Masyadong Taklesa at Talakera ang Ginang at Hindi Pinag-iisipan ang Kaniyang mga Binibitiwang Salita; Hanggang Isang Araw ay Nakatagpo Siya ng Katapat
Mabusising mamimili si Aling Teresita. Hindi siya papayag na siya ay magugulangan o malalamangan ng kahit sino. Pagdating sa pera, wais na wais siya, kaya naman tuwang-tuwa ang kaniyang mister dahil napagkakasiya niya ang budget para sa bahay.
Sa palengke, asahan mong todo ang paghingi ng tawad o pambabarat ni Aling Teresita, kaya’t kilalang-kilala na siya ng mga tindero at tindera. Paminsan, talagang ipinanalangin nilang huwag mapatapat sa kanila ang ginang dahil tiyak na tatawad ito nang malala; at sa huli, may masasabi pa ito sa kanilang paninda.
“Naku, hindi naman malutong ang mga paninda mong mansanas! Noong isang araw, sobrang malata at walang katamis-tamis. Mabuti nga’t ikaw ang nilalapitan ko para pagbilhan. Pagbigyan mo na ako sa tawad ko,” ani Aling Teresita habang namimili ng prutas.
“Grabe ka naman, Tere! Ingat-ingat sa pagsasalita at baka may makarinig sa iyo. Masisira pa ang negosyo ko sa iyo eh,” saway ng tindera na kilalang-kilala na ang ugali niya.
“Ay sus, hindi na nga ako bibili sa iyo. Sa iba na lang ako, hindi naman masarap ang mga paninda mong prutas. Minsan may mga mapapakla,” sabi ni Aling Teresita.
“Hoy, matapos mo akong utang-utangan diyan noon ganiyan-ganiyanin mo ako?” nakamulagat ang mga mata ng tindera. Namaywang ito kay Aling Teresita.
“Kung umutang man ako sa iyo, nakabayad na ako. Huwag kang maingay baka ipasak ko sa bunganga mo ang mga paninda mo!” galit na ganting tungayaw ni Aling Teresita. Pinili na lamang ng tindera na huwag nang patulan si Aling Teresita at baka lumala pa ang gulo at makaapekto pa sa kaniyang negosyo.
Isang araw, dahil sa patuloy na paglaganap at pagtaas ng kaso ng mga tinamaan ng virus na nagdulot ng pandemya, ipinag-utos ng pamahalaan ang pagsusuot ng face shield, maliban sa face mask.
“Saan ba nakabibili ng face shield na iyan?” tanong ni Aling Teresita sa kaniyang anak.
“Sa palengke meron, Ma. Saka sa mga botika,” sagot ng kaniyang anak.
Ipinasya ni Aling Teresita na bumili ng maraming face shield sa isang sikat na drugstore upang hindi na siya magpunta-punta pa sa palengke dahil delikado raw para sa mga gulang niya ang madapuan ng virus. Subalit hindi pa man nakararating sa bahay, nagpuyos ang kaniyang kalooban nang makitang tila malabo ang mga face shields na kaniyang nabili, nang huminto siya upang suriin ang laman nito.
“Pineke ako ng mga hayop na iyon… teka nga, lintik lang ang walang ganti!” sa loob-loob ni Aling Teresita. Agad siyang bumalik sa drugstore. Kahit maraming taong nakapila, wala siyang pakialam. Mas gusto nga niya iyon para maging bida siya.
Walang pagbati, inihagis ni Aling Teresita sa counter ang kaniyang mga biniling face shields, bagay na ikinagitla at ikinaputla ng mga pharmacists, gayundin ang mga mamimili.
“M-Ma’am, may problema po ba?” tanong ng pharmacist na noon ay nasa kaha.
“Oo! Peke ang face shields na ibinebenta ninyo rito. Tingnan mo, tingnan mo!” nanggagalaiti si Aling Teresita. Wala siyang pakialam kung gumagawa man siya ng eksena. Nilapitan na rin sila ng guwardiya upang umantabay sa mga mangyayari.
Kinuha ng pharmacist ang mga kahon ng face shields. Lumapit na rin ang manager upang mamagitan.
“Paano pong peke? Ano pong problema?” magalang pa rin na tanong ng pharmacist na nag-asikaso sa kaniya kanina.
“Ang labo-labo! Bakit ganiyan iyan? Paano ako makakakita?” galit na tanong ni Aling Teresita.
Tiningnan ng manager at pharmacist ang kaniyang inirereklamo. Pagkaraan, nagkatinginan sila gayundin ang mga mamimili. Kitang-kitang pinipilit nilang huwag mapangiti o mapatawa, bagay na hindi nakaligtas sa mapanuring mga mata ni Aling Teresita.
“Anong nginingingiti-ngiti ninyo, aber?” tanong niya.
Sumagot ang manager,” Ma’am, tinatanggal po kasi iyang nasa first layer,” at ipinakita nito ang paraan ng pagtungkab sa first layer ng face shield.
Pulang-pula ang mukha ni Aling Teresita. Pahiyang-pahiya siya. Gusto niyang lumubog sa kinatatayuan. Subalit kailangan niyang bumawi.
“Hindi naman ninyo tinuro o sinabi sa akin eh, malay ko ba,” kunwari ay pa*tay-malisya at hindi apektadong sabi ni Aling Teresita.
“Ma’am, may instructions po sa likod ng kahon,” sabi ng pharmacist sabay turo sa kahon.
Hiyang-hiya naman si Aling Teresita sa kaniyang ginawa. Pahiyang-pahiya siya, hindi na siya nakahuma. Tahimik na muli niyang kinuha ang mga face shields na nabili, at tahimik na lumabas ng drugstore. Hindi niya alam kung paano siya nakalabas; ang alam lamang niya, tiniis niya ang mga matang nakatingin sa kaniya na tiyak na nililibak na siya sa kanilang mga isipan.
Simula noon ay nagbago na si Aling Teresita. Ipinangako niya sa sariling ititigil na niya ang katabilan ng kaniyang bibig, dahil maaari siyang ipahamak nito sa huli.