
Tampulan ng Tukso ang Isang Batang Ngongo; Paglipas ng Panahon ay Tiklop Sila sa Kaniyang Naabot
Masaya ang lahat na nagdiriwang ng Foundation Day ng paaralan ngunit naroon lamang sa sulok ang batang si Imbet. Naghahalo kasi ang hiya at takot na makisalamuha siya sa kaniyang mga kamag-aral dahil alam niyang gagawin na naman siyang katatawanan ng mga ito.
Isinilang kasing may bingot si Imbet at kinailangan niyang operahan. Ngunit malaki ang naging epekto nito sa kaniya dahil bata pa lamang siya ay may depekto na ang kaniyang pagsasalita. Madalas siyang tawaging ngongo ng mga tao. Kaya ganun na lamang ang pag-iwas niya sa mga ito.
Pauwi na sana siya ng bahay nang makasalubong niya ang ilang grupo ng kabataan.
“Nandito na pala si ngongo! Hoy ngongo, sabihin mo nga pinggan! Sige na isang pinggan lang!” sambit ng isang binata sabay hagalpakan.
Yumuko at binilisan na lamang ni Imbet ang kaniyang paglalakad upang makaiwas sa mga ito. Ngunit sa totoo lamang ay pagod na pagod na ang puso ni Imbet sa lahat ng panunukso sa kaniya.
Pag-uwi ng bahay ay nabanaag ng kaniyang ina ang namamagang mga mata nito.
“Umiyak ka na naman ba, Imbet?” bungad ni Aling Lourdes.
Umiling lamang ang bata. Sinabi nitong napuwing lamang daw siya sa labas at kinamot niya ito kaya namaga ang kaniyang mga mata.
“Kilala kita, anak. Alam ko kung kailan ka malungkot at kung kailan ka hindi nagsasabi ng totoo. Umamin ka na sa akin. May nangyari ba?” malumanay na sambit pa ng ina.
Hindi na naiwasan pa ni Imbet ang magsabi sa kaniyang ina ng kaniyang saloobin. Umagos ang kaniyang mga luha habang isinasalaysay niya sa kaniyang ina ang lahat ng bigat sa kaniyang dibdib dahil sa panunukso ng mga tao.
“Patawarin mo ako, anak, a. Hanggang ngayon ay sinisisi ko pa rin ang sarili ko dahil hindi ko iningatan masyado ang pagbubuntis ko. Pero hindi ko nais na magkaganiyan ka, anak. Patawad,” napaluha na rin si Lourdes.
Hinagkan niya ng mahigpit si Imbet upang mapawi ang lungkot nito. Ngunit alam niyang kahit anong yakap niya ay hindi na maaalis sa kaniyang anak ang kaakibat na panunukso ng mga tao.
Lumipas ang mga taon at nagbinata na si Imbet. Dahil na rin mabababa ang kumpyansiya niya sa kaniyang sarili ay mas minabuti na lamang nitong kumuha ng bokasyunal at hindi na magkolehiyo pa. Alam din kasi niyang bihira ang tumatanggap ng mga kagaya niyang may kapansanan sa pananalita.
Nais man ni Aling Lourdes na ipagpatuloy ng kaniyang anak ang pag-aaral nito ay napilitan na rin siyang sumuko dahil nga sa pakiusap nito sa kaniya.
Hindi naglaon ay nagkaroon na rin ito ng pamilya. Pumasok siya bilang isang panadero sa isang kilalang bakery. Ngunit kahit anong husay niya ay lagi pa rin siyang kinukutya ng mga tao.
“Kaya ganitong trabaho ang pinili mo dahil hindi mo na kailangan pa ang magsalita, ano? Magmamasa ka lang ng tinapay at hindi ka na haharap sa tao,” sambit ng kasamahan niya.
Dapat sa mga panahon na ito ay sanay na sana si Imbet sa lahat ng mga pangungutiyang sinasabi sa kaniya ng mga tao ngunit hindi niya maitanggi na nasasaktan pa rin siya. Lalo na at iniisip niya na baka maging tampulan din ng tukso ang kaniyang anak dahil mayroon itong ama na ngongo.
Ngunit hindi ito ininda ni Imbet. Nagpatuloy siya sa pagtatranho at sa paggawa ng masasarap na tinapay. Kailangan kasi niyang maghanapbuhay para sa asawang buntis. Kabuwanan na nito at anumang araw ay maaari na itong manganak.
Kinaumagahan ay pumutok na nga ang panubigan ng kaniyang asawa at kailangan na niya itong dalhin sa ospital upang manganak. Panay ang dasal ni Imbet na huwag sanang mamana ng anak ang kaniyang kalagayan.
Tila nabunutan siya ng tinik sa dibdib nang makita niyang normal ang kaniyang anak. Hindi niya alam kung paano magpapasalamat sa Diyos dahil dininig nito ang kaniyang mga panalangin.
Maya-maya ay tinanong siya ng mga nars sa kung ano ba ang ipapangalan sa kanilang anak.
“Ngojun. Ang imamangalan namin kay meymi ay ngojun,” pilit niyang inaayos ang kaniyang pagsasalita upang maintindihan ng nars.
Hindi naiwasan ng nars na matawa nang magsalita si Imbet.
“Ngojun? A, Rodjun po?” pilit na pinigil ng nars ang kaniyang pagtawa.
Muling nalungkot si Imbet dahil dito. Isinulat na lamang niya ang pangalan ng anak dahil nangangamba siyang baka dahil sa kaniya ay magkamali pa ang pangalan nito.
Hindi siya makapasok sa silid ng kaniyang asawa dahil ayaw niyang makita siya nito na malungkot. Siya namang dating ng kaniyang ina at naabutan siyang nakaupo sa tapat ng silid ng nanganak na asawa.
“May nangyari bang masama, anak? Kumusta ang mag-ina mo?” takot na takot na tanong ni Aling Lourdes sa anak.
Sumagot si Imbet na ayos lamang ang kaniyang mag-ina. Ngunit sumama ang kaniyang kalooban dahil sa pagtatawa sa kaniya ng mga nars. Nalulungkot lamang siya sapagkat ayaw niya itong danasin ng kaniyang anak.
“Akala ko’y kung ano na ang nangyari sa mag-ina mo, Imbet. Pabayaan mo na ang mga iyan. Ang kailangan mong gawin ay paghusayan mo sa buhay. Ipakita mo sa kanila na hindi hadlang ang iyong kapansanan upang umasenso ka. Lalo pa ngayon na may responsibilidad ka na.
Tatagan mo ang loob mo, Imbet. Nakikita ng Diyos ang puso mo at siya ang magbibigay sa iyo ng biyayang nakalaan lamang para sa iyo,” pangaral ng ina.
Nabuhayan ng loob si Imbet. Ginamit niya ang mga sinabi ng kaniyang ina at ang pagkakaroon niya ng pamilya upang magsumikap sa buhay.
Dahil magaling siyang gumawa ng tinapay ay naisipan niyang umalis na sa kaniyang trabaho at magsimula ng isang maliit na bakery. Sa unang araw ng pagbubukas nito ay dinumog ito kaagad dahil sa lasa at sa mura nito.
At dahil na rin sa sarap ng kaniyang mga itinitinda ay unti-unti na siyang nakilala. Hindi na bilang isang ngongo kung hindi isang magaling na panadero.
Mabilis ang naging pag-asenso ng negosyo ni Imbet. Sa katunayan nga ay nakabili na siya ng sarili nilang bahay at lupa. Pinaunlad din niya ang kaniyang bakery. Naglagay siya ng panaderya sa iba’t ibang lugar. Hanggang sa tuluyan na itong naging kilala sa buong bansa.
Dahil sa kaniyang tagumpay ay hindi na siya kailanman kinutya ng kahit na sino.
Upang maibahagi niya ang kaniyang naging tagumpay ay gumawa siya ng isang foundation na naglalayong paigtingin ang kamalayan at pagbibigay ng respeto sa mga taong tulad niya na may kapansanan sa pananalita.
Nais niyang siya na ang maging huling ngongo na kukutyain dahil sa kaniyang kapansanan.
Naging ehemplo si Imbet hindi lamang sa mga kagaya niya kung hindi na rin sa maraming tao. Pinatunayan niyang hindi hadlang ang kapansanan upang magpatuloy at magtagumpay sa buhay.