
Tinulungan ng Isang Binata ang Kasambahay sa Pag-aaral ng Anak Nito; Makalipas ang Ilang Taon ay Sila naman ang Tutulong sa Binata
Inabutan ni Lester, isang estudyante sa kolehiyo, ang kaniyang inang si Vivian na galit na galit habang pinagsasabihan ang kanilang kasambahay na si Ruth.
“Babale ka na naman, Ruth, ilang buwang sweldo mo na ba ang binabale mo sa akin. Puro ka na utang! Baka akala mo ay namumulot lang ako ng salapi!” saad ng ginang sa kasambahay.
“Kailangan ko lang naman po kasi, ma’am. Kahit hindi na po ako mag day off mabarayan ko lang kayo. Hindi kasi makakapag-exam ang anak ko kapag hindi ako nakapagpadala. Nakakapanghinayang naman po,” tugon naman ni Ruth.
“Wala! Wala akong ipapahiram sa iyo ngayon. Mabuti pa ay bumalik ka na sa trabaho mo at pinag-iinit mo ang ulo ko!” muling sambit pa ni Vivian.
Nakayuko at malungkot na umalis si Ruth sa harap ng kaniyang amo.
Nang makarating ito sa kusina ay agad siyang sinalubong ng binatang si Lester.
“Manang Ruth, ano po ang problema? Baka mamaya po ay makatulong ako,” tanong ng binata sa kasambahay.
“Wala naman, Lester. Hayaan mo na,” sagot naman ni Ruth.
“Huwag na po kayong mahiya sa akin, Manang Ruth. Pamilya po tayo rito. Si mama po talagang mainitin lang ang ulo niyan siguro dahil may problema sa negosyo. Pero sa akin po ay huwag kayong mahihiyang magsabi,” saad muli ni Lester.
“Nahihiya na nga rin ako sa mama mo. Pero kailangan ko kasing muling bumale sa kaniya ng sahod. Natatandaan mo ‘yung panganay kong si Carla, ‘di ba? Kakatungtong lang niya ng kolehiyo kasi at kailangan kong mabayaran ang matrikula niya kung hindi ay hindi daw siya makakapag-exam. Naaawa ako sa anak ko, matalino pa naman siya,” pahayag ni Ruth.
Hindi na napigilan pa ng ginang ang maluha dahil naiisip niya ang sitwasyon ng kaniyang anak.
“Hindi ko alam talaga kung paano ko sasabihin kay Carla na wala akong makuhang pera. Gipit na gipit kami. Nagtatrabaho na nga siya sa eskwelahan upang pangbayad ng iba pa niyang gastusin makapag-aral lang,” dagdag pa ng kasambahay.
Dahil sa labis na pagkahabag ay kinuha ni Lester ang kaniyang pitaka mula sa kaniyang bulsa.
“Manang Ruth. Pasensiya na at dalawang libo lang ito. Ito lang kasi ang natira sa allowance ko ngayong linggo. Pagdamutan niyo na ito at sana po ay makatulong sa anak niyo,” saad ni Lester sabay abot ng pera.
“Sigurado ka ba, Lester? Baka mamaya ay wala ka nang pera? Hayaan mo at unti-unti ko itong babayaran sa iyo,” nagagalak na sambit ni Ruth habang nagpupunas ng kaniyang mga luha.
“Huwag na po ninyong alalahanin iyan, Mang Ruth. Sa totoo lang ay baka pinang-inom ko lang iyan kasama ang tropa o hindi naman kaya ay ginamit ko lang sa mga online games. Mas mabuti na pong gamitin ninyo at nakatulong pa ako,” wika pa ng binata.
Masayang ibinalita ni Manang Ruth sa kaniyang anak na may maipapadala siyang pang matrikula nito.
Dahil naaawa si Lester sa kanilang kasambahay ay madalas itong nag-aabot ng tulong nang palihim. Dahil sa inaabot na tulong pinansiyal ni Lester sa kasambahay ay hindi nakailangan pa ni Ruth na bumale sa kaniyang sahod.
“Salamat, Lester. Sa totoo lang kasi ay si Carla na lang ang inaasahan ko. Pangarap niyang maging isang arkitekto sa ibang bansa. Kapag natupad niya ang pangarap na iyon ay mapag-aaral na rin niya ang kaniyang mga kapatid at pwede na akong tumigil sa pamamasukan ko bilang kasambahay. Tumatanda na rin kasi ako,” sambit ng ginang sa batang amo.
“Walang anuman po, Manang Ruth. Kaligayahan ko po ang makatulong. Sana lamang po ay hindi na ito malaman pa ng mama ko. Kasi alam niyo naman po ang ugali no’n,” sagot ng binata.
Ang hindi alam ng dalawa ay narinig ni Vivian ang pag-uusap na ito. Nang makakuha siya ng tiyempo ay agad niyang sinita ang binata.
“Hihingi ka na naman sa akin ng pera dahil naubos ang allowance mo? Baka akala mo, Lester, ay hindi ko alam kung ano ang mga pinaggagagawa mo? Bakit bigay ka ng bigay ng pera do’n kay Ruth? Ikaw ba ang nagpapaaral sa anak niya? Akala mo kung sino kang may pera!” sambit ni Vivian sa anak.
“Ma, naaawa lang po ako kay Manang Ruth. Matagal na siya sa atin at pamilya na ang turing ko sa kaniya. Mainam nga na sa mabuti napupunta ang pera ko, imbis na sa tropa at alak. Hindi ba kayo masaya?” tugon ng binata.
“Tigilan mo iyang ginagawa mong pag-aabot ng tulong sa kasambahay natin dahil kapag hindi ka tumigil ay pati ikaw ay mawawalan ng allowance. Huwag mo akong subukan, Lester! At hindi lang iyon, kapag nalaman kong inuubos mo ang allowance mo para sa anak ni Ruth ay palalayasin ko siya. Bahala siyang maghanap ng pagkakakitaan!” galit na sambit pa ng ina.
Dahil sa takot na baka mawalan ng trabaho at pagkakakitaan para suportahan ang kaniyang pamilya, hindi na nag-abot pa ng kaunting tulong si Lester kay Ruth.
“Patawarin niyo po ako, manang. Sapat na lang kasi rin ang ibinibigay ng mama ko at matindi ang pagbabantay niya sa akin. Nawa po ay makatapos si Carla ng pag-aaral nang sa gayon ay makaalis na kayo dito nang tuluyan,” wika ng binata.
“Sobra-sobra na ang naitulong mo, Lester. Maraming maraming salamat sa iyo. Hinding-hindi ko makakalimutan ang iyong kabutihan,” tugon na naman ng kasambahay.
Lumipas ang mga taon at naisalba ni Ruth ang pag-aaral ng kaniyang panganay na si Karla. Nagkabaon-baon man sa utang ay ayos lamang para sa ginang sapagkat alam niyang may mas magandang mararating ang kaniyang anak.
Tuluyang naging isang ganap na arkitekto si Carla at nakapagtrabaho sa ibang bansa. Mula noon ay umalis na rin si Ruth sa pagiging kasambahay at inasikaso na lamang ang kaniyang mga anak.
Dahil sa husay at galing ni Carla ay unti-unting gumanda ang kanilang buhay.
Ngunit sa pag-unlad ng buhay ng ng dating kasambahay ay kabaligtaran naman ang nangyari sa pamilya ni Lester.
Nalugi ang kanilang negosyo at nagkasakit si Vivian. Maging ang negosyong naipundar ng binata ay nalugi rin. Kinailangan na ring kuhain ng bangko ang bahay nilang nakasanla dahil wala na silang maibayad.
Halos gumuho ang mundo ng mag-ina dahil sa kanilang sinapit.
Hanggang isang araw ay may isang babaeng nais kumausap kay Lester.
“Nais kong mag-invest sa negosyo mo. Naniniwala ako na uunlad ito. Lalo kung pagtutuunan mo talaga ito ng pansin. Nais kong kahit paano ay maibsan ang lahat ng bigat na dinaranas mo ngayon, Lester. Nais kong mag-invest ng tatlong milyon sa iyong negosyo,” sambit ng isang babae.
“Hindi kita maintindihan. Hindi tayo magkakilala at gusto mo akong bigyan ng tatlong milyon para sa negosyo ko? Nahihibang ka ba?” saad ng gulung-gulo na binata.
“Kilalang-kilala kita. At sigurado ako sa sinabi ko. Nais kong makabangon ka. Nais kitang tulungan tulad ng ginawa mo sa amin ng nanay ko noon,” wika pa ng dalaga.
Napakunot ang noo ni Lester sa pag-iisip.
“Ako nga pala si Carla, Lester. Ako ang anak ng dati ninyong kasambahay na si Ruth. Ako ‘yung tinulungan mo noon upang makatapos ng pag-aaral,” sambit ng dalaga kalakip ang isang matamis na ngiti.
“Maraming salamat sa pagtulong mo sa akin. Noon pa man ay nais ko nang ibalik sa iyo ang iyong kabutihan ngunit hindi ko alam kung paano. Kaya nang mabalitaan namin ng nanay ko na hindi raw mabuti ang inyong kalagayan ay agad akong nagdesisyon na tulungan ka.
Napakabait mo sa amin ng nanay ko at nararapat lamang na ibalik namin sa’yo ang kabutihan na ginawa mo sa amin noon,” dagdag pa ni Carla.
Tinanggap ni Lester ang alok ng dalaga na tulungan siya nito.
Hindi akalain ng binata na ang maliit na tulong na kaniyang iniaabot sa dating kasambahay ay malaki ang magiging epekto sa kanilang buhay. Ngayon na umunlad na ang buhay ng mag-ina ay siya rin namang pagbabalik nila ng kabutihan sa nangangailangang binata.
Dahil sa tulong si Lester ay nakapagtapos ng pag-aaral si Carla at gumanda ang buhay ng kaniyang pamilya. Masarap isipin na dahil naman kay Carla kaya ngayon ay patuloy na bumabangon si Lester upang itaguyod naman ang kaniyang buhay.