Inday TrendingInday Trending
Sinasaktan ng Mister si Misis Dahil sa Madilim nitong Nakaraan; Hanggang sa ang Karimlan ay Nagbahid-Pula sa Panahong Lumamlam ang Ningas ng Kanilang Gasera

Sinasaktan ng Mister si Misis Dahil sa Madilim nitong Nakaraan; Hanggang sa ang Karimlan ay Nagbahid-Pula sa Panahong Lumamlam ang Ningas ng Kanilang Gasera

“Anak, mukhang lasing na namang uuwi ang Tatay mo. Mabuti pang magluto ako ulit ng tinapa. Ikaw na muna ang magsampay ng mga ito,” saad ni Aling Minda na nanay ni Lotlot, na noon ay 12 taong gulang. Katatapos lamang maglaba ng kaniyang Nanay at kasalukuyan niya itong tinutulungan sa pagsasampay sa labas. Inabot na sila ng alas nuwebe ng gabi.

Nahahabag na sinulyapan ni Lotlot ang kaniyang Nanay. Kung tutuusin, nasa 49 na taong gulang pa lamang ito, subalit mukhang matanda na. Losyang. Mangyaring dahil sa kunsumisyon sa buhay, lalo’t batugan ang napangasawa nito. Bukod pa sa lasinggero at madalas ay nananakit pa.

Bagama’t walang trabaho ang Tatay niya, madalas naman itong wala sa bahay, at kung umuwi ay lagi pang galit. Lango lagi sa alak. Binibigwasan nito si Aling Minda kapag hindi nito gusto ang ulam na madaratnan. Pagsasalitaan pa nito nang masama ang kaniyang nanay, na kesyo walang silbi sa kaniya. Isang milagrong maituturing kung lilipas ang isang linggong walang pasa sa mukha, braso, o iba pang bahagi ng katawan si Aling Minda.

Dinig ni Lotlot sa kanilang mga kapitbahay kapag nagtsitsismisan ang mga ito, hindi raw ganoon ang kaniyang Tatay dati. Nag-umpisa raw itong maging malupit kay Aling Minda nang makunan ito sa unang pagbubuntis, na siyang kuya sana ni Lotlot. Lalo raw naglatang ang galit ng kaniyang Tatay sa kaniyang Nanay nang maisilang na siya. Kahit kailan, hindi naramdaman ni Lotlot ang pagiging Tatay ni Mang Pablo sa kaniya.

“Nanay, tulungan ko na po kayo,” alok ni Lotlot matapos ang kaniyang pagsasampay ng mga damit. Halo-halong mga damit na iyon; damit nila at damit ng mga nagpalaba kay Aling Minda. Kung ano-anong raket ang pinapasok ng kaniyang ina para lamang kumita.

“Naku anak, magpahinga ka na lamang at may pasok ka pa bukas. Nagawa mo na ba ang mga takdang-aralin mo? Malapit nang mapundi ang ilaw sa gasera,” paalala ni Aling Minda kay Lotlot. Wala silang kuryente kaya nagkakasya na lamang sila sa maliit na gasera.

“Opo nagawa ko na po kanina,” tugon ni Lotlot habang pinapanood ang nanay niyang pawis na pawis sa pag-ihip ng mga bao ng niyog na pinarikit sa apoy upang makaluto ito ng tinapa para sa kaniyang tatay, na pihadong lasing na namang uuwi at magagalit sa kanila. Wala rin kasi silang lutuang gaas, kundi panggatong lamang na mga kahoy at mga pinatuyong bao ng niyog.

Pagpasok sa loob ng bahay, inayos na lamang ni Lotlot ang kanilang gasera, na lumalamlam na nga ang apoy dahil kaunti na lamang ang gaas.

“Nanay, paubos na po ang gaas ng gasera,” bulalas ni Lotlot.

“Lagyan mo na lang anak, nariyan sa tabi ng pinto ng CR ang bote ng softdrinks. Salinan mo na lang. Baka magalit ang Tatay mo kapag biglang mawalan ng sindi ang gasera,” utos ni Aling Minda.

Kinuha ni Lotlot ang gaas. Binuksan niya ang takip ng gasera at sinalinan ng kaunting gaas ang laman nito, subalit hindi sinasadyang natapon ang gaas sa mesita dahil sa malaking pagkagulat sa sigaw ng kaniyang kararating na Tatay. Tama nga ang kaniyang Nanay: lasing na lasing ito.

“Bakit ang usok-usok? Anong ginagawa mo?” tungayaw ni Mang Pablo kay Aling Minda. Nanginig ang kalamnan ni Aling Minda.

“Kuwan, nagluluto ako ng tinapa para ulamin mo sana…” nanginginig na sagot ni Aling Minda.

“Tinapa lang? Tinapa lang papakain mo sa akin? Wala kang silbing asawa! Dapat kanina mo pa ‘yan ginawa! Nagsasayang ka ng pagkain at oras! Saan ka naman nagpunta? Nagpunta ka naman sa kabit mo? Nagpabuntis ka na naman, ha? Sino na naman ang kinalantari mo?” galit na sabi ni Mang Pablo.

“H-hindi… n-naglaba ako, t-tinulungan nga ako ni Lotlot,” hindi magkandatuto si Aling Minda. Biglang hinablot ni Mang Pablo ang buhok nito at sinabunutan.

“Huwag na huwag mong mababanggit ang pangalan ng batang iyan, dahil si Nicholas lang ang anak ko! Kung hindi ka pabaya, hindi ka sana makukunan. Sana may junior na ako! At iyang anak mo sa kalaguyo mo, kahit kailan hindi ko matatanggap iyan! Naririnig mo ako? Hindi!!!” nanlilisik ang mga mata ni Mang Pablo.

Umiiyak na si Aling Minda. Hindi na lamang buhok ang hablot ni Mang Pablo. Ang isang kamay nito ay sakal-sakal na sa leeg ni Aling Minda. Nakapanghihilakbot ang pagmamakaawa nito sa mister.

Dahil said na ang gaas ng gasera, tuluyang lumalam ang sindi nito hanggang sa mawala ang kaunting apoy. Bumaha ang kadiliman sa loob ng kanilang kubol. Kasabay na nagdilim ang paningin ni Lotlot. Bago pa man maparam ang sindi ng gasera, nakuha na niya ang itak— at inundayan niya ng isa, dalawa, tatlo, apat… sunod-sunod na saksak ang likod ng ama.

Kulay-pula ang liwanag na nagmumula sa buwan. Nanghilakbot si Aling Minda. Hindi siya makapaniwal sa ginawa ni Lotlot. Subalit maraming nakarinig sa nangyayaring sigalot sa kanilang bahay. Nagulat ang mga tanod nang masagiran ng ilaw mula sa flashlight ang dugu*ang katawan ni Mang Pablo.

“Ako… ako ang may sala! Tinaga ko ang asawa ko! Napasl*ang ko siya!” lumuluhang sabi ni Aling Minda. Nagawa niyang makuha ang duguang itak; sapat na ebidensiya upang mapagtakpan ang anak sa nagawa nitong krim*en sa murang edad.

Dinala ng mga tanod si Aling Minda sa barangay hall at isinuko sa mga pulis. Si Lotlot naman ay napunta sa kalinga ng DSWD. Inako ni Aling Minda ang kasalanan ng kaniyang anak. Nakulong si Aling Minda, subalit napatunayan naman sa korte na pagtatanggol sa sarili ang kaniyang ginawa— ayon na rin sa nag-iisang testigo niyang si Lotlot, gayundin ang testimonya ng kanilang mga kapitbahay.

Nang makalaya, sinalubong ng yakap ni Aling Minda ang anak na si Lotlot. Nag-iyakan sila. Ipinangako ni Aling Minda sa anak na magsisimula silang muli at ibabaon sa limot ang madilim na nakaraan.

Advertisement