Inday TrendingInday Trending
Inakala ng Misis na Ibibigay sa Kaniya ng Mister ang Nakita Niyang Pendant sa Bag Nito; Para Kanino Nga Kaya Ito?

Inakala ng Misis na Ibibigay sa Kaniya ng Mister ang Nakita Niyang Pendant sa Bag Nito; Para Kanino Nga Kaya Ito?

Hindi makatulog ng gabing iyon si Isay. Malalim ang kaniyang iniisip. May natuklasan kasi siya sa kaniyang mister na si Jordan.

Sa pagkuha niya ng baunan nito sa loob ng bag, napansin niya ang isang kahita. Nang buksan niya ito, nanlaki ang kaniyang mga mata sa magandang pendant na nasa laman nito. Hindi puwet ng baso. Tunay na mga diyamante ang naroon. Nakaramdam siya ng kilig, bagama’t pakiramdam niya, mahal iyon. Hindi siya kinonsulta ng mister sa pagbili nito.

Naisip niya, paano kung sorpresa para sa kaniya? Natural lang na hindi siya kokonsultahin. Kaya nga sorpresa. Pasabog. Nakagugulat. Malayo pa ang birthday niya. Malayo pa rin ang kanilang anibersaryo. Ang sweet naman ng mister niya!

Subalit makalipas ang tatlong araw, nagtataka si Isay kung bakit hindi pa ibinibigay sa kaniya ng mister ang pendant. Hindi siya nakatiis. Isang gabi, habang naghahapunan sila, inuntag niya ito.

“Mahal, wala ka bang ibibigay sa akin?” untag niya.

Napakunot ang noo nito. Tumigil sa ere ang kutsara. Napasulyap sa kalendaryong nakasabit sa dingding.

“Hindi ba ‘ko nakapag-intrega sa ‘yo?” Hindi pa naman kinsenas ah.”

Nalaglag ang balikat ni Isay. “Wala. Hayaan mo na.”

At iyon ang iniisip niya ngayon. Pabiling-biling siya sa higaan. Naghihilik na ang katabi niya. Binabagabag siya ng alalahaning tanging mga misis lamang na gaya niya ang nakakaunawa. Kanino ibinigay ng Herodes niyang asawa ang pendant na nakita niya?

“Ikaw naman! Baka naman sa birthday mo o sa anniversary ninyo! Huwag kang atat!” sansala sa kaniya ng kaibigang si Beth. Video call sila kinabukasan. Pumasok na sa trabaho si Jordan.

“Siguraduhin lang niya dahil puputulan ko talaga siya kapag nahuli ko siya! Maghahalo ang balat sa tinalupan!”

Napatutop sa kaniyang dibdib si Beth.

“Grabe naman yung puputulan! Parang napanood ko na ‘yan sa pelikula. Magagawa mo?”

“Hindi naman. Hindi ko rin naman kaya… pero malay natin ‘di ba? Matapos ko siya ipaglaban sa mga magulang ko, dahil ayaw sa kaniya noon, tapos lolokohin lang niya ‘ko? Hindi yata makatarungan, ‘di ba?” paliwanag ni Alice.

“Pero ano ba ang kutob mo? Sabi ng Nanay ko, ang kutob ng babae ay hindi raw nagkakamali. Hindi ba nga, ilang beses na ring nagloko si Tatay. Kaya somehow, naniniwala ako sa mga sinabi niya…”

“Hindi ko alam eh. Alam ko namang mabuting lalaki si Jordan. Kahit na dalawang taon pa lang kaming kasal at wala pang mga anak, alam ko namang hindi niya gagawin sa akin ‘yon. Kaya lang, hindi mo naman maiiwasan sa aking hindi maghinala,” sagot naman ni Alice.

“Karapatan mo ‘yan kasi asawa ka. Pero alam mo, mas makabubuting komprontahin mo na lang siya nang direkta. Minsan, maraming napapahamak sa maling akala,” payo ni Beth.

Sabagay. May punto naman.

Nang gabing iyon, nagpasya si Alice na sundin ang payo ni Beth. Bahala na. Hiwalay kung hiwalay. Mahal niya si Jordan subalit mahal din naman niya sarili niya. Hindi siya makapapayag na iputan sa ulo ng asawa.

Masayang-masaya ito sa pag-uwi nito.

“Sayang-saya ka yata?” tanong ni Alice.

“May sorpresa ako sa ‘yo, mahal. Pikit ka muna…”

Nakaramdam ng tila kasiyahan sa kaniyang loob si Alice. Heto na ba ‘yon? Baka ito na nga sorpresa sa kaniya ng asawa. Ang pendant na nakita niya. Kung ano-ano ang naiisip niya, ibibigay naman pala sa kaniya. At para talaga sa kaniya ang pendant, hindi para sa ibang babae.

Pumikit si Alice. Nakaramdam siya ng pananabik.

“Isa… dalawa… tatlo…”

Pagdilat ng kaniyang mga mata, ibang alahas ang ipinakita sa kaniya ng mister. Isang pares ng hikaw.

“H-Hindi pendant…?”

Nawala ang ngiti sa mga labi ni Jordan. Tila nalungkot ito.

“Hindi mo bet? Pendant ba gusto mo?”

“Gusto ko pendant. Ayoko ng hikaw. Gusto ko yung pendant na nakita ko sa bag mo noong isang araw. Hindi ba, sorpresa mo sa akin ‘yon? Bakit hindi mo ibigay sa akin?”

Tila napatda naman si Jordan. Kumunot ang noo nito. Tila may hinahawing sapot sa kaniyang alaala.

“Nakita ko sa bag mo dati. Pendant. Akala ko, para sa akin. Bakit ‘di mo ibigay sa ‘kin ngayon?”

Natawa si Jordan. “Ah… iyon ba? Sa kasamahan ko ‘yon sa trabaho. Nakalimutan ko ‘yon ibigay. Para sa misis naman niya. Kahit tawagan mo pa siya.”

At ikinuwento ni Jordan na may kasamahan silang nagtitinda ng mga alahas bilang sideline. Sinuportahan naman nila ito. Sino-sino ba naman ang magtutulungan?

“Sorry mahal, pendant pala ang gusto mo, hikaw lang ang naibili ko para sa ‘yo,” saad ni Jordan habang magkayakap sila. Isinuot na niya sa misis ang dalawang hikaw na bagay na bagay rito.

“Hindi ah, ang ganda nga eh! Gusto ko itong ibinigay mo. Ang totoo niyan, kahit anong ibigay mo, gugustuhin ko, dahil mahal na mahal kita! Pasensiya ka na kung naghinala ako sa ‘yo…”

“Tama na ‘yan mahal, okay lang ‘yan. Ang importante, mahal natin ang isa’t isa. Mahal na mahal din kita!” kinarga siya nitong parang bata at ginawaran siya ng masuyong halik sa kaniyang mga labi.

Makalipas ang ilang buwan, si Alice naman ang nagbigay ng sorpresa kay Jordan: at iyon ay ang pagiging tatay na nito. Tuwang-tuwa si Jordan, na mas maganda pa sa sorpresang pendant, hikaw, o iba pang materyal na bagay.

Advertisement