“Hoy Rolly! Bilisan mo ang pagkilos at mamamalantsa ka pa!” asik ni Mylene sa kanyang live-in partner. Kadarating lamang nito sa trabaho bilang clerk sa isang pampribadong tanggapan. Naglilinis naman ng kanyang kuko si Mylene.
“A-ako talaga ang gagawa? Kadarating ko lang ah. Pagod ako sa trabaho,” malumanay na sagot ni Rolly sa partner. Nagbihis siya ng damit-pambahay. Tiningnan niya ang kaldero. Hindi na naman nagluto si Mylene.
“Hindi ka nagluto?” mahinahon pa ring tanong ni Rolly kay Mylene. Pareho silang nagtatrabaho, at sa kasamaang-palad ay hindi pa binibiyayaan ng supling sa tatlong taon nilang pagsasama.
“Bakit ako magluluto eh wala na akong budget,” matabang na sabi ni Mylene.
“Paanong wala kang budget, eh nakabili ka nga ng bagong damit?” usisa ni Rolly dito. Nakita niya ang supot mula sa isang boutique na pilit itinatago ni Mylene. Alam niyang bagong bili ito dahil may resibo pa.
“Eh kailangan ko ng bagong damit eh. Nangingialam ka?” inis na turan ni Mylene.
Isang “under de saya” si Rolly. Laging si Mylene ang nasusunod pagdating sa pagdedesisyon sa kanilang bahay. Hindi naman ganito si Mylene noong nililigawan pa niya ito. Tunay ngang malalaman mo lamang ang tunay na pagkatao ng isang tao kapag nakasama mo na siya sa iisang bubong. Masyado pala itong magagalitin, dominante, at gustong laging nasusunod ang gusto.
Pero kahit minsan, hindi pinagbuhatan ng kamay ni Rolly ang partner. Hindi rin niya ito pinagsabihan ng masasakit na mga salita. Isang mahinahon, mabait at mapagtimping tao si Rolly. Marami sa mga kaibigan nila ang nagagalit sa kanya, dahil hinahayaan lamang nitong tratuhin siyang parang hindi padre de pamilya ni Mylene.
Si Rolly pa ang madalas na gumagawa ng mga gawaing-bahay na dapat sana ay si Mylene ang gumagawa. Ayaw na ayaw din ni Mylene na magkaanak sila ni Rolly. Masisira daw ang figure niya. Isa pang kinaaayawan ni Mylene ang pagpapakasal kay Rolly. Masaya na raw siya sa pagsasama nila.
Nang mag-aplay ng trabaho si Rolly sa Hong Kong, sa halip na tumutol ay si Mylene pa mismo ang nagtutulak na ipursigi niya ito. Para daw sa mas magandang kinabukasan nila. Sa isip-isip naman ni Rolly, para may maipambili ito sa mga luho niya. Subalit hindi na lamang ito sinabi ni Rolly. Mahal niya ang kanyang partner kahit hindi siya tinatrato nang maayos.
Dumating ang araw ng pag-alis ni Rolly. Inihatid siya ni Mylene at sinabing mag-ipon siya at magpadala kaagad kapag may sweldo na.
“Huwag mo akong ipagpapalit ha?” paniniguro ni Rolly kay Mylene.
“Baka nga ikaw ang maghanap ng Tsekwa roon,” ganting paniniyak naman ni Mylene.
Habang nasa Hong Kong bilang waiter sa isang bar ay nakaramdam ng home sickness si Rolly. Sinabi niya agad kay Mylene ang kanyang nararamdaman, na tila ba gusto na niyang umuwi. Subalit pinagalitan lamang siya nito.
“T*nga ka talaga! Nariyan ka na eh sasayangin mo pa?” ang laging sinasabi nito sa kanya.
Lalong nakadaragdag sa alalahanin ni Rolly ang mga balitang dumarating sa kanya. Ayon sa kanyang mga kaibigan, iba-ibang lalaki raw ang kasama ni Mylene sa Pilipinas. Kinain ng selos si Rolly subalit pinili niyang magpakahinahon. Ayaw niyang maniwala hangga’t hindi sinasabi sa kanya nang harapan ni Mylene, at hindi nakikita nang sarili niyang mga mata.
Kaya ang ginawa ni Rolly, sinikap niyang pagselosin si Mylene. Sinabi niya rito na tila kursunada siya ng kanyang among babaeng Intsik, bagay na tila totoo naman, dahil espesyal ang trato nito sa kanya. Sa halip na magalit, pinayuhan pa siya nito.
“Harutin mo siya. Makipaglaro ka. Kapag nagustuhan ka, pakasalan mo. Ayos lang sa akin,” sabi ni Mylene.
“Pinamimigay mo na ako?” nangingilid ang luhang tanong ni Rolly sa partner.
“Pagiging wais ang tawag doon. Ilang taon lang ang bibilangin mo. Magiging residente ka riyan. Pwede mo naman siyang hiwalayan kapag naging residente ka na. Pwede mo na akong madala riyan. At diyan na tayo mag-anak,” mungkahi ni Mylene.
Nasaktan si Rolly sa tinuran ni Mylene. Tila itinataboy siya nito. Kung praktikalidad ang pag-uusapan, maganda ang mungkahi nito. Subalit bakit pakiramdam ni Rolly ay sadyang itinutulak siya ni Mylene na magpakasal sa iba? Lalong naghinala si Rolly na totoo ang mga bulong-bulungan tungkol sa mga kalokohang ginagawa nito.
Isang araw, isang kumpare ni Rolly ang nagpadala ng mga kuhang larawan ni Mylene sa kanyang messenger. Kitang-kita sa mga larawan na nakikipaghalikan si Mylene sa isang lalaking nasa 50 taong gulang na. Nagsiklab ang kalooban ni Rolly. Gusto niyang umuwi ng Pilipinas upang saktan at sumbatan ang kanyang partner. Subalit hindi maaari ang gayon. Hindi na rin tumatawag sa kanya si Mylene. Hindi rin sinasagot ang kanyang mga video calls.
Isang plano ang nabuo sa isipan ni Rolly. Pinatulan niya ang kanyang among Intsik na umaming gusto siya at gusto siyang pakasalan. Ikinasal silang dalawa nang hindi alam ni Mylene.
Matapos ang dalawang taon, nabalitaaan ni Rolly na nagdadalang-tao na si Mylene. Labis na gumuho ang daigdig ni Rolly. Kaya naman sinikap niyang mahalin ang napangasawa, at hindi naman siya nabigo. Lubos ang kabaitan nito sa kanya. Ibang-iba kay Mylene. Hindi naglaon at nagbuntis na rin ito.
Hanggang isang gabi, nagulat na lamang si Rolly nang tumatawag sa kanya si Mylene sa pamamagitan ng video call. Nagdalawang-isip si Rolly na sagutin ito. Sa ikalawang pagkakataon ng pagtawag nito, saka niya tinanggap ang tawag.
Nagulat siya sa Mylene na tumambad sa kanyang harapan. Payat, malungkot, at may malaking pasa sa kanyang mukha. Humagulhol ito pagkakita sa kanya. Humingi ito ng tawad sa lahat ng ginawa nitong panloloko sa kanya. Nalaglag pala ang pinagbubuntis nito noon dahil sinasaktan siya umano ng kanyang nakarelasyon, ang lalaking kahalikan niya sa mga larawan na ipinadala kay Rolly ng kanyang kaibigan.
“Rolly, tulungan mo naman ako. Ikaw talaga ang mahal ko. Bumalik ka na sa akin,” pagmamakaawa ni Mylene.
Subalit pinakiramdaman ni Rolly ang sarili. Marami nang mga nangyari makalipas ang dalawang taon. Sa lahat ng ginawa sa kanya ni Mylene, nawala na ang natitirang pagmamahal niya rito. Natutunan na rin niyang mahalin ang asawang Intsik na inalagaan siya at minahal din.
Inamin ni Rolly kay Mylene ang kanyang sitwasyon. Akala niya kasi, tuluyan na siyang ipinagpalit ni Mylene sa ibang lalaki.
“Hindi mo ba ako minahal? Alam kong marami akong naging pagkukulang sa iyo, Rolly. Hindi ako naging mabuting maybahay sa iyo. Tinapakan ko ang pagkalalaki mo nang sobra-sobra.”
“Minahal kita, Mylene. Mahal na mahal. Pero sa sobrang pagmamahal ko sa iyo, nakalimutan ko ang sarili ko. Nakalimutan kong may sarili pala akong dignidad bilang lalaki. Nagkamali ka. Nagkamali rin ako. Marami nang mga nangyari at nagbago sa buhay natin. Panindigan na lamang natin ang mga desisyon natin sa buhay. Hindi ko maiiwan ang asawa ko. Nagmamahalan kami,” tugon ni Rolly sa dating partner.
Tinanggap ni Mylene ang desisyon ni Rolly. Sising-sisi siya dahil binalewala lamang niya ang pagmamahal ng dating kasintahan. Napagtanto niya kung gaano siya kapalad na magkaroon ng isang karelasyon na mabuti, maginoo, at masipag na lalaking katulad ni Rolly.
Nasa huli talaga ang pagsisisi. Minabuti niyang igalang na lamang ang buhay ngayon ni Rolly na masaya na sa piling ng iba. Pinanindigan naman ni Rolly ang kanyang kasal at bumuo ng isang masayang pamilya sa Hong Kong. Sa kabila na isa siyang dayuhan, siya ang tumayong padre de pamilya, na iginagalang naman ng kanyang napangasawa.