Puro Reklamo ang Dalagang Ito Dahil sa Pabigat na Bagong Katrabaho, Hindi Siya Lubos Makapaniwala sa Naitulong Nito sa Kanilang Kumpanya
“Naku, Delia! Mabuti naman pumasok ka na! Maaga akong tatanda dito!” bungad ni Wenna, isang araw nang pumasok na galing bakasyon ang kaniyang kapareha.
“Bakit, Wenna? Anong problema?” pang-uusisa nito saka inilapag ang mga gamit sa lamesa.
“Eh, halos lahat ng gawain, ako ang gumagawa! Ako na naggawa ng mga papeles, ako pa ang nagpapadala sa kliyente!” reklamo niya pa saka bahagyang nagdabog.
“Paano nangyari ‘yon? Eh, hindi ba’t bagong empleyado yung ipinahera sa’yo ni boss para may katuwang ka?” pagtataka ng kaniyang katrabaho.
“Diyos ko, Delia, walang alam ‘yong si Henry kung hindi magtimpla ng kape ko. Ni hindi nga marunong gumamit ng kompyuter! Tinuruan ko nga mag-photocopy ng mga papeles, eh, ayon ‘yon lang ginagawa niya dito,” ika niya dito, bakas sa kaniyang mukha ang matinding pagkainis.
“Totoo ba ‘yan? Paano nakapasok ‘yan dito?” tanong pa nito. “Ewan ko ba,” inis niyang singhal.
Maglilimang taon na sa industriya ng pananaliksik ang dalagang si Wenna. Pagkatapos na pagkatapos niya sa kolehiyo, agad siyang nakapasok sa isang kilalang kumpanyang ito dahil sa angking niyang galing sa pananaliksik at paggawa ng mga dokumento ukol sa mga napapanahong isyu na ginagamit ng ilang kumpanya.
Bukod sa nais niya ang ganitong trabaho, malaki pa ang sahod niya dito dahilan upang kahit medyo mahirap ang kaniyang trabaho, ginagawa niya pa rin ang lahat upang magawa ng tama sa oras ang mga pinapasaliksik sa kaniya ng mga kliyente.
Nang magkaroon siya ng kapareha sa pananaliksik, tila gumaan ang kaniyang trabaho. May taglay din kasing kagalingan ang naibigay sa kaniyang kapareha dahilan upang magawa nila ng maayos at maganda ang bawat documentong nakaatas sa kanila.
Ngunit nitong mga nakaraang araw, kung kailan nasa bakasyon ang kaniyang pinagkakatiwalaang kapareha, may isang bagong empleyado ang pinasok at ibinigay ng kanilang boss sa kaniya na talaga nga namang nakapagbaliktad ng kaniyang mundo.
Halos wala kasi itong alam sa kanilang trabaho. Ni hindi marunong magpadala ng mensahe gamit ang social media, hindi marunong magbasa, at lalo’t higit, hindi marunong magsulat.
Noong una’y kinakaawaan niya ito dahilan upang sa bakante nilang oras, tinuturuan niya itong magsulat at magbasa, ngunit nang dumating na tambak na gawin at wala itong maitulong, doon na nagsimulang uminit ang kaniyang ulo.
Kaya ganoon na lang ang kaniyang pasasalamat nang makabalik na ang kaniyang kapareha. Tila ba nabunutan siya ng tinik na ilang araw na niyang iniinda.
Noong araw ding ‘yon, lalo pa siyang nainis sa bagong empleyadong ‘yon.
“Tingnan mo, Delia, anong oras na wala pa ‘yong mangmang na ‘yon!” sigaw niya nang hindi sadyang mapatingin sa orasan.
“Oo nga, ‘no? Magtatanghalian na, ha?” sagot ng kaniyang katrabaho habang tutok pa rin sa kompyuter.
“Tapos kikita siya nang malaking pera tulad natin! Eh, wala naman siyang natutulong dito! Nakakainis!” ‘ika niya pa, bakas sa kaniyang mukha ang matinding pagkainis.
“Sa akin, malaki ang natulong niya,” sabat ng kanilang boss na labis niyang ikinagulat.
“Bo-boss! Bakit po kayo napadaan?” nauutal-utal niyang tanong, bahagya namang napatigil ang kaniyang kapareha.
“Pwede ko ba kayong makausap?” nakangiting sagot nito saka naupo sa pwesto ng empleyadong kaniyang kinaiinisan. Tumango-tango lang silang dalawa saka pina*tay ang kanilang mga kompyuter at lumapit dito.
Doon niya nalamang ang binatang iyon pala ay isang pulubi na siyang nagligtas sa kanilang amo noong araw na kamuntikan na itong masagasaan sa tapat ng gusaling kanilang pinagtatrababuhan.
Ika pa ng kanilang boss, “Utang ko sa kaniya ang buhay ko, kaya sana, huwag niyo siyang maliitin. Sa katunayan nga, ayaw niyang pumasok dito, eh, pinilit ko lang para makabawi ako’t may pagkakitaan siya. Turuan niyo siya hangga’t maaari, dahil kung hindi sa kaniya, baka wala na rin kayong trabaho ngayon. Alam niyo namang ako lang ang nagpapalakad nito.”
Doon siya nakaramdam ng pagkahiya sa kanilang boss at sa naturang binata dahilan upang mangako siyang gagawin ang lahat upang makabawi silang lahat sa ginawang kabayanihan nito.
Ginawa niya ang lahat upang matuto ang binata, araw-araw siyang naglalaan ng oras upang maturuan itong magsulat, magbasa at gumamit ng kompyuter na hindi naman kalaunan, natutunan na rin nito dahilan upang makatulong na rin ito sa kanila.
Sa sobrang tuwa ng kanilang boss, dinagdagan pa nito ang kanilang sweldo at doon na siya tuluyang nakaipon.
“Ang sarap pala talaga sa pakiramdam na makatulong kaysa ipagkalat ang kahinaan ng iba,” sambit niya, isang araw habang tutok na tutok sa kompyuter ang binatang dati’y mangmang sa larangan ng industriyang pinasukan.