Ayaw ng Ginang na Pagtindahin ang Anak sa Harap ng Kanilang Bahay, Labis Siyang Nakaramdaman ng Awa Nang Makita ang Gutom na Pamilya
“Hoy, Jose, anong gagawin niyo doon sa tapat ng gate, ha? Bakit may mga lamesa doon?” nakasimangot na tanong ni Aling Emma sa kaniyang anak.
“Ah, eh, mama, balak po namin ni Jane na magbenta ng mga gulay, manok, baboy at isda,” paliwanag ng kaniyang anak habang pinupunasan ang lamesang gagamitin sa pagtitinda.
“At sinong nagsabing payag ako sa kagustuhan niyo, ha?” mataray na sagot niya.
“Eh, mama, kung hindi po kami magtitinda, wala na po tayong kakainin sa susunod na buwan. Halos tatlong buwan na rin po simula noong nawalan kami ng trabaho ng asawa ko dahil po sa virus,” paliwanag naman ng kaniyang anak.
“Wala akong pakialam! Bahala nang magutom, basta ayokong magtitinda kayo d’yan sa harapan dahil dadami ang tao dito! Pwede pa tayong mahawaan!” sigaw niya sa anak.
“Mama, siyempre po mag-iingat kami,” sambit pa nito na lalo niyang ikinagalit.
“Tumigil ka! Kung ayaw niyong sumunod, lumayas kayo dito sa pamamahay ko!” bulyaw niya dito saka niya bahagyang inihagis ang mga gamit na inaayos ng anak.
Halos isang dekada nang biyuda ang ginang na si Emma. Simula noong mawala ang asawa, lumabis na ang kaniyang pag-uugali na kahit mga anak niya, sumusuko na sa kaniya.
Sa katunayan nga, dalawa sa tatlong anak niya ang minabuting humiwalay na ng bahay kahit pa wala pang asawa ang mga ito. Palagi na lang kasi siyang nakasinghal at tutol sa lahat ng nais ng mga anak. Higit pa doon, lagi niyang panakot ang pagpapaalis sa mga ito kapag hindi sumunod.
Kaya naman tanging ang anak niya na lamang na si Jose ang nag-aalaga’t nakikisama sa kaniya sa kasalukuyan. Ito ang siyang namalagi sa kanilang kinalakihang bahay kasama ang sarili nitong pamilya.
Ngunit kahit pa may pamilya na ang anak, palagi pa rin siyang nangingialam sa mga desisyon nito sa buhay. Palagi niyang sinusumbat ang bahay na tinitirhan ng pamilya nito dahilan upang sumunod na lang ito sa kaniya. Wala pa rin kasing gaanong ipon ang anak niyang ito pagkat ito’y bata pa’t maagang nagkapamilya.
Noong araw na ‘yon, kahit pa nakita niyang mangiyakngiyak na ang anak, hindi pa rin niya ito pinagbigyang magtinda sa harapan ng kanilang bahay. Bukod kasi sa maaari silang mahawaan, ayaw niyang makita ng mga kapitbahay nila na naghihirap na sila. Kaya naman ganoon niya na lang pinigilan ang anak at kahit pa may edad na, pilit niyang ipinasok ang mga lamesang inilabas ng kaniyang anak.
Lumipas ang isang linggo, muli na namang nagpaalam ang kaniyang anak na magtinda sa harapan ng kanilang bahay at katulad ng inaasahan, hindi niya ito pinayagan.
“Mama, naman, pati po kayo magugutom kung hindi niyo ako papayagan. Wala na po sa isang daan ang pera ko, tiyak magugutom tayo pare-pareho dito,” malungkot na sambit ng kaniyang anak saka ipinakita sa kaniya ang laman ng pitaka na isang libo na lang ang laman.
“Hindi pa rin ako payag, tumigil ka na hindi mo’ko mapipilit,” mataray niyang sagot saka nagkulong sa kaniyang kwarto, pigil-pigil ang kumukulong sikmura pagkat hindi pa nakakaluto ang asawa ng kaniyang anak.
Kahit pa gutom, hindi siya lumabas ng kwarto noong araw na ‘yon. Narinig man niya ang tawag ng anak upang makakain na sila ng kanin at tuyo, hindi pa rin siya bumangon.
Tiniis niya ang gutom na ‘yon nang isang buong araw, at nang makaramdam na nang panghihina, doon siya lumabas.
Nadatnan niyang nag-iiyakan na sa gutom ang kaniyang mga apo, habang ang anak niya’y nakatungo na lamang sa kanilang lamesa, hinihintay maluto ang kaning sinalang ng asawa na galing sa utang.
Napabalikwas ito nang makita siya saka sinabing, “Mama, pasensiya ka na, ha? Hindi na kita ginising kagabi, wala rin kasi ako mapapakain sa’yo, eh. Ngayon naman, mantika’t toyo lang mauulam natin, wala na po talaga, eh,” dahilan upang bahagya siyang mapabuntong hininga.
Sinaluhan niya ang pamilya ng kaniyang anak sa pagkain. Kitang-kita niya sa mukha ng asawa ng kaniyang anak ang hirap na dinaranas at doon siya napaisip na baka ang pagtitinda na lang talaga ang magsasalba sa kanila.
“Payag na ako,” matipid niyang sabi dahilan upang mapatigil ang kaniyang anak sa pagkain, “Magtinda na kayo, ako na mag-aasikaso sa mga anak niyo simula bukas,” dagdag niya pa saka lumisan ng hapag kainan. Habang naglalakad palayo, narinig niyang naiyak sa tuwa ang kaniyang anak na labis niyang ikinasaya.
Nagtinda nga ito sa harap ng kanilang bahay at doon na nga nila naibsan ang kumakalam nilang mga sikmura.
Ilang linggo pa ang nakalipas, lumago ang negosyo ng kaniyang anak dahilan upang tumabaa ang kaniyang puso. Ika niya, “Siguro nga, mali na lagi ko na lang kontrahin ang mga anak ko sa nais nila, lalo pa’t para naman sa ikakabuti nila ang mga bagay na iyon.”
Simula noon, nagsimula na siyang dalawin ng dalawa niya pang anak. Magiliw niyang pinakitunguhan ang mga ito at bukod pa doon, pinakitaan niya ng suporta ang mga ito gaya ng ginawa niya sa kaniyang bunsong anak.
Normal sa mga magulang ang maghigpit sa anak, ngunit huwag naman sanang umabot sa puntong naisin nilang lumayo para lang makalaya. Libre ang pagsuporta sa mga hangarin ng anak, bukod sa nakakataba ng puso, nakakapagpalalim pa ng relasyon.