Nabyuda na Agad ang Babae Matapos Ikasal; May Iniwan Palang Mensahe sa Kaniya ang Namayapang Mister
“Mabuhay ang bagong kasal!” sigaw ng pamilya, mga kaibigan at iba pang bisita sa mag-asawang sina Thea at Jeremy.
Sa loob ng sampung taong pagsasama ay natuloy rin ang pag-iisang dibdib ng dalawa.
“Natupad din ang pangarap ko na maikasal tayo, honey,” sabi ni Thea.
“Kaytagal kong hinintay ang espesyal nating araw, hon. Ngayon ay masasabi kong aking akin ka na,” tugon ni Jeremy sabay halik sa leeg habang gumagapang paibaba ang mga kamay sa binti ng asawa.
“Oops, napag-usapan na natin iyan. Hindi muna tayo mag-aanak ulit. Maliit pa si baby Jeffrey!”
Napakamot sa ulo ang lalaki.
“Oo nga pala ‘no. Muntik ko nang makalimutan,” tatawa-tawang sagot ni Jeremy.
Kinaumagahan ay nakatanggap ng tawag si Jeremy galing sa opisina. Maya-maya ay nagmamadali na itong nagbihis at gumayak para umalis.
“Honey, ilang araw akong mawawala.”
“Bakit? Saan ang punta mo?”
“Tumawag sa akin ang headquarters, pinapapunta ako sa Mindanao dahil may operation kami roon.”
Si Jeremy ay isang sundalo. Noon pa man ay tanggap na ni Thea ang trabaho ng asawa. Alam niya ang mga panganib na kaakibat ng trabaho ni Jeremy, na iyon ay parte ng sinumpaan nitong tungkulin na paglingkuran ang sariling bayan. Ipinagdarasal na lamang niya ang kaligtasan nito.
“Mag-iingat ka, hon. Babalik ka, ha?” sambit ni Thea sabay yakap nang mahigpit kay Jeremy.
“Oo naman. Pangako, babalik ako. Hintayin niyo ako ni baby Jeffrey,” tugon ng mister saka hinagkan siya sa mga labi.
Sa pag-alis ni Jeremy ay hawak ni Thea ang pangako nito na babalik para sa kanilang mag-ina ngunit isang araw, isang masamang balita ang nakarating sa kaniya.
“Ikinalulungkot ko, misis, pero hindi nakaligtas at nas*wi sa operasyon ang iyong asawa, ngunit namat*y siyang ipinagtatanggol ang ating bayan. Dadalhin namin sa Maynila ang kaniyang labi,” wika ng isang kasamahang sundalo ni Jeremy nang tumawag ito sa telepono.
Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang pakiramdam ni Thea sa ibinalita ng sundalo. Halos hindi siya nakahinga nang malamang hindi nakaligtas sa operasyon ang mister na lubha niyang ikinalugmok.
“Jeremy, Jeremy, asawa ko! Nangako ka na babalikan mo kami!” hagulgol niya.
‘Di nagtagal ay dumating na ang labi ni Jeremy. Agad niya itong tiningnan at nang makumpirma na ang asawa nga niya ang walang buhay na nakahiga sa ataul ay mas lalong nadurog ang kaniyang puso. Muntik na siyang mawalan ng malay sa sobrang pag-iyak sa harap ng labi nito.
“Diyos ko! Bakit si Jeremy pa? Bata pa ang aming anak, kailangan pa niya ng isang ama na gagabay sa kaniya. Kailangan pa namin siya!” sambit niya sa humihikbing boses habang pinagmamasdan ang labi ni Jeremy.
Sumapit ang araw ng libing. Inalayan pa ng watawat ang namayapang sundalo na tanda ng kabayanihan nito. Sa oras na iyon ay lugmok na lugmok pa rin si Thea. Masakit pa rin sa kaniya ang maagang pagkawala ni Jeremy. Hindi pa nga sila nakakapag-enjoy na mag-asawa nang ikasal sila ay binawi agad ito sa kaniya.
Pag-uwi sa bahay ay naisipan ni Thea na iligpit at itago ang mga naiwang gamit ni Jeremy. Agad niyang tiningnan ang cell phone nito na ibinigay ng isa sa mga kasama nitong sundalo. Ibinalik sa kaniya ang mga gamit ng dinala ng mister bago ito nas*wi sa pinuntahang operasyon. Nagulat siya dahil may video palang inirekord si Jeremy bago ang araw ng naging engkwentro nito sa mga nakalabang terorista. Muli siyang napaiyak sa napanood niyang mensahe ng asawa.
“Honey, ginawa ko itong video para kung anuman ang mangyari sa akin dito, gusto kong malaman mo na mahal na mahal ko kayo ng ating anak. Masaya ako dahil ikaw ang ibinigay sa akin ng Diyos para makasama ko habang ako’y nabubuhay. Kung hindi na ako makakabalik d’yan at kung hindi ko matupad ang pangako ko sa inyo, huwag ka sanang magagalit o magdaramdam sa akin, dahil gagabayan at babantayan ko pa rin kayo ng ating anak mula sa kabilang buhay. Ingatan mo ang iyong sarili at si baby Jeffrey. Kapag dumating ang araw na kailangan mong umibig muli ay huwag mong pipigilan ang iyong puso. Ang mahalaga, ang lalaking magmamahal sa iyo ay kaya ring mahalin at tanggapin ang ating anak. Hanggang sa muli nating pagkikita, honey. I love you! Pakisabi kay baby na love na love din siya ng daddy niya,” sabi ni Jeremy sa ginawa nitong video. Nag-flying kiss pa sa kaniya ang pinakamamahal na asawa.
“I love you too, Jeremy. Mahal na mahal ka namin ng anak mo,” sagot ni Thea matapos mapanood ang video ng mister.
Naisip pa ni Jeremy na gumawa ng huling mensahe bago ito pumanaw. Parang alam na nito ang mangyayari kaya hindi nito hinayaan na hindi makapagpaalam sa kaniya. Mula noon ay pinilit ni Thea na magpakatatag para sa kanilang anak. Ito ang naging dahilan niya upang patuloy na lumaban sa buhay. Natutunan na rin niyang tanggapin ang sinapit ng asawa. Sinikap niya na palakihing mag-isa si baby Jeffrey at hindi na umibig pa sa ibang lalaki dahil para sa kaniya, si Jeremy lang ang nag-iisang lalaking mamahalin niya habang siya’y nabubuhay. Darating ang panahon na magsasama-sama rin silang pamilya sa ikalawang buhay.