
Pinalayas ng Kasera ang Pamilya Upang May Paupahing Iba; Bandang Huli ay Karma ang Maniningil sa Kaniya
“O, anak, bakit ka nakasimangot? May nangyari ba?” sambit ni Tess sa kaniyang si Karmina na kakauwi lamang ng bahay.
“Si Aling Guada po kasi, ‘nay! Nang pauwi po ako naabutan ko po siyang nakikipagtsismisan sa labas at ikinukwento na hindi raw tayo nagbabayad ng renta. Ang kakapal daw ng mukha natin dahil ilang buwan na ang kulang ay hindi pa tayo umaalis!” naiinis na tugon naman ng anak.
“Isang buwan lang ang kulang natin sa kaniya. At saka may sobra pa nga sa kaniya dahil sa deposito. Ang sabi ko ay iyon muna ang gagamitin natin habang wala pang sahod ang tatay mo.
Pabayaan mo na lang ‘yang si Guada at ako ang kakausap sa kaniya, anak. Magbihis ka na para makakain ka na ng tanghalian,” wika pa ng ina.
Dalawang taon na simula nang lumipat ang mag-anak ni Tess sa paupahan ni Aling Guada. Maayos naman ang naging pamumuhay nila sa maliit nilang tahanan sa probinsya. Ngunit dahil kinailangang magtrabaho ng asawa niyang si Robert sa Maynila at mag-aaral na rin ng kolehiyo ang anak na si Karmina ay napilitan silang lumipat at mangupahan.
Mahirap ang maghanap ng mauupahan na malapit sa trabaho ni Robert at sa eskwelahan ng anak. Kaya kahit na masungit ang kasera nilang si Aling Guada ay tinitiis na lamang ito ng mag-anak.
“Robert, nakasahod ka na ba? Kung anu-ano na kasi ang sinasabi ni Guada sa atin. Maging ang anak mo ay naaapektuhan na,” tanong ni Tess sa kaniyang asawa.
“Oo, maya-maya ay dalhin mo na sa kaniya ang bayad nang tumahimik na iyang si Guada. Kung may mahahanap lang talaga tayong malilipatan ay lilipat na tayo. Hindi ko na kayang tagalan pa ang ugali ng ginang na iyan!” tugon naman ng asawa.
Agad na dinala ni Tess ang kanilang bayad para sa upa kay Aling Guada saka upang makausap na rin niya ang ginang hinggil sa mga masasamang sinasabi nito sa mag-anak.
“Guada, narinig ka ng anak ko na kung anu-ano daw ang tsinitsismis mo tungkol sa amin. Ngayon lang naman kami nahuli ng pagbabayad. Sa katunayan nga ay may pondo pa naman kami sa iyo. Nasa iyo pa ang deposito at advance namin, ‘di ba?” kumpronta ng ginang.
“Alam mo kasi, Tess, kung ayaw mong may nasasabi ako sa inyo ay magbayad kayo sa tamang oras. Ang hirap kasi sa inyo ay titira-tira kayo sa paupahan ko tapos ay kapag singilan na’y kung anu-ano ang dahilan! Ako naman ang napeperwisyo niyan!” sambit ni Aling Guada.
“Nagsabi naman ako sa iyo na bigyan mo lang ako ng ilang araw na palugit at ibibigay ko sa iyo. Nagkataon lang na pumatak ng araw ng Sabado ang sweldo ng asawa ko,” muling saad ni Tess.
“Problema ko pa ba ‘yun, Tess? Gawan niyo ng paraan! Kung ayaw niyo ng pamamalakad ko ay malaya kayong makakaalis ng paupahan ko!” pagtataas ni Guada ng boses.
Naiinis man ay pilit na ikinubli na lamang ni Tess ang kaniyang saloobin. Ayaw niyang patulan pa itong si Guada dahil bandang huli ay baka siya pa ang mapasama.
Kahit na nakabayad na ay patuloy pa rin ang pagkakalat ng tsismis tungkol sa pamilya ni Tess.
Isang araw ay may isang kapitbahay ang lumapit kay Guada upang magtanong kung may bakante sa kaniyang paupahan.
“Galing ibang bansa ang pinsan ko. Habang pinapagawa kasi ang bahay nila’y gusto muna nilang mangupahan. Galante iyon. Sa katunayan nga ay nais na niyang bayaran ang isang taong upa,” saad ng kapitbahay.
Nanlaki ang mga mata ni Aling Guada sa kaniyang narinig. Ngunit ang problem ay puno na ang kaniyang paupahan. Pero labis siyang nanghihinayang sa isang taong upa.
Kaya nakaisip siya ng paraan. Nais niyang paalisin na lamang ang pamilya ni Tess nang sa gayon ay doon makaupa ang kamag-anak ng kaniyang kapitbahay.
“Umalis na kayo sa lalong madaling panahon, Tess. Tutal hindi rin naman tayo nagkakasundo at ayaw ko nang nandito pa kayo sa paupahan ko!” sambit ni Guada sa ginang.
“Hindi naman tama ‘yang ginagawa mo, Guada, na bigla mo na lang kaming paaalisin. Wala naman kaming ginawang mali sa iyo! Sana ay hinayaan mo muna kaming makahanap ng lilipatan namin!” sambit naman ni Tess.
“Hindi ko na problema ‘yan, Tess! Bahala kayo sa buhay niyo basta nais kong umalis na kayo sa paupahan ko! Hindi ba ayaw niyo rin lang naman ng pamamalakad ko. Mabuti pang lisanin niyo na ang bahay na iyan!” saad muli ng kasera.
Hindi na hinintay pa ni Aling Guada na makauwi ang asawa ni Tess at pinalayas na nga ang mag-ina. Kinandado na agad nito ang bahay upang mapilitang umalis ang pamilya.
Wala nang nagawa pa ang mag-anak. Maghahanap na lamang sila ng malilipatan.
“Hindi pa namin nagagamit ang pondo na ibinayad namin sa iyo, Guada. Kukuhain na namin iyon nang sa gayon ay may pangbayad kami sa aming lilipatan,” saad ni Tess sa ginang.
“Wala na kayong makukuha sa akin! Ipapambayad ko iyon sa maiiwan niyong bayarin sa kuryente at tubig!” tugon ni Guada.
“Napakasakim mo talaga! Ipanalangin mo na hindi ka karmahin sa lahat ng ginagawa mo!” sambit pa ni Tess dahil sa sobrang galit.
Napilitan ang mag-anak na umalis sa kaniyang inuupahan. Mabuti na lamang ay may mabuting kasamahan sa trabaho itong si Robert na pinatuloy sila pansamantala habang naghahanap sila ng malilipatan.
Dahil din sa inis ay desidido si Robert na ireklamo sa pulis itong si Guada sa ginawang pagpapalayas sa kanila at hindi pagbabalik ng pondo.
Samantala, masayang-masaya naman si Guada sa paglisan ng mag-anak. Sa pagkakataon kasing iyon ay makakalipat na ang kamag-anak ng kaniyang kapitbahay na magbabayad daw ng isang taong upa.
Ngunit isang madaling araw, sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang sumiklab ang apoy sa katabing bahay na nilisan ng mag-anak ni Tess. Sa laki ng sunog ay mabilis itong kumalat at natupok ang lahat ng paupahan ni Aling Guada.
Nang mabalitaan ito ni Tess at Robert ay labis ang kaniyang pasasalamat na nakaalis na sila ng bahay na iyon. Kung nagkataon kasi ay maaari rin silang masama sa sunog.
Naaawa man ay hindi nagdalawang-isip ang mag-asawa na ituloy ang reklamo laban sa dating kasera upang maturuan ito ng leksyon.
Labis naman ang pagtangis ni Aling Guada dahil sa ari-arian niyang natupok. Ito pa naman ang pangunahin niyang pinagkakakitaan.
Tunay ngang naging malupit ang karma sa mapagsamantala at ganid na si Guada. Hindi niya akalain na ganito katindi ang babalik sa kaniya. Labis ang kaniyang pagsisisi dahil bukod sa pagkakawala ng kaniyang ari-ariang paupahan ay may kinakaharap pa itong kaso dahil sa pagpapalayas niya sa mag-anak.