Lahat ng Desisyon at Andar ng Buhay ng Dalaga ay Nakabatay sa Horoscope; Mapatunayan Kaya Niyang Totoo Ito?

Matapos mag-inat-inat, tapikin ang alarm clock, at maispatan ang Haring Araw sa pamintana, dumukwang si Alice sa kaniyang katabing mesita. Kinuha ang kaniyang cellphone. Ipinasok niya ang kaniyang pin code. Awtomatikong kumunekta sa Wi-Fi, na hindi niya pinap*tay. 

Tuwing umaga, nakasanayan na niyang basahin ang kaniyang horoscope. Lahat ng bagay, ipinagkakatiwala niya sa mga bituin. Naniniwala siyang may kinalaman ang lahat ng mga nangyayari, ang lahat ng kaniyang mga nararamdaman, at lahat ng mga mangyayari sa kaniya, dahil sa galaw ng mga buntala sa isa’t isa.

Binasa niya ang kaniyang horoscope.

Gemini. Suwerte sa iyo ang mga taong may kulay asul. Maaaring maging kaibigan mo siya, o maging karelasyon. Sunggaban agad kung may pagkakataon. Lucky color: royal blue. 

Kilig na kilig namana siya. Wala pa siyang boyfriend ulit, matapos ang pakikipaghiwalay ng kaniyang ex sa kaniya. Ang dahilan? Dahil din sa horoscope. Nabasa niya noon, niloloko lamang daw siya ng jowa niya kaya manmanan niyang maigi. Simula noon, lagi na siyang “tamang hinala.” Inaaway niya ang boyfriend niya sa kaunting kibot nito. Hanggang sa magsawa na ito. Iniwan siya.

young woman using mobile phone while lying on bed - asian woman with cellphone in bed stock pictures, royalty-free photos & images

“Mukhang masaya na naman ang sinasaad ng bolang kristal ah,” biro ng kaniyang inang si Aling Thalia. Luto na ang almusal. Salo sila.

“Medyo po!” tipid na sagot naman ni Alice. Masarap ang nilutong omelet at sinangag ng kaniyang ina. Papasok na siya sa trabaho, at nasasabik na siyang hanapin sa labas ang sinasabing suwerteng tao para sa kaniya.

“Sinasabi ko sa iyo Alice ha… hindi lahat i-aasa sa horoscope-horoscope na ‘yan!” paalala ng kaniyang ina.

Advertisement

“Heto na naman po tayo! Paulit-ulit! Opo…” sagot ni Alice. Laging nakakontra sa kaniya ang ina.

Matapos makapagsipilyo at makapagpaalam sa ina, lumarga na siya. Mabuti na lamang at nakasakay na kaagad siya sa isang pampasaherong jeep. 45 minuto lamang at nasa trabaho na siya, maliban na lamang kung mabigat ang daloy ng trapiko, o kaya naman, may aberya sa daan. 

Sa kaniyang pagbaba, nakapaapak siya ng balat ng saging. Nadulas siya. Muntik na siyang pabuwal patalikod, salamat sa dalawang kamay na umalalay sa kaniya.

“Okay ka lang, miss?”

“Salamat—“

Napahinto si Alice. Isang adonis ang kaniyang kaharap! Parang gusto na niyang madulas nang tuluyan sa mga bisig nitong tila kay titigas! At lalong nanlaki ang kaniyang mga mata. Nakasuot ito ng kulay asul na damit!

“Miss, okay ka lang?”

“Umayos ka nga! Napaghahalataan ka!” pakli ni Alice. Kailangan, Maria Clara pa rin. Agad na kinalamay ni Alice ang kaniyang sarili. Nagpirmi siya. 

Advertisement

“Oo kuya, salamat ha?” pautal-utal na pasasalamat ni Alice sa lalaki. Naamoy niya ang pabango nito, panlalaki. Amoy-lalaki talaga. Nakaramdam ng kilig si Alice. Heto na ba ang sinasabi ng horoscope niya? Bakit naman nagkataong nakasuot ng asul ang mamang ito. Diyos ko po!

“Wala talagang disiplina ang mga tao, kung saan-saan nagtatapon ng kalat nila. Hindi nila naiisip na puwede sila makaperwisyo, kagaya mo, na isang magandang babae,” saad pa ng lalaki. Nakipagtitigan pa ito sa kaniya. Tila nanuyo naman ang laway ni Alice. Parang malalaglag ang kaniyang p@nty. 

positive young man - asian man wearing blue shirt stock pictures, royalty-free photos & images

Hindi siya handa. Gusto niya tuloy tingnan ang sarili sa salamin. Maayos ba ang make-up niya? May lipstick pa ba ang mga labi niya? Oh my gosh!

“O-Oo nga eh… mabuti na lang, nariyan ka. Salamat ha? Gusto mong magkape?”

Anong ginagawa mo girl? At ikaw pa talaga ang nag-aya? May trabaho ka pa! Sigaw ng kaniyang isip. May pakiramdam siyang hindi dapat palagpasin ang pagkakataong makilala ang lalaking ito. Ito ang nasa deskripsyon sa kaniyang horoscope.

Bahala na.

“Miss, pasensya ka na, kailangan ko na rin umalis, may pupuntahan pa ako eh. Ingat ka lagi ha, pasensiya na,” saad ng lalaki. 

Nalaglag ang panga ni Alice. Parang nais niyang lamunin ng lupa.

Advertisement

“S-Sige, salamat, ingat ka rin…” nasabi na lamang ni Alice. Kumaway ang guwapong lalaki. Tumawid sa kabilang kanto. Nilamon nang tuluyan nang kawalan.

Hinayang na hinayang si Alice. Boylet na, naging bato pa!

Saka niya naisipang basahin ulit sa cellphone ang horoscope. Isa. Dalawa. Tatlong kapa sa bulsa. Wala. Kinapa niya ang panglikod na bulsa ng pantalon. Isa. Dalawa. Wala rin! Hinalungkat niya ang kaniyang bag. Bukas ito. Kailan pa? Hanggang kailan pa bukas? Wala rin ang kaniyang cellphone.

Nanghina si Alice. Ninakawan siya!

Saka niya naalala, naramdaman niya ang pagtama ng kamay ng mala-adonis na lalaki, nang alalayan siya nito. Hindi lang niya napansin dahil tila namagneto siya sa mga mata nito, sa kulay ng suot nito, na ayon sa horoscope ay magdadala ng suwerte sa kaniya.

Pag-uwi sa bahay, kinagalitan pa siya ng kaniyang ina. Katakot-takot na sermon ang inabot niya.

sad japanese woman with head in hands - asian old woman problematic stock pictures, royalty-free photos & images

Kinabukasan. Matapos mag-inat-inat, tapikin ang alarm clock, at maispatan ang Haring Araw sa pamintana, dumukwang si Alice sa kaniyang katabing mesita. Kukunin niya sana ang cellphone. Wala na nga pala. Ninakaw. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na hindi na siya maniniwala sa horoscope.