
Ma, Paborito Mo Kasi Sila
Mula sa SM Fairview ay umiiyak na si Aling Nita, paano’y tumawag ang kaniyang anak at sinabi na nito ang balitang kinatatakutan niya bilang isang ina.
“Anong balak niyo? Saan kayo titira?” tanong ni Nita sa kaniyang anak.
“Kapag po nakahanap na ako ng trabaho ay lilipat kami ng maliit na apartment, pero ngayong wala pa ay dito na po muna kami,” sagot ni Jason.
“Bakit hindi sa inyo? Ikaw ang lalaki di ba,” baling ng ale.
“Ang dami na kasi nila doon sa bahay nila, wala kaming privacy doon,” singit ni Vanessa, ang paboritong anak ni Nita.
Hindi na sumagot pa si Nita at tumalikod na lamang ito sa dalawa. Saglit siyang lumabas at doon lihim na umiyak.
Kakatapos lamang ng kaniyang anak na si Vanessa ng hayskul at kakasimula lang rin sa trabaho. Tatlo ang kaniyang anak at bunso ang babae, ang unang dalawa niyang anak ay parehas na hindi nakapagtapos at nagkaroon ng maagang pamilya.
Pilit niyang iginapang na makapagtapos si Vanessa sa pamamasukan bilang kasambahay at pagtitinda ng mga pampaganda. Araw-araw niyang pinapanalangin na maiba ang tadhana ng kaniyang bunsong anak, dahil malaki ang paniniwala niyang mataas ang pangrap nito. Kaya nga nag-iipon siya ng pangkolehiyo dahil handa siyang makipag banatan ng buto matupad lamang ang pangarap ng anak.
“Ano bang nagawa ko at pinahihirapan mo ako ng ganito? Bakit kailangan lahat ng anak ko ganito ang tandahan? Sobrang sama ko bang magulang?” umiiyak na tanong niya sa Diyos.
Maagang pumanaw ang asawa ni Aling Nita, napasama noon ang kaniyang mister sa rayot sa kanilang lugar. Nasaksak na siyang kinasawi ng buhay. Simula noon ay siya na ang kumayod para maitaguyod ang tatlong anak, ngunit sadyang mahirap ang buhay dahil hindi niya matanggal ang pamilya sa isang kahig, isang tuka.
Walang nagawa ang ale kung ‘di alagaan ang anak niyang si Vanessa hanggang sa ito ay makapanganak. Hanggang sa nauwi na siya sa pag-aalaga sa kaniyang apo, dahil parehas na naghahanap buhay ang kaniyang anak at ang kinakasama nitong si Jason.
“Vanessa, hindi mo ba napapansin? Bakit parang galit lagi si mama sa anak natin? Lagi na lang sumisigaw, dapat hindi ganun ang kinalalakihan ng bata,” pahayag ni Jason sa babae.
“Oo nga e, dati naman nung ganyan ang edad ng mga pamangkin ko ay hindi mainisin si mama. Pero ngayon, kunting kalat ay umiinit ang ulo niya, malapit pa naman na mag-aral si Jamil,” sagot naman ni Vanessa rito.
“Baka kasi tumatanda na si mama kaya lagi siyang ganun,” saad muli ni Jason.
“Hindi, mas favorite niya kasi ‘yung mga pamangkin ko kaya siya ganyan. Ayaw niya sa anak natin,” nakasimangot na wika ni Vanessa sa lalaki.
Kinabukasan ay maaga siyang nagising para maglaba, sakto kasing wala siyang pasok sa trabaho.
“Putrag*s kang bata ka! Nilabas mo na naman ang mga lego na ‘yan, magkakalat ka na naman! Ibalik mo ‘yan,” sigaw ni Aling Nita sa kaniyang apo.
Mabilis na tumayo si Vanessa at pinunthan ang kaniyang anak, “Hayaan niyo maglaro ‘yung bata, bata ‘yan, e. Lagi na lang kayong nagagalit sa anak ko, kung ayaw niyo sa anak ko ‘wag niyo naman sanang sigiwan,” baling ng babae sa kaniyang ina.
“Alam kong mas gusto niyo ‘yung mga pamangkin ko, ‘yung mga anak nila kuya. Palibhasa’y binibigyan kayo ng pera, hayaan niyo ho, kapag ako nakaluwag ay babayaran ko kayo!” dagdag pa nito.
Mabilis na nasampal ni Aling Nita ang kaniyang anak, mabuti na lang at hindi nakatingin ang kaniyang apo dahil abala ito sa paglalaro.
“Ang kapal ng mukha mong pagsalitaan ako ng ganyan! Wala kang utang na loob!” baling ni Aling Nita rito.
“Bakit? Totoo naman di ba? Kaya mainit ang dugo niyo sa anak ko kasi wala kaming inaabot sa inyo? Sino ba gumagastos dito sa bahay, hindi ba’t ako? Bakit hindi niyo man lang mapakitunguhan ng maayos ang anak ko?” galit na sagot ng babae.
“Hindi ko alam kung saan napunta ang utak mo o ang puso mo para isipin mo ‘yan. Napakamakasarili mo para sabihin sa’king paborito ko ang iba kong apo. Hindi mo alam kung bakit mainit ang ulo ko? Mainit ang dugo ko dahil kinalimutan mo na ako!”
“Ni hindi ka nga man lang nagtanong kung ayos lang ba sa aking ako ang mag-alaga sa anak niyo, kahit ba na apo ko ‘yan. Hindi ako naging nanay mo lang para maging katulong mo. Isusumbat mo sa akin ang gastos niyo rito? Bakit, sino ba may sabing tumira kayo sa bahay ko? Hindi ba’t lalaki ‘yang asawa mo, dapat ikaw ang bitbitin niya sa bahay niya o kung saan man kayo bubukod. Pero wala, basta lang kayong nagdesisyon na hindi ako kasali,”
“Pinatigil niyo ako sa trabaho, inalisan niyo ako ng sarili kong kita tapos ipapamukha niyo pa sa akin na ako ang pabigat? Anong ginawa ko sa’yo, Vanessa, para tratuhin mo ako ng ganito? Ano?!” baling ni Aling Nita at namumula ang buo niyang mukha sa galit.
“Hindi ako galit sa anak mo, hinihingi ko lang ang atensyon mo. Nanay mo ako, Vanessa, hindi katulong,” saka bumagsak ang kaniyang luha.
Mabilis na lumabas si Aling Nita. Samantalang naiwan namang umiiyak si Vanessa habang inaalala ang mga sakripisyo ng kaniyang nanay para sa kaniya at para sa kaniyang anak.
Ngayon lamang siya nagising sa katotohanan na tama ang lahat ng sinabi ng kaniyang nanay. Pinabayaan niya ito at hindi na inintindi pa, ginawa niyang katulong at tagabantay ng bata. Kapag nasa bahay siya ay mas inuuna niya ang kaniyang asawa at kaniyang anak.
Nang makauwi si Aling Nita ay agad na lumuhod si Vanessa sa harapan ng kaniyang ina.
“Hindi mo ‘ko kailangan luhuran. Tumayo ka riyan at mag-usap tayo ng maayos,” pahayag ng ale.
“Ma, sorry. Patawarin mo ako, tama ka po sa lahat ng mga sinabi mo kanina,” saad niya sa kaniyang nanay.
“Hindi naman ako galit, hindi ko rin inapi ang anak mo kahit na minsan at higit sa lahat ay Nalulungkot lang ako kapag naiisip ko na ganito ang buhay na dinadanas mo, kinalimutan mo na ang pag-aaral mo at ang pangarap mo dahil may pamilya ka na. Nakalimutan mo na rin ako, minsan naiisip ko pa, wala ba akong kwentang nanay?” sagot ng ale.
“Mama, sorry kung hindi natin natapos ang pag-aaral ko. Hindi man siguro ko matagumpay sa bagay na ‘yun ay masaya pa rin ako. Kasi ginagawa ko ang lahat para maging kagaya mo, sinakripisyo mo ang lahat para sa amin. Lalo na para sa akin dati, kaya ‘yun ang ginagawa ko ngayon bilang isang ina. Nabulag lang din siguro ako sa pera at mga bayarin kaya nakalimutan ko kayo,” saad ni Vanessa sabay yakap sa kaniyang ina.
“Naging napakabuti mong, mama, at maraming salamat dahil ikaw ang nanay ko,” dagdag pa nito at nagyakap ang dalawa.
Nagkaiyakan ng kaunti saka nagtawanan, ngayon ay mas naiintindihan na nila ang isa’t-isa. Mas binigyan niya ng pansin ang kaniyang mama at tinatanong na rin niya ito sa mga desisyon lalo na kung patungkol sa bahay o sa buhay nila.