Inday TrendingInday Trending
Kinaiinisan ng Ginang ang Biyenan Dahil sa Katatanim ng Malunggay; Ang mga Tanim na Kinaaayawan, Makatutulong Pala sa Mahigpit na Pangangailangan

Kinaiinisan ng Ginang ang Biyenan Dahil sa Katatanim ng Malunggay; Ang mga Tanim na Kinaaayawan, Makatutulong Pala sa Mahigpit na Pangangailangan

Pinagmamasdan ni Sonia ang kaniyang biyenang si Aling Maring na abalang-abala sa pagtatanim na naman sa harapan ng bahay. Kung tutuusin, gusto sana niyang pagbawalan ito; hindi kasi siya mahilig sa mga gulay-gulay na itinatanim sa harapan ng bahay.

“Nay, nagtatanim na naman po kayo,” sita ni Sonia sa kaniyang biyenang tila nagiging makulit at sensitibo sa mga nagdaang buwan.

“Oo, wala naman akong ibang mapaglilibangan. Mas mainam na yung maraming tanim na malunggay, hindi masyadong mainit. Kaya umiinit ang mundo eh, kulang na sa tanim ang mga tao,” sabi nito.

“Eh ‘Nay, hinay-hinay lang po, kasi baka naman dumami ang mga lamok at insekto sa atin. Katatapos lang po ma-dengue ni Tony,” paalala naman ni Sonia. Si Tony ang anak nilang sampung taong gulang ng mister na si Paul, na anak ni Aling Maring.

Ikinatampo pala ito ni Aling Maring. Pakiramdam daw kasi niya ay limitado ang galaw niya sa bahay. Nalaman ito ni Sonia kay Paul.

“Bakit hindi niya sinabi sa akin eh magkasama lang naman kami rito sa bahay? Bakit kailangan pa niyang ipadaan sa iyo?” tanong ni Sonia kay Paul.

“Hayaan mo na. Siyempre nahihiya siya sa iyo,” pag-alo ni Paul sa misis.

“Paul… paano kaya kung bumukod na lang tayo?” naitanong ni Sonia kay Paul.

“Hindi puwede, anong gagawin natin sa Nanay? Alangan namang iwanan natin siya. Sinong mag-aalaga sa kaniya?” tanong ni Paul sa misis.

“Ehhh… ano pa nga ba? Kasi sinabi ko naman sa iyo dati na bumukod na lang tayo, sana bumili na lang muna tayo ng bahay dati para hindi na tayo nakikipisan dito. Ang kulit mo kasi. Ngayon, hindi tayo makawala sa anino ng Nanay mo,” sumbat ni Sonia sa kaniyang mister.

“Unawain mo na lang si Nanay, matanda na siya. Kaunting unawa lang, Sonia. Mahal ko kayo ni Tony, pero hindi ko naman puwedeng pabayaan ang magulang ko,” sabi ni Paul.

Isang araw, nagulat na lamang sila nang malamang may Alzheimer’s Disease pala si Aling Maring. Maraming bagay itong nakalimutan, maging ang pagdumi at pag-igi. Gusto nang sumuko ni Sonia sapagkat siya lamang naman ang inaasahan ni Paul na mag-alaga sa kaniyang biyenan. Nagsisimula nang magsilakihan noon ang mga malunggay na tanim nito.

Hanggang isang araw, binawian ng buhay si Aling Maring. Ayaw mang aminin sa sarili ni Sonia, nalulungkot siya sa pagkawala ng biyenan. Kahit na maraming bagay silang hindi pinagkakasunduan, napamahal na rin sa kaniya ang makulit na ina ng kaniyang mister.

Makalipas ang dalawang taon, tuluyan na ngang nagsilakihan ang mga pananim na malunggay ni Aling Maring. Natuto na ring kumain nito sina Sonia. May mga kapitbahay rin silang humihingi nito.

Isang balita naman ang dumating. Nagkaroon ng pandemya sa buong mundo. Isa sa mga nawalan ng trabaho si Paul, kasabay ng kaniyang pagkakasakit sa atay. Labis na namroblema si Sonia. Hindi niya alam kung saan kukuha ng pera lalo na sa kanilang pangunahing pangangailangan. Napatingin siya sa labas. Nasulyapan niya ang mga tanim na malunggay ng biyenan.

Ginawa niya, nagbenta siya ng mga pananim na gulay sa kaniyang mga kapitbahayan at sa palengke. Subalit alam niyang hindi ito sasapat.

“Alam ko na Nanay. Mag-online barter tayo, baka may gusto niyan. Uso po ngayon ang ganoon,” sabi sa kaniya ni Tony na noon ay tinedyer na.

“Malunggay? May gugusto ba niyan?” natatawang sabi ni Sonia.

“Subukan lang po natin. Akong bahala,” sabi ni Tony.

“Bahala ka, ikaw naman ang may alam sa mga ganiyan-ganiyan,” pagpapaubaya ni Sonia sa anak.

Kinabukasan, nagulat siya sa napakaraming mga netizen na nagnanais na makipagpalitan ng iba’t ibang mga bagay para sa kanilang malunggay: may isang sakong bigas, iba pang mga gulay, mga de-lata, at kahit gadgets na magagamit ni Tony para sa kaniyang online class.

At dahil marami silang pananim na malunggay, nakarami rin sila ng iba’t ibang mga bagay na ipinapalit ng iba’t ibang mga tao para sa dahon, bunga, o mismong puno ng malunggay upang maitanim daw nila sa kanilang mga bakuran. Sa panahon daw kasi ng pandemya, kailangang magpalakas ng katawan at resistensiya.

“Ang galing! Kahit wala na si lola, parang nakakatulong pa rin siya sa atin,” sabi ni Tony.

Kaya naman, laking-pasasalamat ni Sonia sa mga pananim ng biyenan. Hindi siya makapaniwalang ang kinaaayawan niyang ginagawa nito noon, ay siyang makatutulong sa kanila ngayon, sa mahigpit na pangangailangan.

Advertisement