Hayskul pa lamang ay matindi na ang pagka-crush ni Sarah sa binatang si Jordan. Dahil sa angking kaguwapuhan ng binata ay maraming umaaligid na mga kababaihan sa binata.
“Sino ba naman ako? Dapat ba ay mukha akong artista para maging bagay kami Jordan?” tanong ng nagsesentimyentong si Sarah sa kaniyang kaibigang si Marga. “Kahit kailan ay hindi ako mapapansin niyang si Jordan, noh! Ni minsan nga hindi pa ako tinignan niyang lalaki na ‘yan!” dagdag pa ng dalaga.
“Tigilan mo na nga ‘yang kadramahan mo diyan, Sarah. Kung gusto mong mapansin ka talaga ni Jordan ay dapat gumawa ka ng paraan,” suhestiyon ni Marga.
“Ano pa ba ang puwede kong gawin? Lahat na yata nang pagpapapansin ay nagawa ko na pero wa epek, friend!” ngawa ni Sarah sa kaibigan. “Nagdasal na ko sa lahat ng santo, ultimo sa mga ibang Diyos ng relihiyon, pero wala pa rin. Kulang na lang ay gayumahin ko ‘yang si Jordan!” saad ni Sarah.
Biglang nanlaki ang mga mata ng magkaibigan.
“Naiisip mo ba ang naiisip ko, Marga?” natutuwang sambit ni Sarah sa kaibigan. “Magpapagawa tayo ng gayuma!” sabay na sambit ng dalawa.
“Tamang-tama, Sarah. Alam ko ‘yung lola ko may kakilala siyang albularyo na gumagawa ng gayuma. Malakas daw ‘yung gayuma na ‘yun kaya tiyak ay mapapa-ibig mo talaga ‘yang si Jordan!” sambit ni Marga.
“Excited na ko, friend! Puntahan na natin ‘yang albularyo na ‘yan!” Halos hindi mapakali si Sarah sa kasihayan.
Nagpasama ang dalawa sa lola ng dalaga upang matunton nila ang kilalang albularyo nito. Doon ay nagpagawa sila ng isang boteng gayuma. Ilang sandali pa ay ibinigay na ito sa kanila ng albularyo.
“Ipainom mo sa kaniya ito. Pagkatapos noon ay ilagay mo ang gayuma sa iyong pabango. Sa tuwing kayo ay magkakasama ay gamitin no ‘yan. Tiyak na mahuhumaling siya sa iyo at hindi ka na niya matatanggihan,” sambit ng albularyo.
Kinabukasan ay agad namang hinanap ni Sarah si Jordan upang maisagawa niya ang kaniyang binabalak. Nilibot nila ng kaibigan ang buong eskwelahan at natagpuan nila ang binata na naglalaro ng basketbol.
Nang makahanap ng pagkakataon ay ibinigay ni Sarah kay Jordan ang bote ng tubig na may halong gayuma at dahil sa pagkauhaw ng binata ay agad niya itong ininom at naubos.
Tuwang-tuwa naman si Sarah nang makita na wala ng laman ang bote ng tubig.
“Kaunting sandali na lang, Marga, at tuluyan nang mahuhulog sa akin si Jordan!” kinikilig na sambit ni Sarah.
“Nagpabango ka na ba? ‘Di ba kabilin-bilinan nung albularyo ay sa tuwing magkakalapit kayo ni Jordan ay kailangang maamoy niya ang pabango na may halong gayuma,” paalala ni Marga sa kaibigan.”Oo. Ako pa ba, friend?” tugon ni Sarah.
“Pero sa tingin mo ba ay gagana talaga ‘yung gayuma na ‘yun? Parang hindi pa rin naman ako napapansin ni Jordan, eh!” saad ni Sarah sa kaibigan. “Maghintay ka lang. Siyempre hindi naman agad-agad ang bisa nun! Malay mo bukas,” wika ni Marga.
Hindi nga sila nagkamali. Kinabukasan ay agad na nilapitan ni Jordan si Sarah.
“Hello, Sarah,” bati ng binata. “Puwede ba kitang yayain mamaya na manood ng sine at kumain sa labas? Kung puwede ka lang naman,” paanyaya ng lalaki sa dalaga. “Oo naman, Jordan. Wala naman akong gagawin mamaya. Sige. Magkita tayo mamaya pagkatapos ng klase,” pilit na itinatago ni Sarah ang kilig na nararamdaman.
Nang makaalis ang binata ay hindi na mapaigilan ng magkaibigan ang kanilang kilig. “Marga! Gumana nga!” natutuwang sambit ng dalaga.
Nang matapos nga ang kanilang klase ay nagkita sina Jordan at Sarah. Nagtungo sila sa sinehan at pagkatapos ay kumain. Sa mga sandali na sila ay magkasama ay patuloy na humahanap si Sarah ng tiyempo upang mapainom niya ang gayuma sa binata. Panay din ang pagpapabango niya upang tuluyan nang mahumaling sa kaniya si Jordan. Kinagabihan ay inihatid naman siya ng binata sa kanilang bahay. Lubusan ang kasiyahang nararamdaman ni Sarah.
“Marga, parang ayaw ko nang matapos ang ‘yung date namin kanina! Grabe, ang bangu-bango niya at matipuno. Hay, sana talaga ay mahulog na ang loob niya sa’kin,” kuwento ni Sarah sa kaniyang kaibigan sa kabilang linya ng telepono.
“Matanong ko lang, Sarah. Paano kung maubos na ‘yung gayuma at matapos na rin ang pagkagusto niya sa’yo? Masasaktan ka na naman, friend,” saad ni Marga.
“Hayaan mo na. Ang mahalaga sa akin ngayon ay kahit papaano ay nararamdaman ko ang kaligayahan na makasama ko siya kahit saglit lang. Pero alam mo sa totoo lang nakokonsensya ako. Parang hindi ko rin naman maatim na nagustuhan niya lang ako dahil sa gayuma,” tugon naman ni Sarah. “Kapag naubos ‘to, friend, tama na,” dagdag pa niya.
Nagpatuloy ang pagkikita nila Sarah at Jordan at sa tuwing magkasama sila ay patuloy pa rin ang paglalagay ng dalaga ng gayuma sa inumin ng binata at ang kaniyang pagpapabango upang maamoy siya nito. Ngunit hindi pa rin maiwasan ni Sarah ang magdalawang-isip sa kaniyang ginagawa. Masaya man ay may pag-aalinlangan siya. Napagtanto kasi ng dalaga na hindi niya maatim na gusto lamang siya ni Jordan sapagkat ito ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isang gayuma at ang lahat ng ito ay pawang mga ilusyon lamang. Ang nais sana ng dalaga ay magustuhan talaga siya ni Jordan sa kung sino siya. Sa pagkakataong ito ay nagdesisyon si Sarah na hindi na gamitin pa ang natitirang gayuma.
Nang lumabas muli sila ng binata ay hindi inaasahan ni Sarah ang tanong sa kaniya ni Jordan.
“Mahal kita, Sarah. Puwede ba kitang maging nobya?” tanong ng binata.
Kahit na ito ang pinakahinihintay na sandali ni Sarah ay hindi niya maiwasang maisip na mali ang kaniyang ginawa sa binata. Dahil nakokonsensiya na rin siya ay napili niyang aminin na lamang ito kay Jordan.
“Patawin mo ako, Jordan,” paghingi ng kapatawaran ni Sarah.
“Alam mo ba buong buhay ko ata ay ito ang nais kong marinig mula sa’yo. ‘Yung mahal mo rin ako. Kaya ginawa ko ang lahat para paibigin ka. Ginawa ko ang lahat kahit alam kong mali,” dagdag pa ng dalaga.
“Sana ay mapatawad mo ako sa ginawa ko sa’yo, Jordan,” taos-pusong paghingi ng tawad ni Sarah.
“Ang totoo kasi niyan ay sa tuwing magkikita tayo ay pinapainom kita ng gayuma,” pag-amin ng dalaga.
“Pero ayoko na ng ganito. Ayokong magustuhan mo lamang ako dahil sa ginayuma kita. Ang gusto ko sana ay magustuhan mo ako dahil ako ang nilalaman ng iyong puso. Patawarin mo ako. Itatama ko ang lahat. Maiintindihan ko kung magagalit ka sa akin ngunit ito ang katotohanan. Hindi ko na gagamitin ang gayumang ito sa’yo kahit kailan. Pagkatapos ng araw na ito ay wala ka ng maaalalang damdamin para sa akin,” paliwanag ni Sarah.
Napangiti lang si Jordan sa narinig niya sa dalaga.
“Sa totoo lang, Sarah, alam ko naman ang ginagawa mo sa akin at para sabihin ko sa’yo ay walang talab ang gayuma na ibinigay sa’yo ng albularyo,” saad ng lalaki.
“Walang ginawa sa akin ang gayuma na ‘yan kung ‘di pasakitin ang aking tiyan. Nasusuka talaga ako sa lasa niyan kaya masaya ako na hindi ko na maiinom pa ‘yan! At tsaka hindi ko rin gusto ang amoy ng iyong pabango. Pero tinitiis ko dahil gusto kitang makasama,” wika pa ni Jordan.
Naguguluhan naman si Sarah sa kaniyang narinig. “Anong ibig mong sabihin?” tanong ng dalaga. “Narinig ng isa kong kasama ang pag-uusap ninyo ng kaibigan mong si Marga tungkol sa balak mo na gayumahin ako. Nakita kong magandang pagkakataon ito upang sa wakas ay masabi ko na sa’yo ang totoo kong nararamdaman,” nakangiting sambit ng lalaki sa dalaga.
“Mahal kita noon pa man, Sarah. Hindi ko kasi alam kung paano ito sasabihin sa iyo kasi nahihiya ako. Baka mamaya kasi ay tanggihan mo ang damdamin ko. Kaya lubos ang kasiyahan ko nang malaman kong gusto mo rin ako at ang matindi pa doon ay gusto mo akong gayumahin,” natatawang wika ni Jordan.
“Lubusan kong napatunayan na totoo ang nararamdaman mo para sa akin, Sarah, nang ipagtapat mo sa akin ang katotohanan. Hindi makasarili ang pag-ibig mo. Dahil diyan ay lalo kitang minahal,” dagdag pa ng binata.
Wala na ngang nagawa pa si Sarah kung ‘di ang yakapin sa tuwa ang binata.
“Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, Sarah. Puwede ba kitang maging kasintahan?” nakangiting tanong ni Jordan.
“Oo naman! Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya ngayon! Pero naiinis ako sa’yo kasi bakit kailangan pang gayumahin kita para lang umamin ka!” napipikon na sambit ni Sarah.
Hindi lubusang makapaniwala ang dalaga na ang lahat nang ipinakita pala sa kaniya ng binata ay hindi dahil sa gayuma kung ‘di dahil ito ang tunay nitong nararamdaman.