Inday TrendingInday Trending
Puwede Ba Kitang Maging Boyfriend?

Puwede Ba Kitang Maging Boyfriend?

Unang pag-ibig na maituturing ni Camille ang binatang si Randy, ang kapitbahay at matalik na kaibigan ng kanyang panganay na kapatid. Hindi alintana ng dalagita ang sampung taoagwat ng edad nila ng binata. Alam man ni Randy ang nararamdaman para sa kanya ni Camille ay hindi niya ito pinapansin, sapagkat alam niyang bata pa ito at magbabago pa ang isip sa kalaunan.

Sa isang banda naman ay hindi na maitanggi ni Camille ang nararamdaman sa binata kaya isang araw ay inabangan niyang makauwi ng bahay si Randy. Nang makita niya ang binata ay agad niya itong nilapitan at iniabot ang isang papel mula sa kanyang bulsa.

“Para sa’yo ‘to, Randy!’ sambit niya sa binata habang nayukong ibinibigay ang isang papel. “Gawa ko ‘to para sa’yo,” dagdag pa ng dalagita.

“Ano naman ‘to, Camille?” nagtatakang tugon ni Randy habang tangan ang papel.

“Love letter ko para sa’yo. Sige na basahin mo tapos sabihin mo sakin ang sagot mo,” nahihiyang sambit ni Camille sa binata.

“Love letter? Bakit mo naman ako binibigyan ng love letter, Camille?” natatawang wika ni Randy.

“Obvious ba? Para saan ba ang love letter, Randy? Basahin mo na at sabihin mo na sa akin ang sagot mo!” pagpupumilit ng dalagita sa binata.

Dahan-dahang binuksan ni Randy ang liham sa kanya ni Camille. Nang matapos niya itong basahin ay hindi niya maiwasan ang matawa.

“Gusto mo akong maging kasintahan?” natatawang wika ni Randy.

“Oo! Alam mo namang matagal na kitang gusto ‘di ba? Kaya umaasa akong sana ay gusto mo rin ako,” sambit naman ni Camille.

“Nakakatuwa kang talaga, Camille,” nakangiting sambit ni Randy.

“Ano ba ang sagot mo, Randy, sa sulat ko? Gusto ko nang malaman ngayon na!” giit ng dalaga.

Bumuntong hininga si Randy at nakangiting nagwika kay Camille. “Alam mo namang parang kapatid ang turing ko sa’yo. Parang kuya mo na rin ako sapagkat matalik na kaibigan ko ang kuya mo. Saka labing limang taon ka pa lang, Camille. Napakabata mo pa para magkaroon ng nobyo,” natatawang sambit ng binata.

“Hindi mo talaga ako siniseryoso! Parang-awa mo na, Randy, pumayag ka nang maging nobyo ko, please naman!” pagpupumilit muli ng dalaga.

Hindi mapigilan ni Randy ang kanyang tawa. Dahil dito ay napaiyak ng lubusan si Camille. “Uy, Camille, ‘wag kang umiyak baka kung anong sabihin ng mga nakakakita sa atin. Baka akala ay ginagawan kita ng masama,” Pagpigil ng binata. Ngunit ayaw pa rin tumigil sa pag-iyak ng dalagita.

“O siya, sige, kapag nasa hustong edad ka na ay pag-iisipan ko. Pwede na ba ‘yun? Pero sa ngayon ay hindi muna ang sagot ko. Pag-iisipan ko sa dalawang kondisyon, Una ay titigil ka sa iyong pag-iyak at ang pangalawa ay kailangang maging magaling ka muna sa eskwela. Sige na naman, tumahan ka na,” sambit ni Randy sa dalaga sa pag-aakalang magbabago rin ang isip nito. Pumayag naman si Camille sa kundisyon ng binata at agad itong tumahan sa pag-iyak.

Sa loob ng tatlong taon ay hindi nagbago ang pagtingin ni Camille sa binata. Patuloy ang pagsusulat niya ng mga love letters para kay Ranyd kahit na tinatawanan lamang siya nito. Dahil sa kasunduan nila ay matiyagang nag-aral ng husto ang dalaga. Nang tumuntong na ang ika-labingwalong kaarawan ng dalaga ay agad siyang nagtungo kay Randy.

“Bakit hindi na naman puwede, Randy? Sabi mo nung labinglimang taon ako ay maghintay ako hanggang nasa tamang edad na ako. Ngayong nasa tamang edad ako ay hindi na naman puwede?” umiiyak na wika na naman ni Camille.

“Ang akala ko kasi ay magbabago din ang damdamin mo sakin. Camille, malayo ang agwat ng edad natin. Ngayong nasa tamang edad ka na ay inaasahan ko na maiintindihan mo na ako kung bakit hindi maaari. Matanda na ako masyado para sa’yo. Bakit hindi ka na lamang maghanap ng ka edad mo,” paliwanag ni Randy sa dalaga.

“Ayoko nga sa iba, gusto ko ikaw lang!” patuloy sa pag-iyak si Camille.

“Saka aalis na ako patungong Canada. Doon na ako magtatrabaho. Makakalimutan mo rin ako, Camille,” saad ng binata.

Lubos na ikinalungkot ni Camille ang kanyang narinig. Sa tagal ng panahon na mahal niya ang binata ay nag-asam siya na isang araw ay maibabalik din sa kanya ni Randy ang pagmamahal na ito. Ngunit maging hanggang ngayon ay kapatid pa rin ang turing sa kanyang binata.

Ilang linggo ang nakalipas at tuluyan na ngang umalis si Randy papuntang Canada upang magtrabaho. Dahil sa kanyang pagkaabala ay hindi na niya namalayan na tatlong taon na pala ang nakakalipas mula ng umalis siya sa Pilipinas. Natupad na rin ang kanyang pangarap na tuluyan nang maging residente ng lugar at permanente nang manirahan sa Canada.

Sa loob ng mga panahon na iyon ay nagnais din siyang magkaroon ng kasintahan. Ngunit hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya magawang magustuhan ang kahit sino mang babaeng kanyang inilalabas. Tila laging may kulang.

Isang araw ay may ipinadalang kahon sa kanya ang kanyang ina mula sa Pilipinas. Sa kahon ay mayroong isang lalagyanang pamilyar sa kanya. Binuksan niya ito at nagulat siya ng makita ang mga liham noon sa kanya ng dalagitang ni Camille. Isa-isa niya itong binuksan at muling binasa. Tulad ng dati ay aliw na aliw siya sa mga nakasaad sa liham. Hindi niya namamalayan na patuloy ang kanyang pagngiti hanggang sa napagtanto niya ang isang bagay. Hindi niya akalain na ang dalaga pala ang puwang sa kanyang puso na kanyang hinahanap-hanap noon pa.

Dali-dali siyang umuwi ng Pilipinas upang makita ang babae. Pagkarating na pagkarating niya ay agad niyang pinuntahan si Camille upang sabihin ang kanyang tunay na nararamdaman. Handa na siyang sagutin ang katanungan ng dalaga sa kanyan noon.

Natigilan si Randy ng makita niya si Camille na may bitbit na isang bata. Masaya itong nilalaro ang batang babaeng kamukhang kamukha ng dalaga.

“Randy?” pagkagulat ni Camille ng makita ang binata. “A-anong ginagawa mo rito? Kumusta? Nakauwi ka na pala!” masayang bati ng babae.

“W-wala naman. Matagal na kasi akong hindi nakakauwi kaya eto, dumadalaw lang,” sambit ni Randy. Hindi man alam ni Randy ang sasabihin ay naglakas loob na rin siyang aminin sa kababata ang tunay na dahilan ng kanyang pag-uwi. “Ang totoo kasi, Camille, sinadya kita dito. May gusto sana akong sabihin sa’yo kaso parang huli na ang lahat,” malungkot na wika niya.

“Anong ibig mong sabihin, Randy?” pagtataka ni Camille.

“Sa loob ng tatlong taon hindi ko alam kung bakit laging parang may kulang. Huli na ng mapagtanto ko na ikaw pala ‘yun Camille. Nagsisisi ako at ngayon ko lang napagtanto ang lahat ng ito,” saad niya.

“Totoo ba ‘yang sinsabi mo, Randy?” gulat na gulat na tanong ng dalaga.

“Oo, pero alam kong huli na ako sapagkat may asawa ka na,” tugon naman ng binata.

Tumawa ng malakas si Camille sa narinig na ito kay Randy. “Anong sinasabi mo d’yang may asawa na ako?” kasunod ang isang malakas na halakhakal. Napatingin siya sa dala niyang bata. “Akala mo ba ay anak ko ‘tong buhat ko?” halos maiyak sa kakatawa ang dalaga.

“Anak ‘to ni kuya, sira!” patuloy sa pagtawa si Camille. “Ang tagal mong nawala, Randy, ang akala ko ay hindi ka na babalik. Natuwa ako ng malaman sa nanay mo na hindi ka pa rin nag-aasawa. Nabuhayan ako ng loob. Sa katunayan nga halos araw-araw ay nakikibalita ako tungkol sa’yo,” pag-amin ng dalaga.

“Ibig mong sabihin ay hindi pa rin nagbabago ang damdamin mo para sa akin?” gulat na tanong ni Randy.

“Kahit kailan ay hindi nagbago, Randy. Kaya ito, pinagbubutihan ako ang pag-aaral ko para naman sa gayon ay wala ka ng dahilan pang humindi kung sakaling tatanungin kitang muli. Alam kong maraming beses mo ng tinanggihan ang pag-ibig ko sa’yo pero patuloy akong umaasa na sana isang araw ay mapagtanto mo na ako ang mahal mo. ” aniya. “Masaya ako na sa wakas ay dumating na rin ang araw na ito,” dagdag pa niya.

Lubusan ang tuwa na naramdaman ni Randy sapagkat magpahanggang ngayon pala ay siya pa rin ang tinitibok ng puso ni Camille. Hindi nasayang ang kanyang pag-uwi upang makitang muli ang dalaga. Sa loob ng mahabang panahon ay hindi niya inaasahan na ang batang nangungulit sa kanya noon at tinatawa-tawanan lamang niya ang damdamin ay ang babaeng bibihag pala ng kanyang puso.

Tuluyan na ngang naging nobyo ni Camille si Randy. Sa loob ng dalawang taon ay naging magkasintahan sila. Kahit nasa ibang bansa man si Randy ay nakapaghintay muli sa kanya si Camille. Nang tuluyang makapagtapos ang dalaga ng kanyang pag-aaral ay nagdesisyon na sila na magpakasal. Masayang namuhay ang dalawa sa Canada. Doon ay nagsimula silang bumuo ng pamilya at mga pangarap. Hindi inaakala ni Camille na sa bandang huli ay mapagtatanto din ni Randy na hindi hadlang ang edad sa mga taong tunay na nagmamahalan.

Advertisement