Inday TrendingInday Trending
Tinutulan at Labis na Hinamak ng Isang Mayamang Ginang ang Pagpapakasal ng Anak sa Nobya Nitong Mahirap; Ganito Rin Pala ang Kaniyang Sasapitin

Tinutulan at Labis na Hinamak ng Isang Mayamang Ginang ang Pagpapakasal ng Anak sa Nobya Nitong Mahirap; Ganito Rin Pala ang Kaniyang Sasapitin

“Mahal, sigurado ka ba na magugustuhan ako ng mommy mo? Kinakabahan kasi talaga ako, e,” sambit ni Myrna sa kaniyang kasintahang si Ken.

“Ano ka ba, mahal? Wala ka namang dapat ikakaba riyan. Mabait ka, matalino, maganda at higit sa lahat ay mahal na mahal kita. Sinong tao ang hindi ka magugustuhan?” tugon naman ng binata.

“Alam mo naman kung ano ang tinutukoy ko. Sobrang magkaiba ang mundo natin, Ken. Paano ka nakakasigurado na magugustuhan ako ng mga magulang mo?” wika pa ng dalaga.

“Aaminin ko sa’yo, sa daddy ko ay walang magiging problema. Tanggap niya ang sinumang babaeng aking mamahalin. Ngunit hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ng mommy ko. Hindi natin malalaman kung hindi natin susubukan. Halika nga dito at yayakapin kita para mawala ang kaba mo,” sambit pa ni Ken sa nobya.

Sa loob ng anim na buwan ay matiyagang niligawan ni Ken ang dalaga. Sa una ay hindi makapaniwala si Myrna sa tunay na hangarin sa kaniya ng binata ngunit handa si Ken na patunayan ang kaniyang pag-ibig.

Hindi nagtagal ay nahulog na rin si Myrna kay Ken at tuluyan na niya itong sinagot. Hanggang sa naging siryoso na talaga ang kanilang relasyon at napag-uusapan na nila ang pagpapakasal.

Sa puntong ito ay nais na ni Ken na gawing legal ang kanilang relasyon. Nais niyang tuluyan nang ipakilala si Myrna sa kaniyang mga magulang. Kinakabahan man ay buo ang kaniyang loob na magugustuhan ng mga magulang ang kaniyang nobya.

“I-ito ba ang bahay niyo, Ken? Hindi mo naman sinabi sa akin na ganitong kayaman ang pamilya mo,” pagkabigla ng dalaga.

“Tara na at pumasok na tayo. Huwag kang mag-alala sapagkat kasama mo ako,” tugon ng binata.

Dinig na dinig ni Myrna ang dagundong ng kaniyang dibdib habang hawak siya ng kasintahan papasok ng mala-mansyon nitong tahanan. Iniisip na lamang niya ang kabaitan ng kaniyang nobyo at alam niyang malaki ang tyansa na ganito rin ang mga magulang nito.

Pagpasok ay agad silang sinalubong ng mga kasambahay. Manghang-mangha naman si Myrna sa laki ng bahay ng kasintahan.

Nang magtagpo ang lahat sa hapagkainan ay ramdam ni Myrna ang malamig na pakikitungo sa kaniya ng ina ni Ken.

“Ano nga pala ulit ang apelyido mo, Myrna?” tanong ni Olivia, ina ni Ken.

“Avila po,” kinakabahang tugon ng dalaga.

“Avila? Tulad ng mga may-ari ng malaking planta sa may Batangas? Kaanu-ano mo sila?” dagdag na tanong pa ng ginang.

“H-hindi ko po sila kaanu-ano,” matipid at nahihiyang sagot ni Myrna.

“Kung gayon ay ano ang kinabubuhay ng mga magulang mo? Kung nakilala ka ng anak ko sa isang party ay tiyak kong mayaman din ang angkan mo,” muling sambit ni Olivia.

“Nagtitinda po ng mga sisiw ang aking ama at ang nanay ko naman po ay isang labandera. Nagkakilala po kami ni Ken sa isang party dahil ako po ang waitress sa catering doon,” nakayukong paglalahad ni Myrna.

“Pasensiya ka na, Myrna. Mabait ka namang bata at talagang maganda. Pero alam mo naman sana kung ano ang pagkakaiba ng buhay natin. Kilala ko kayong mga mahihirap. Lahat kayo ay oportunista. Ginagamit ang ganda upang makabingwit ng mayaman para makaalis sa putikan na kinasasadlakan.

Bilang magulang ay mataas ang pangarap ko sa aking anak. Nais ko na makapangasawa rin siya ng katulad naming mataas ang estado sa buhay. Naiintindihan mo naman siguro ang sinasabi ko sa’yo?” sambit pa ni Olivia.

Hindi magawang makasagot ni Myrna sa pang-aalipustang ginawa sa kaniya ng ina ng kaniyang kasintahan. Napakapit na lamang siya ng mahigpit sa kamay ng kaniyang nobyo.

“Ma, tama na po ito. Huwag niyo namang hamakin ang babaeng pakakasalan ko. Mahal ko si Myrna at kahit ano pa ang kalagayan niya ay pakakasalan ko siya,” saad naman ni Ken.

“Alam mong hindi ako makakapayag. Gagawin ko ang lahat upang hindi ka mapunta sa babaeng iyan. Ialis mo na nga sa harapan ko ‘yang Myrna Avila na ‘yan! Sa susunod ay pipili ka ng babaeng dadalhin mo rito at ipapakilala sa amin!” galit na sambit ng ina.

“Hindi niyo na po ako kailangan pang palayasin dahil kusa po akong aalis. Napakadalang talaga na makakita ng mayaman na maganda rin ang ugali. Napakabait ni Ken at akala ko po nagmana siya sa kaniyang mga magulang ngunit ngayon po ay lubusan akong nagtataka. Hindi man kami mayaman ay hindi naman kami nangmamaliit ng kapwa,” sambit ni Myrna sabay alis.

Pilit man siyang hinahabol ni Ken ay pinigilan ito ng kaniyang ina. Marahil nga ay hindi pa ganoon kahinog ang pagmamahal sa kaniya ng binata dahil simula noon ay hindi na siya nito tinawagan pa. Sinunod na lamang niya ang kagustuhan ng inang si Olivia na maikasal sa babaeng parehas nila ng estado sa buhay.

Lumipas ang ilang buwan at tuluyan nang walang komunikasyon sa pagitan nila Ken at Myrna.

Hindi naman inaasahan ng dalaga na sa isang party ay muling magtatagpo ang kanilang landas ng ina ng dating kasintahan.

“Hindi ko akalain na dito tayo muling magkikita. Siguro naman ngayon ay alam na alam mo na ang matinding pagitan ng mundo niyo ng anak ko. Serbidora ka at ang tulad ni namin ang pinagsisilbihan mo,” natatawang pagmamayabang ni Olivia.

Hindi na lamang siya pinansin ni Myrna dahil ayaw niya ng gulo. Natatakot siya na baka maging dahilan pa ito upang matanggal niya sa trabaho. Bago siya tumalikod sa mayamang ginang ay muli itong nagsalita.

“Siya nga pala, alam mo ba na ang kasintahan ngayon ng anak ko ay anak ng isa sa mga prominenteng negosyante dito sa bansa. Bagay na bagay talaga sila. Malamang ko ay naroon ka muli sa kanilang kasal. Bilang isang serbidora nga lang!” pang-iinis pa ni Olivia.

Tuluyang tinalikuran na lamang ni Myrna ang ginang na may masamang ugali. Hindi niya maiwasan na mapaluha dahil sa panggigigil sa ina ng dating kasintahan. Nais sana niyang gumanti ngunit ipinagpasa-Diyos na lamang niya ang kaniyang galit.

Hanggang isang araw ay umugong na lamang ang balita na hindi na matutuloy ang kasal ni Ken sa kaniyang nobya. Hindi alam ni Myrna ang kaniyang mararamdaman nang malaman niya ang dahilan.

Ayaw kasi ng mga magulang ng babae kay Ken dahil hindi raw nila ito kauri. Mas malala nga lamang dahil balita sa buong bansa ang paghihiwalay na ito. Pinagbintangan pa ng mga magulang ng babae na oportunista ang pamilya nila Ken at ginagamit lamang daw ito para sa kanilang sariling interes.

Dahil sa kahihiyan ay napilitan na magtago sa ibang bansa ang pamilya.

Naisip ni Myrna ang ina ng dating nobyo na si Olivia. Ngayon ay nararamdaman na nito ang lahat ng mga mapapait na salita at pang-aalipustang ginawa nito sa kaniya.

Mula noon ay tuluyan nang nawalan ng balita pa si Myrna sa pamilya ni Ken.

Hindi naglaon ay nakatagpo na rin si Myrna ng lalaking tunay na magmamahal sa kaiya. Isang lalaking kaya siyang tanggapin nang buong-buo at kahit kailan ay hindi siya huhusgahan dahil lamang sa kalagayan niya sa buhay.

Advertisement