Inday TrendingInday Trending
Sagutin Mo Naman ang Tawag Ko, Mahal

Sagutin Mo Naman ang Tawag Ko, Mahal

Isang dekada nang mag-asawa sina Sandra at Mauro at nagbunga ito ng dalawang anak. Sa tinagal-tagal ng kanilang pagsasama ay hindi na mabilang kung ilan na ang naging babae ni Mauro. Palagi namang pinapatawad ni Sandra ang asawa sa kaniyang mga kasalanan ngunit patuloy pa rin ito sa pangangaliwa. Kahit na nasasaktan ay hindi pa rin magawang iwan ng ginang ang lalaki sapagkat lubusan niya itong mahal. Sa tuwing nalulungkot si Sandra ay ang matalik na kaibigang si Perla ang lagi niyang tinatakbuhan.

“Ibang klase ka rin, mare. Hindi ko alam kung paano mo naaatim na halikan siya sa labi gayong alam mong bago umuwi sa’yo ay inangkin na ng ibang babae ang mga labi ng asawa mo,” sambit ni Perla sa kaniyang matalik na kaibigang si Sandra.

“Masama bang mahalin ko pa rin siya, Perla? Siyempre asawa ko siya at may mga anak kami. Umaasa pa rin ako na sa bandang huli ay ako ang pipiliin niya,” nalulungkot na wika ni Sandra sa kaniyang matalik na kaibigan na si Perla.

“Nandiyan na nga tayo sa asawa mo siya at matagal ang pinagsamahan ninyo. Pero, Sandra, hanggang kailangan mo matitiis ang harap-harapang pangbababae ng asawa mo? Hanggang kailangan ka magbubulag-bulagan?” sambit naman ni Perla.

“Kakayanin ko, Perla, hanggang maalala niya na ako ang mahal niya at hangga’t sa akin pa rin siya umuuwi. Alam ko isang araw ay mapagtatanto niya na ako pa rin ang mahal niya,” malungkot na sagot ni Sandra.

“Ewan ko sa’yo, mare. Basta ako ang inaasahan ko ay ‘yung isang araw ay magising ka na sa katotohanan at matigilan na ‘yang katang*han mo sa asawa mo,” mariiing saad ni Perla.

“O siya, uuwi na ako, mare. Tawagan mo na lang ako kung may problema. Alam mo namang nandito lang ako,” pamamaalam ni Perla sa kaibigan..

Ilang sandali pa ay naisipan ni Sandra na tawagan ang kaniyang asawa na kasalukuyang nasa piling ng kalaguyo nito.

“Babe, ano ba yan? Ring ng ring naman ‘yang telepono mo! Sagutin mo na nga!” inis na saad ni Jane, ang kerida ni Mauro. “Pabayaan mo lang. Malamang si Sandra lang ‘yung tumatawag,” tugon ni Mauro sa babae.

“Huwag na natin ‘yan intindihin at ituloy na lang natin ang ginagawa natin,” bulong ni Mauro kay Jane habang hinihimas ang katawan nito. Nadaan naman ng lalaki sa lambing ang kerida kaya nagpatuloy ang kanilang pagsisiping.

Ngunit hindi pa rin huminto sa pagtawag si Sandra. At dahil tuluyan nang naabala ang dalawa sa kanilang ginagawa ay sinagot na rin ni Mauro ang telepono.

“Ano ba ‘yon at tawag ka nang tawag?” galit na sambit ni Mauro sa kaniyang asawa. “Hindi mo ba alam na nakakaistorbo ka na! Ang dami kong ginagawa dito sa opisina tawag ka nang tawag! Ano ba ‘yon?” sigaw ni Mauro.

“Wala naman, mahal. Itatanong ko lang sana kung anong oras ka uuwi. Nagluto kasi ako ng paborito mong ulam. Hinihintay ka na rin kasi ng mga bata. Nangako ka raw sa kanila na manonood kayo ng paborito nilang cartoon sa t.v.,” malumanay na tugon ni Sandra sa kaniyang asawa.

“Gagabihin na ako ng uwi. Kumain na kayo at baka dito na lang din ako kumain. Sabihin mo na lang sa mga bata na sa susunod na lang kami manonood. Siya, sige na, ibababa ko na ‘to at sobrang naiistorbo na ako. Sa susunod kung ‘yan lang ang sasabihin mo ay i-text mo na lang sakin!” nayayamot na sambit ng lalaki sa asawa.

Hindi pa man nakakapagpaalam si Sandra ay ibinaba na ni Mauro ang kaniyang telepono.

“O, ayan na. Hindi na tatawag sa’kin ‘yun, babe. Baka naman puwede na nating ituloy ‘yung ginagawa natin. Alam mo namang araw-araw akong nasasabik sa’yo!” paglalambing muli ni Mauro sa kaniyang kalaguyo.

Hatinggabi na nang makauwi si Mauro sa kanilang bahay.

“Bakit gising ka pa?” tila naiinis pang bati ni Mauro habang tinatangka siyang halikan ni Sandra. “Hinintay kasi talaga kita,” tugon ng asawa.

“Pinagtira kita ng afritada. Gusto mo initin ko? Tara sabayan kitang kumain. Hindi pa rin kasi ako kumakain,” wika ni Sandra sa asawa habang papunta siya sa kusina.

“Ikaw na lang ang kumain. Busog ako. Hindi ba sinabi ko sa’yo na sa opisina na ako kakain. Magpapahinga na ako at ang dami kong ginawa sa trabaho. Hindi mo pa ako tinantanan sa kakatawag mo,” inis na sambit ni Mauro sa asawa.

“Pasensya ka na. Kinukulit kasi ako ng mga anak mo. Nag-aalala lang din naman ako kasi gabi na at wala ka pa,” malungkot na tugon ni Sandra.

“Ang tanda ko na, Sandra. Kalalaki ko pang tao. Akala mo ba hindi ko kaya ang sarili ko? Bahala ka na nga diyan! Makapagpahinga na nga!” nanggagalaiting sambit ni Mauro sa asawa.

Tuluyan na ngang nagtungo sa kwarto si Mauro at natulog. Naiwan naman si Sandra sa kusina na nanggigilid ang luha dahil sa hinanakit na natatanggap mula sa asawa. Alam niya kasi na hindi sa opisina nanggaling ang asawa sapagkat iba ang amoy nito.

Sa sama ng loob ay napatawag si Sandra sa kaniyang kaibigan.

“Alam mo, Perla, naiinis na rin ako sa sarili ko kasi kahit na anong gawin niya ay mahal ko pa rin siya at umaasa pa rin ako na maibabalik ‘yung dating kami. Minsan gusto ko na lang manalangin na sana matapos na ang pagmamahal ko sa kaniya at kayanin ko naman na iwanan siya,” umiiyak na kuwento ni Sandra sa kaibigan.

“Sana nga matauhan ka na, Sandra. Masakit din sa akin ang makita kang nagkakagayan,” tugon naman ni Perla.

Saglit na nagkaroon ng katahimikan.

“Hello, Sandra, nandiyan ka pa ba?” nagtatakang tanong ni Perla.

“Oo, Perla, nandito pa ako. Pasensya na, ha. Napatitig kasi ako sa bintana kanina. Namalikmata ata ako. Akala ko kasi may taong nagmamasid dito sa bahay,” paliwanag ni Sandra.

“Tignan mo. Kung anu-ano na tuloy ang nangyayari sa’yo. Malamang dahil sa stress ‘yan. Magpahinga ka na muna. Bukas ng hapon ay pupuntahan kita diyan,” wika ni Perla.

Kinabukasan ay madaling-araw pa lamang ay nagmamadali nang umalis si Mauro sa kanilang tahanan.

“Marami akong kailangan ituloy na gawain sa opisina. Malapit na ang deadline kaya aalis na ako,” sambit ng lalaki kay Sandra at tuluyan na itong umalis.

Napabuntong-hininga na lamang si Sandra sapagkat alam naman niyang sa kerida ang tuloy nito.

“Babe, ang tagal mo namang dumating! Kanina pa ako naghihintay sa’yo. Nagluto ako ng agahan nating dalawa. Tara sabay na tayong kumain,” bati ni Jane kay Mauro.

‘Puwede bang ikaw na lang ang gawin kong almusal,” sambit ni Mauro sa kaniyang kalaguyo habang yakap-yakap niya ito.

Habang abala na naman ang dalawa sa kanilang ginagawa ay muling tumunog ang selpon ni Mauro. Sa pagkakataong ito ay tuluyan nang pinat*y ng lalaki ang kaniyang selpon.

Hapon na nung muling buksan ni Mauro ang kaniyang selpon. Agad namang pumasok ang tawag ni Perla kay Mauro.

“Pati ba naman ang matalik na kaibigan niya ay tumatawag na rin sa akin ngayon!” naiiritang sambit ng lalaki. Bagama’t naiinis man ay sinagot na rin niya ang tawag ni Perla.

“Bakit ba? Inutusan ka ba ni Sandra na tawagan ako? Sinabi nang abala ako dito sa opisina!” sigaw ng lalaki sa kaibigan ng asawa. “Umuwi ka na! May nangyari kay Sandra!” mabilis na sagot ni Perla bago nito pinutol ang tawag.

Nang makauwi si Mauro ay tumambad sa kaniya ang kaguluhan sa tapat ng kanilang bahay. Agad niyang natanaw ang kaniyang mga anak na kasama si Perla. Walang tigil ang kanilang pag-iyak. Nung lalapitan na niya ang kaniyang mga anak ay agad naman siyang nilapitan ng mga pulis.

“Nahuli na namin ang pum*tay sa asawa mo,” wika ng isang pulis na nag-iimbestiga sa kaso. “Iniimbestigahan na namin siya,” dagdag pa nito.

“Ano ho ba ang nangyari dito, officer?” sambit ng nagugulumihanang si Mauro.

“Wala pa bang nakapagsabi sa’yo?” sambit ng pulis.

“Tinawagan kami ng asawa mo upang puntahan siya dito sa bahay dahil kanina pa raw tila may sumusunod sa kaniyang kahinahinalang lalaki. Nagpupumilit daw itong pumasok. Mayamaya ay nagsisisigawan na sila at nakarinig na lamang kami ng putok ng baril,” saad pa ng pulis.

Nanginginig sa panlulumo si Mauro. “Wala siyang awa! Nasaan ang dem*nyong ‘yan?” sigaw ng lalaki.

Agad nagtungo si Mauro sa himpilan ng pulisya kung nasaan ang sinasabing supek. Gigil na gigil siya nang makita niya ang lalaki.

“Sino ka? Bakit mo ginawa sa asawa ko ‘to? Dem*nyo ka!” Halos mapatid ang kaniyang litid sa pagsigaw niya sa lalaki.

“Sino ang mas dem*nyo sa atin, Mauro?” tugon naman ng lalaki.

“Walangh*ya ka! Sino ka ba talaga? Anong kailangan mo sa amin?” muling sigaw ni Mauro sa lalaki. “Hindi mo ba ako nakikilala, Mauro? Ako lang naman ang lalaking pinindeho ninyo ng kerida mo! Dati akong asawa ni Jane! Iniwan niya ako para lang maging kabit mo!” pag-amin ng lalaki.

“Hindi naman talaga dapat madadamay ang asawa mo kung sinabi lang niya agad sa akin kung nasaan ka! Ikaw lang naman talaga ang pakay ko, hay*p ka! Alam kong alam niya kung nasaan kayo ng kerida mo! Napipikon ako sa asawa mo kasi hanggang sa huli ay nagtat*nga-tang*han siya sa ginagawa mo! Pero hindi ninyo mabibilog ang ulo ko! Wala akong pakialam kahit mabulok ako sa bilangguan! Gusto kong dalhin ng konsensya mo ang lahat ng nangyaring ito. Ang pagkasawi ng asawa mo ay dahil din sa kagagawan mo!” nanggagalaiting tugon ng lalaki.

“Tignan ko kung magiging maligaya pa kayo ni Jane!” dagdag pa ng lalaki.

Gulat na gulat si Mauro sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain na may dati palang kinakasama ang kaniyang keridang si Jane at ngayon ay naghihiganti ito dahil sa mga pasakit na tinamo mula sa relasyon nilang dalawa.

Mayamaya ay pumasok na ang mga mensahe sa kaniyang telepono. Lahat ng ito ay galing kay Sandra. Isa-isa niya itong binasa.

“Mahal, hindi kita makontak. Kagagaling ko lang ng eskwelahan ng mga bata. Hindi ko sigurado pero may isang lalaking parang sumusunod sa akin,” Ito ang unang mensahe ni Sandra.

“Wala na ‘yung lalaki. Nakauwi na ako ng bahay,” muling text ni Sandra.

“Mahal, sagutin mo naman ‘yung tawag ko. Tawagan mo ako kapag nabasa mo itong mensahe ko. Natatakot ako kasi ‘yung lalaking sinasabi ko sa’yo kanina nasa labas siya ng bahay.”

“Mahal, kahit anong mangyari ay tandaan mo na ikaw lamang ang minahal ko,” huling text ni Sandra kay Mauro.

Napaluhod sa pag-iyak si Mauro sa kaniyang mga nabasa. Habang siya pala ay nagpapakasasa sa piling ng kaniyang kerida ay pinasok na pala ng lalaki ang kanilang bahay at walang habas niyang kin*til ang buhay ng kawawa niyang asawa. Hindi alam ngayon ni Mauro kung paano madadala ng konsensiya niya ang lahat ng nangyari.

Hindi niya lubusang maisip na ang kaniyang pangangaliwa lang pala ang maghahatid kay Sandra sa huli nitong hantungan. Hanggang sa huli ay pilit pa rin siyang pinagtatakpan ng asawa. Nawalan ng ina ang kaniyang mga anak ng dahil sa kaniyang kagagawan. Walang magawa si Mauro kung hindi humingi ng kapatawaran sa lahat ng kaniyang mga kamalian.

“Patawarin mo ako, Sandra! Patawad sa lahat!” sigaw ni Mauro

Kahit gaano pa kalakas ang kaniyang sigaw ay hindi na nito maibabalik ang buhay ng kaniyang asawa. Hindi na niya muling maririnig ang pangungulit na tawag sa kaniya ni Sandra na walang ginawa kung ‘di ang umasa na muli siyang mamahalin ng kaniyang asawa.

Advertisement