Sabi ni Mister ay Losyang na Raw si Misis, Napagtanto ng Ginang na Ayos Lang Iyon Kung Dahil Naman sa Kaniyang Anak
“Mama! Saan ka po pupunta? Sama ako!” sigaw ng batang si Carl, isang araw nang makita niya sa kalsada ang kaniyang ina habang siya’y abala sa paglalaro ng tumbang preso.
“Naku, d’yan ka na lang! Sa palengke lang ako pupunta!” bulyaw ni Aling Presy saka nagmadaling naglakad palayo sa anak ngunit sinundan pa rin siya nito.
“Ano pong bibilhin mo, mama? Bihis na bihis ka na naman po, ha? Sama na ako!” pangungulit pa nito habang hinaharanggan ang kaniyang dinadaanan.
“Bibili lang ako ng tuyo at isang kilong bigas! D’yan ka na lang! Kita mo naman ang itsura mo, o? Mukha kang nakakaawa!” sigaw niya sa anak saka niya ito tinaboy-taboy.
“Edi bihisan mo po ako, mama! May maganda akong damit sa aparador, hindi ba?” pamimilit pa nito saka bahagyang yumakap sa kaniya dahilan upang mairita siya lalo.
“Maganda na ‘yon para sa iyo? Eh, mukha ngang basahan! Saka huwag mo nga akong lambitinan! Nakakadiri ang pawis mo!” bulyaw niya dito saka kinalas ang pagkakayakap ng anak dahilan upang magsimula na itong umiyak.
Sa edad na labing dalawang taon nabuntis si Presy. Simula noon, wala na siyang inatupag kung hindi ang kaniyang magiging anak at asawa. Inalagaan niya nang higit sa kaniyang sarili ang mga ito, lalo na ang kaniyang asawa na nagtutustos ng lahat ng kanilang pangangailangang mag-ina. Mapapagkain nito hanggang panligong mainit na tubig sa umaaga, kaniyang inihahanda kahit pa hirap na hirap na siyang kumilos dahil sa batang kaniyang dinadala sa sinapupunan.
Kaya ganoon na lamang ang sama ng loob niya nang malamang may kalaguyo itong mas bata pa sa kaniya. Bukod kasi sa mas pinili nito ang kabit na babae, ayaw na rin siyang panagutan nito. Ika pa ng kaniyang asawa noon, “Sino ang maniniwalang bente anyos ka lang? Kita mo nga ang itsura mo! Maganda pa’t makinis ang lola ko kaysa sa iyo, eh!” na labis niyang dinamdam.
Nagmakaawa man siyang panagutan nito kahit ang kanilang anak na lang, wala na siyang nagawa dahil nagtago na ang naturang lalaking iyon. Kaya naman ipinangako niya sa sariling kapag siya’y nakapanganak na, gagawin niya ang lahat upang maibalik ang dati niyang ganda’t alindog.
Nagawa niya ngang maisilang ang kaniyang anak sa tulong ng ilan niyang kaanak na nagbigay ng tulong pinansiyal sa kaniya. Ngunit hindi niya kaagad nagawang ibalik ang dati niyang ganda. Bukod sa mag-isa niyang inaalagaan ang kaniyang anak, puro kamot at taba pa ang kaniyang katawan na labis niyang ikinainis.
Kaya naman noong tumuntong na ang kaniyang anak sa limang taong gulang, doon na niya sinimulang ayusin muli ang kaniyang sarili. Kapag may sobra pera mula sa kaniyang sweldo, imbis na ibili ng gamit ng anak, ibinibili niya ito ng mga palamuti sa mukha, damit o kung hindi nama’y usong sapatos dahilan upang kahit papaano, magmukha muli siyang dalaga sa paningin ng iba.
Noong araw na ‘yon, agad siyang naglakad palayo sa anak niyang umaatungal. Ika niya, “Nakakainis talaga ang batang iyon! Manang-mana sa kaniyang ama, papansin sa iba!”
Dahan-dahan na siyang naglakad nang hindi na niya marinig ang kaniyang anak. Ngunit maya-maya, bigla niyang nakasalubong ang kaniyang matalik na kaibigan noong siya’y hayskul dahilan upang batiin niya ito.
“O, Honey, anong nangyari sa’yo? Mukha ka nang losyang! Ilan na ba ang anak mo?” ika niya dito, napangiti naman ang kaniyang kaibigan.
“Naku, ganoon talaga, dalawa na ang anak ko, eh, sila na ang inuuna kong ayusan kaysa sa sarili ko. Ayoko namang matulad sa iba na maayos nga ang itsura nila, nanggigitata naman ang kanilang anak sa lansangan,” patawa-tawang sambit nito, “O, siya, sakay na kami sa kotse, ha? Naiinitan na ang mga anak ko, eh,” dagdag pa nito saka sumakay na sa isang magarang kotse.
Doon na siya tila nasampal ng mali niyang gawain. Kitang-kita niya sa bintana ng sasakyang iyon kung paano alagaan ng kaniyang kaibigan ang mga anak nito. Sa isip-isip niya, “Samantalang ako, isa lang ang anak ko, hindi ko pa mapunasan ng pawis,” dahilan upang magmadali siyang bumili sa palengke’t umuwi kaagad.
Nadatnan niyang naghihintay sa kanilang pintuan ang kaniyang anak. Agad niya itong niyakap saka ibinigay ang binili niyang bagong damit.
“Pasensiya ka na, anak, ha? Pangako, ikaw na ang uunahin ko ngayon,” sambit niya dito, halos mangiyakngiyak naman siya nang makita ang saya sa mga mata ng kaniyang anak nang makita ang bagong damit na binili niya.
Simula noon, ginawa nga ni Presy ang lahat para sa kaniyang anak. Maging mukhang losyang man siya, wala na siyang pakialam dahil paniniwala niya ngayon, “Mas mahalaga ang anak ko, kaysa sa itsura ko. Bahala na kung wala nang magkagusto sa aking makakaagapay ko sa buhay, basta masaya ang anak ko sa piling ko.”