
Kay Tagal Niyang Nawalay sa Inang OFW; Maghilom pa Kaya ang Sugat na Hatid ng Matagal Nilang Paghihiwalay?
“Happy birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy birthday, happy birthday to you!”
Iyon ang sumalubong sa sampung taong gulang na si Miguel nang magmulat siya ng mata. Nakita niya ang ina na hawak ang isang makulay na cake, at ang kaniyang lolo at lola na pawang may hawak na regalo.
“Happy birthday, apo! Ano ang hiniling mo?” magiliw na tanong ng kaniyang Lolo Ernie matapos niyang hipan ang kandila.
“‘Lo, hindi po ba bawal sabihin ang wish, kasi hindi magkakatotoo?” kunot noong tanong niya sa matanda.
“Naku, Miguel! Hindi totoo ‘yun! Sige na, sabihin mo sa amin, ano ang hiniling mo?” sabat naman ng kaniyang Lola Millie. Bakas din sa mukha nito ang interes.
Isang nahihiyang ngiti ang ibinigay niya sa mga ito. “Ah, hiniling ko po na sana ay lagi tayong sama-sama. Ako, si Mama, at kayo po, Lola at Lolo!”
Isang makahulugang sulyap ang ipinukol ng dalawang matanda sa kaniyang ina na noon ay bahagyang napalis ang ngiti.
Marahil ay hindi talaga dapat niya sinabi sa mga ito ang kaniyang hiling dahil ilang araw lang ang lumipas ay isang balita na kaagad ang dumurog sa puso niya.
“Anak, kailangan ni Mama na umalis ng bansa para kumita ako nang malaki. Para naman mabili natin lahat lahat ng gusto mo,” paliwanag ng kaniyang inang si Janice.
Si Miguel ay mugtong mugto ang mata. Hindi niya inakala na mahihiwalay siya sa kaniyang pinakamamahal na ina.
“Pero Mama, hindi po ba pwede na dito ka na lang? Hindi na po ako magpapabili ng kung ano-anong laruan!” umiiyak na pangungumbinsi ni Miguel sa ina.
“Hindi pwede anak, eh. Gagawin ko ito para sa kinabukasan mo. Hinding hindi ka naman papabayaan ng Lolo at Lola mo. Magpapakabait ka, ha?”
Puno ng lungkot ang mukha ni Janice dahil sa napipintong pagkawalay sa nag-iisang anak, subalit alam niya na iyon ang nakabubuti para sa kanila.
Si Miguel naman ay walang ibang magawa kundi tanawin ang kaniyang ina na walang lingon-likod na naglalakad palayo sa kanila.
Napakaraming pasko, bagong taon, at kaarawan ang lumipas na hindi nila kasama ang ina. Halos nalimutan na nga ni Miguel ang mukha nito.
Hindi niya maunawaan kung bakit sa tinagal ng panahon ay hindi man lang nag-abala ang kaniyang ina na gumawa ng paraan upang makauwi ito sa Pilipinas.
Kaya naman ni katiting ay wala siyang naramdamang pagkasabik nang ibalita sa kaniya ng kaniyang Lola na sa wakas ay muli na nilang makikita ang kaniyang ina.
“Mabuti naman ho kung ganoon, Lola. Sigurado akong miss niyo na ni Lolo si Mama,” malamig niyang tugon sa balita.
Kitang kita niya ang pagbalatay ng lungkot sa mukha ng kaniyang Lola.
“Apo, ‘wag ka naman sana magtanim ng sama ng loob sa nanay mo. Kilala ko ang nanay mo. Sigurado ako na may mabigat na dahilan kaya pinili niyang manatili nang matagal sa isang banyagang lugar.”
Nagkibit balikat na lamang siya. Sampung taon? Gaano ba kabigat ang dahilan nito para hayaan siya nito na walang ina sa loob ng mahabang panahon?
Nasagot ang mga katanungan niya nang muli niyang masilayan ang mukha ng kaniyang ina. Dahil sa pagkakataong iyon ay hindi ito nag-iisa.
Sa likod nito ay nagtatago ang isang batang babae na sa tingin niya ay nasa anim na taong gulang.
“A-anak, Miguel. Miss na miss na kita. Masayang masaya ako na nakauwi ako bago ang kaarawan mo,” garalgal na wika ng kaniyang ina.
Akmang yayakapin siya nito ngunit galit na tinabig niya ang kamay ng babae.
“Miguel!” magkapanabay na sigaw ng kaniyang Lolo at Lola.
Bagaman alam ng mga ito na may tampo siya sa ina, marahil ay hindi inaasahan ng dalawa ang inasta niya.
“Sino ‘yang batang ‘yan?” asik niya sa ina.
“A-anak. Siya ang kapatid mo. Si Bella.”
Bagaman may hinala na siya ay tila piniga pa rin ang kaniyang puso sa nalaman.
“Siya ba ang dahilan kaya nakalimutan ka na may anak kang naiwan dito?” naghihinanakit na tanong niya sa ina.
“Anak, ‘wag mo naman isipin ‘yan. Hindi ganun ang nangyari.”
“Kaya pala. Kaya pala natiis mo ako ng mahabang panahon. Kung hindi mo na ako kailangan bilang anak, mas lalong hindi ko kailangan ng ina!”
“Miguel, anak, pakinggan mo naman ak–”
Bago pa ito matapos sa pagpapaliwanag ay padabog na siyang nakalabas ng bahay. Nais niyang mapag-isa upang mailabas niya ang kaniyang sama ng loob.
May gana pa itong bumalik matapos siya nitong iwan!
Halos madaling araw na nang makabalik siya sa kanilang bahay.
Patingkayad siyang naglakad upang hindi magising ang mga tao sa bahay ngunit napatigil siya nang may mga boses na maulinigan sa kusina.
Una niyang narinig ang boses ng kaniyang Lola. Nang pasikreto siyang sumilip ay nakita niya na umiiyak ito.
Maging ang kaniyang Lolo ay marahang nagpupunas ng luha, habang mahigpit na nakahawak sa kamay ng kaniyang ina.
Anong pinag-uusapan ng mga ito?
“Diyos ko naman, anak, bakit mo naman inilihim ito sa amin? Bakit mo sasarilinin ang ganito kalaking problema?” wika ng kaniyang Lolo.
Anong problema ang tinutukoy nito?
“Pasensiya na, Tatay. Alam ko po na lubos kayong mag-aalala kapag sinabi ko sa inyo. Baka maapektuhan pa ang kalusugan niyo,” narinig niyang paliwanag ng kaniyang ina.
“Bakit hindi ka na lang umuwi dito? Napakahirap pa naman magpalaki ng bata nang nag-iisa!” usisa naman ng kaniyang Lola.
“Ayoko naman ho na hindi ko maibigay ang mga pangangailangan ni Miguel dito, ‘Nay. ‘Yun ang pangako ko sa anak ko.”
Tila may sumipa sa kaniyang dibdib sa kaalamang hindi naman pala siya nakalimutan ng ina.
“Mabuti naman at nakulong na ang demonyong amo mo na nagsamantala sa’yo! Sana ay mabulok siya sa kulungan!” galit na bulalas ng kaniyang Lolo.
Doon nagkaroon ng linaw ang lahat.
Tama ang kaniyang Lola Millie. Totoo ngang may mabigat na dahilan kaya hindi nakauwi ang kaniyang Mama.
Napaluha si Miguel nang maalala niya ang mga masasakit na salita na ibinato niya sa ina.
Dapat pala ay pinakinggan niya ang paliwanag nito. Alam niya na hindi biro ang sakit na pinagdaanan ng kaniyang ina.
At ginawa nito lahat iyon para sa kaniya.
Natulog si Miguel nang mabigat ang dibdib.
“Happy birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy birthday, happy birthday to you!”
Napabalikwas siya nang bangon nang marinig ang masayang kantahan.
Nang suyurin niya ng tingin ang paligid ay isang pamilyar na tagpo ang nakita niya. Ngiting ngiti ang kaniyang Mama, Lolo at Lola na pawang may hawak na regalo.
Ang kaniyang kapatid naman na si Bella ang may hawak ng cake.
Nakangiting hinipan niya ang kandila bago hinaplos ang pisngi ng bata.
“Anong hiniling mo, anak?” naluluhang tanong ng kaniyang ina. Bakas sa mukha nito ang saya.
“Hiniling ko po na sana ay mapatawad mo ako sa mga nasabi ko, Mama. Aksidente ko pong narinig ang mga napag-usapan niyo kagabi. Alam ko na po ang totoo,” emosyonal na tugon niya.
Halata man na nagulat ito sa sinabi niya ay isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kaniya.
“Nagkatotoo na ang wish mo, anak. Pinatatawad na kita. Pwede bang humiling din ako sa’yo?”
Tumango si Miguel habang pasimpleng nagpupunas ng luha.
“Pwede bang bigyan mo naman ng isang mahipit na yakap si Mama?” Tila anumang sandali ay may tutulo na luha sa mga mata nito.
Isang mahigpit na yakap ang ipinagkaloob niya sa ina. Ipinaramdam niya rito ang matinding pangungulila niya rito.
“Maraming salamat sa mga sakripisyo mo, Mama,” bulong niya sa pinakamamahal na ina.
Panahon na siguro na ibalik niya ang mga sakripisyo nito.