sa ganoong gawain si Karl. Nagpapalipas ng gutom, nagpupuyat, at lalong tumitigas ang ulo. Naging madalas na rin ang pagliban nito sa klase at napabayaan na ang pag-aaral.
Gusto nang humingi ni Aling Regine ng tulong upang matigil ang ganitong gawain ng kaniyang anak, ngunit hindi naman niya alam kung saan at kung paano.
Hanggang isang araw ay bigla na lamang bumagsak si Karl at nawalan ng malay sa harap mismo ng kaniyang ina. Taranta siyang isinugod nito sa ospital at noon din ay nalaman nilang nagkaroon ng sakit. Humina ang resistensya nito at bumaba nang todo ang kaniyang dugo. Naging malnourished na rin ito at kung hindi maaagapan ay maaaring mauwi sa mas malalang sakit ang matatamo nito laloʼt apektado na rin ang ibang organs sa loob ng kaniyang katawan.
Nahinto si Karl sa pag-aaral at bukod pa roon ay kinailangan pang magdoble kayod ng kaniyang ina upang may ipangtustos sa kaniyang pagpapagamot. Laking pagsisisi ng binata sa kaniyang naging maling gawain.
Masiyado siyang nahumaling sa paglalaro at nakalimutan na niyang alagaan ang kaniyang sarili, pag-aaral at pati na rin ang kaniyang ina. Ngayon ito siya at nakaratay, ni hindi makakilos upang tulungan ang kaniyang mama.
“Mama, humihingi po ako ng tawad sa lahat ng kasalanan ko sa inyo. Hindi ko po akalaing magkakaganito ako,” umiiyak na paghingi ni Karl ng tawad sa kaniyang ina na noon ay tinanguan naman siya at hinaplos sa mukha.
“Mahal na mahal kita, anak. Magpalakas ka ha?” buong pagmamahal pang anito habang lumuluha ang mga mata.
“Opo, mama. Pangako po iyan. At kapag gumaling na ako, babawi po ako sa inyo at tutulungan ko kayo. Hindi ko na po uulitin ang nagawa kong mali,” sabi pa ni Karl sa ina.
Kalaunan ay bumuti rin naman ang kalagayan ng binata dahil sinunod niya ang payo ng kaniyang doktor. Pinilit niya rin talagang magpalakas dahil gusto niyang bumawi sa sakripisyo ng kaniyang ina.
Sa ngayon ay nakabalik na si Karl sa eskuwela at nag-apply na rin siya ng part time job upang makatulong sa kaniyang mama. Ganoon pa man ay sinigurado niya pa rin ang patuloy na pag-aalaga sa kaniyang sarili. Bukod doon ay talagang tinuluyan na niyang tigilan ang paglalaro ng nakahuhumaling na online games upang hindi na niya iyon ikapahamak.