
Pinlano ng Mag-asawa na Kamkamin ang Ari-arian ng Anak-anakan; Hindi Nila Inaasahan ang Naging Bunga ng Kanilang Plano
Napangisi si Maribeth nang iabot sa kaniya ng abogado ang batang babae na kasisilang pa lamang.
Ipinilig niya ang ulo nang tila may mainit na kamay na humaplos sa kaniyang puso habang minamasdan ang batang mahimbing na natutulog.
Ang batang iyon ay anak ng kaniyang nakababatang kapatid na si Amor, na nasawi mula sa isang malagim na aksidente kasama ang asawa nito.
Matagal na siyang walang balita sa pamilyang tinalikuran niya kaya naman laking gulat niya nang makatanggap siya ng tawag na pumanaw na raw ang kapatid niya, at nais nitong siya ang mag-alaga sa naiwan nitong anak.
“Alagaan mo si Cathlene, at magkakaroon ka ng pabuya na makukuha mo kapag tumuntong na ang bata ng edad na disiotso. ‘Pag nasa tamang edad na siya, makukuha niya ang ari-arian ng mga mga magulang niya kaya maaari mo na siyang pakawalan at hayaan mamuhay mag-isa.”
Lalong lumawak ang ngiti niya. Tiyak na malaki ang magiging pakinabang ng batang ito sa kanilang mag-asawa.
“Pwede bang mapunta sa akin ang lahat ng kayamanan ni Amor?” tanong niya sa abogado.
Nagtataka man ay kunot noong sinagot ng abogado ang tanong niya.
“Pwede. Kung pipirma ang bata ng kasulatan na ibinibigay niya sa’yo ang lahat, maaaring mailipat sa pangalan mo ang lahat,” paliwanag nito.
Tuwang tuwang iniuwi niya ang sanggol sa bahay, at ibinalita sa asawa niyang si George ang nangyari.
“Ayos! Mukhang tiba tiba tayo diyan, pagdating ng panahon!” Bakas sa mukha nito ang pagkasabik sa yaman ng bata.
Noon din ay nakabuo sila ng desisyon – kukupkupin nila ang bata ngunit sisiguraduhin nila na hindi ito matututo magsulat o magbasa. Para hindi sila magkaroon ng problema kapag pumirma ito ng dokumento na maglilipat ng ari-arian nito sa kanilang mag-asawa.
Buo na ang plano nilang mag-asawa, subalit nagbago ang lahat nang iyon sa isang iglap lamang.
Kasalukuyang naglalaro ang isang taong gulang na bata nang magulat siya sa sinabi nito.
“Mama!”
Natulos sa kinatatayuan niya si Maribeth. Hindi siya sigurado sa narinig kaya naman nilapitan niya si Cathlene. Muli itong nagsalita at sa pagkakataon na iyon ay malinaw niya iyong narinig.
“Mama!”
Hindi napaghandaan ni Maribeth ang galak ng dumaloy sa puso niya dahil sa sinabi ng bata. Bago pa niya mapigil ang sarili ay napupog niya na ng halik sa pisngi ang cute na cute na bata.
Dahil likas na bibo si Cathlene ay talaga namang aliw na aliw silang mag-asawa sa bata lalo pa’t sadyang bungisngis ito.
Tila ito ang nagdala ng liwanag sa madilim na hinaharap nilang mag-asawa.
Hindi man nila aminin ay alam nilang unti unti nang napapamahal sa kanila ang bata, lalo pa’t talaga namang kamahal mahal ito. At bago pa nila mamalayan ay hulog na hulog na ang loob nila sa bata.
Ang plano nila na kawawain at agawan ng mana ang pamangkin ay tila bulang naglaho, at kabaligtaran pa noon ang nangyari. Minahal nila ang bata na para bang tunay nila itong anak.
Ang asawa niya na dating tatamad-tamad ay natutong kumayod upang matustusan ang lahat ng pangangailangan ng bata.
Si Maribeth na walang kaalam alam sa mga gawaing bahay ay natuto rin upang mapanatiling ligtas at maayos ang batang itinuturing nilang sariling anak.
Pitong taong gulang si Cathlene nang imungkahi ng asawa niya na magpakalayo layo sila.
“Bakit naman? Mas maganda rito sa Maynila, dahil nandito ang lahat ng kailangan ng anak natin,” takang katwiran niya sa asawa.
“Paano na kapag hinanap tayo ng abogado? Ayokong malayo sa atin si Cathlene! Paano kapag ginusto niyang iwan tayo kapag nalaman niya na may sarili siyang pera at hindi tayo ang tunay niyang magulang? Hindi ko kayang malayo sa anak ko!” problemadong saad nito.
Napaisip siya, at napagtanto niya na may punto nga ang asawa.
Kaya naman sa isang liblib na probinsiya nila pinalaki si Cathlene. Masayang masaya naman ang mag-asawa dahil lumaki itong matalino, mabait, magalang, masipag, at may takot sa Diyos.
Simple at payak lamang ang buhay nila doon ngunit alam ni Maribeth na hinding hindi niya iyon ipagpapalit sa gaano man kalaking kayaman. Ang pamilya lang nila ay sapat na.
Subalit marahil ay wala talagang lihim na nabubunyag dahil ilang araw makalipas ang ika-labing walong taong kaarawan ni Cathlene ay dumating ang araw na kinatatakutan nila.
“Mama, Papa! May nagtatawag po sa labas ng bahay natin. Hindi ko po pinapasok kasi hindi natin kakilala,” wika ng dalaga.
Tila tinakasan ng kulay ang mukha ng mag-asawa nang makita nila ang isang pamilyar na lalaki. Walang iba kundi ang abogado ng kapatid ni Maribeth na si Amor.
“Ang tagal ko kayong hinanap. Bakit ba nawala kayo?” kastigo ng abogado. Bakas sa mukha nito ang pagkadismaya.
“Hindi kailangan ng anak namin ang pera na ‘yan! Umalis ka na!” pabulong ngunit mariing taboy nila sa lalaki.
Labis ang takot na nararamdaman ng mag-asawa. Hindi nila gugustruhing mawalay sa nag-iisang anak.
“Karapatan ng bata malaman ang totoo!” giit nito.
“Hindi, masaya na ang anak namin sa kung anong kaya naming ibigay!” sabat naman ni George.
“Bakit niyo ipagkakait sa bata ang karapatan niyang mamuhay nang masagana? Tingnan niyo nga ang mga sarili niyo at mas mahirap pa kayo sa daga!” puno ng pambabatikos na talak nito.
Tila noon sinampal ng katotohanan ang mag-asawa. Karapatan nga naman ni Cathlene na makuha kung ano ang iniwan ng mga namayapa nitong magulang. Karapatan nitong maranasan ang maalwang pamumuhay.
Wala silang magawa kundi ang lumuha habang ipinaliliwanag ng abogado ang katotohanan sa kanilang anak.
Matagal na natulala ang dalaga bago ito napabunghalit ng iyak.
“H-hindi po kayo ang totoo kong magulang?” garalgal na tanong nito.
Masakit man ay wala silang nagawa kundi umamin. “Itinuring ka naman naming tunay na anak, at mahal na mahal ka namin, Cathlene,” sinserong wika ni George.
“Mauunawaan namin kung iiwan mo kami at mamumuhay ka ng masagana, anak. ‘Wag mo kaming alalahanin ng Papa mo,” nakayukong sambit ni Maribeth habang pigil ang kaniyang paghikbi.
Hindi niya kayang tingnan ang pamangkin sa mga mata dahil baka hindi niya kayaning pakawalan ito.
Ngunit nagulat sila sa isinagot ng dalaga.
“Mama, Papa… bakit niyo po iniisip na iiwan ko kayo? Paano ko iiwan ang mga taong kumupkop sa akin? Umiiyak ako dahil napakalaki po ng pasasalamat ko sa inyo, ni minsan ay hindi ko naramdaman na hindi ako tunay na anak. Maraming salamat po, Mama at Papa!” lumuluhang wika ng dalaga.
Tila nabunutan ng tinik sa dibdib ang mag-asawa. Akala nila ay mahihiwalay na sa kanila ang pinakamamahal na anak-anakan.
Sinamahan nila ang anak-anakan sa pag-aasikaso ng mga ari-ariang naiwan ng mga magulang nito. Halos malula sila sa laki noon!
Dahil pinalaki nilang hindi madamot ang anak ay buong puso nitong ibinahagi sa kanila ang mga ari-ariang nakuha, kaya naman nakapamuhay ang buong pamilya nila nang masagana.
Nakatira na sila sa isang magarang bahay, at araw araw nakakakain ng masasarap na pagkain, mga bagay na hindi nila kaya dati.
Wala nang mahihiling pa ang mag-asawang George at Maribeth. Marahil dahil sa sobrang ganid nila noon sa kayamanan ay inakay sila ng Diyos upang mahanap nila ang pinakamagandang uri ng kayamanan na higit pa sa kahit na anong yaman sa mundo – ang pamilya.