Inday TrendingInday Trending
Tinulungan Niya ang Isang Matandang Pilay; Gantimpala Pala ang Hatid ng Milyonaryong ito

Tinulungan Niya ang Isang Matandang Pilay; Gantimpala Pala ang Hatid ng Milyonaryong ito

Pagod na pagod si Riza mula sa pamamalengke. Marami siyang bitbit na pinamili. Inutusan kasi siya ng kaniyang amo na bumili ng mga stock na grocery bago pa man matuloy ang lockdown sa kanilang lugar dahil sa kumakalat na pandemic.

Isa-isa nang inilalagay ni Riza ang mga supot ng kaniyang ipinamiling grocery sa sasakyang ipinahiram sa kaniya ng kaniyang amo nang biglang magsigawan ang mga tao sa kaniyang paligid.

“Naku po iyong matanda, biglang nadapa!” dinig niyang sigaw ng isang tinig mula sa mga taong naroon.

Nilingon ni Riza ang nadapang matanda at nakitang nakahandusay nga ito sa kalsada, ngunit wala man lang nagkukusang tumulong dito kahit halatang hindi ito makatayo.

Bakas ang takot sa mga mata ng mga taong nakapaligid. Marahil ay iniisip ng mga ito na baka isa sa mga may sakit ang matanda kaya ito humandusay.

“Tulungan ninyo ako, pakiusap! Wala akong sakit. Pilay lang ako kaya ako nadapa. Hinahanap ko lang ang apo ko dahil biglang nabitiwan ng yaya niya!” hinging pakiusap ng matanda sa mga tao ngunit wala pa ring lumalapit.

Lingid sa kaalaman ng naturang matanda ay naglalakad na palapit noon si Riza. Walang pag-aatubili niyang nais tulungan ito sa kabila ng takot na baka ito nga ay may sakit din. Hindi lang talaga niya kayang makakita ng mga nasasaktan sa kaniyang harapan at pagkatapos ay wala man lang siyang aksyon na gagawin.

“Lolo, tulungan ko na po kayo. Halina po kayo. May kasama po ba kayo? Nasaan po ba ang sasakyan ninyo?” sunod-sunod na tanong ni Riza sa matandang napatunayan niyang isa ngang pilay dahil sa hawak nitong saklay.

“Maraming salamat sa iyo, hija. Kanina pa ako naghihintay ng tutulong sa akin ngunit ikaw lang ang nagtiyagang lumapit,” saad naman ng matanda na lubos na nagpapasalamat sa kaniya.

“Wala pong anuman iyon, Lolo. Ihatid ko lang po kayo, ha? Kasi, medyo nagmamadali po ako, e. Inutusan lang po ako ng amo kong mag-grocery,” pag-iimporma naman ni Riza rito. Tumango ang matanda at tuluyan na niya itong inihatid sa mga kasama nito.

“Hija, maaari ko bang malaman kung ano ang buo mong pangalan pati na rin kung ilang taon ka na?” bago siya tuluyang magpaalam ay huling tanong ng matandang tinulungan ni Riza sa kaniya.

“Ako ho si Riza Hidalgo. Beinte dos anyos na po ako, lolo. Sige ho at akoʼy mauuna na. Ingat po kayo!” paalam pa ni Riza rito at sa huling pagkakataon ay nagsambit ng pasasalamat ang matanda pati na rin ang anak na kasama nito.

Nang makauwi sa bahay ng kaniyang amo ay agad siyang binungaran ng galit na sermon nito dahil ginabi siya ng uwi. Sinubukan niya pang magpaliwanag ngunit ayaw naman siyang pakinggan nito. Bilang parusa ay hindi raw siya kakain ngayong gabi upang siya ay magtanda. Sanay na si Riza sa ganoon dahil ilang beses na rin nito iyong ginagawa sa kaniya sa tuwing siya ay magkakamali.

Lumaking mang-mang kasi si Riza dahil hindi siya nakapag-aral kaya ganoon na lamang siya kung maltratuhin ng kaniyang amo. Alam kasi nito na hindi niya alam ang kaniyang karapatan kaya naman nasanay na itong ganoon ang ginagawa nito sa kaniya.

Akala ni Riza ay buong buhay na lamang siyang mangangatulong sa malupit niyang amo, ngunit isang araw ay may dumating na tulong upang sagipin siya.

Lingid sa kaniyang kaalaman ay nag-hire ng private investigator ang matandang tinulungan niya noon upang hanapin siya at kumustahin ang kaniyang buhay ngunit nalaman nito ang pangmamaltratong ginagawa sa kaniya ng kasalukuyang amo.

Isang milyonaryo pala ang matandang kaniyang natulungan kaya naman ganoon lang kadali para dito na kalabanin at ipahuli ang kaniyang amo dahil sa ginagawa nitong pang-aabuso kay Riza.

Ang sumunod ay kinupkop siya ng matanda. Pinakain, binihisan at binigyan ng matutuluyan gaano man niya tanggihan ang mga iyon. Dahil sa kaniyang kabutihang loob ay binigyan siya ng gantimpala nito. Pinag-aral siya at binigyan ng halagang magagamit niya upang magnegosyo para hindi na niya kailanganin pang muling mamasukan bilang katulong.

Hindi akalain ni Riza na dahil lamang sa minsan at simpleng pagtulong niya ay mabibigyan siya ng pagkakataong lumaya sa kalupitan ng ibang tao at makaaahon pa siya sa kahirapan. Lubos ang pasasalamat siya sa matanda at sa pamilya nitong malugod ding sinuportahan ang pagtulong sa kaniya.

Advertisement