
Syento-Singkwenta, Kapalit Ang Side Car
Matanda na si Manuel, sisenta’y otso na siya. May kahinaan na ang kaniyang katawan, ngunit pinipilit niya pa ring magpadiyak dahil pakiramdam niya’y mas lalo siyang nanghihina kapag wala siyang ginagawa.
“Manong, diyan lang ako sa Recto sa may sakayan ng papuntang Taft. Magkano ba ang singil mo?” tanong ng babaeng mukhang sa opisina nagtatrabaho base sa pananamit nito.
“Bente ang singil ko neng,” sabi ng pedikab drayber. Nakita niyang ngumiti ang babae at agad na nagpahatid sa kaniya. Isang pasahero na lang ang kaya niyang isakay at hindi din siya naghahatid sa malayo. Para kay Manuel ay excercise kasama hanap-buhay ang kaniyang ginagawa.
Dalawa na lang silang magkasama ng misis niya sa buhay dahil ang lima nilang mga anak ay may mga kaniya-kaniya nang pamilya. Masaya na siya kung may kitain siya ng dalawang daan sa isang araw, ang isang daan ay pangkain niya at ang isang daan ay tinatabi niya para sa kaniyang misis na si Cynthia. Sa kaniyang side car na siya natutulog kapag hindi niya umuuwi sa bahay nila sa Laguna. Kaya para sa kaniya, parang bahay na niya ang kaniyang side car.
“Manong, pwede ba kitang kontratahin?” tanong ng lalaki.
“Ano ba iyon hijo?” wika niya rito.
“May kukunin kasi akong mga gamit doon sa Binondo. Isasakay ko lang sa’yo tapos ihahatid lang natin dito sa may Oroqueta,” wika ng lalaking pasahero.
“Magkano ba?” tanong ni Manuel.
“Syento-singkwenta po,” sagot naman nito.
“Sige,” payag niya. Ibinigay na ng lalaki sa kaniya ang perang sinabi nito. Pinuntahan na nga nila ang sinasabi nito. Nang pagdating sa Binondo ay pinababa siya ng lalaki upang tulungan ito.
“Malayo pa ba iyon hijo? Nasa may daan pa naman ang side car ko. Sana ipinarada natin iyon sa kung saan malapit na lang para hindi na tayo mahirapan,” wika niya habang nakatingin sa dinaraanan. Ngunit pag-angat niya ng paningin ay wala na ang lalaking kaniyang kakontrata.
Maraming tao sa binondo kaya baka naligaw na siya. Nahihirapan na kasi siyang maglakad kaya kapag naglalakad siya ay sa inaapakan niya na siya nakatingin. Hindi niya na makita ang lalaki kaya nagpasya na lamang siyang bumalik sa dinadaanan at doon na lang niya hihintayin ang lalaki. Ngunit pagbalik niya sa kung saan niya iniwan ang kaniyang side car ay wala na ito roon. Parang gusto niyang maiyak sa sobrang panibugho. Sino ang kumuha ng side car niya? Paano na ang kaniyang inaasahang hanap-buhay ngayon?
“Nakita niyo ba ang side car ko dito?” tanong niya sa mga saleslady na nakatambay sa binabantayang tindahan.
“Iyong lalaki po na kasama niyo kanina tay, siya na po ang nakita namin kaninang nag-drive sa padyak niyo. Akala nga namin anak niyo siya,” wika ng isang saleslady.
“Pasahero ko lang iyon e,” mangiyak-iyak na wika ni Manuel.
Mahirap lang siya at matanda na bakit siya pa ang napagdiskitahan ng taong iyon. Kapalit ng syento-singkwenta nito ang kaniyang side car na halos sampung taon na niyang kasama, umulan man o umaraw. Pumunta siya sa malapit na baranggay upang ipa-blotter ang nangyari ngunit isang linggo na ang nakakalipas ay hindi pa rin matukoy ng mga ito kung sino ang lalaking kumuha ng side car niya.
Para sa mga ito ay walang kwenta lamang ang kaniyang inerereklamo dahil parang balewala lamang sa ito ang kaniyang pinapahanap. Pero para sa kaniya ay isa iyong napakahalagang bagay. Daig pa niya ang nawalan ng bahay at yaman!
Lumipas ang halos isang buwan may tumawag sa kaniyang selpon. Mula ng mawala ang kaniyang side car ay pinili na lamang niyang manatili sa laguna at tulungan ang kaniyang asawa sa pagtitinda nito ng tinapay. May makain lang sila sa araw-araw.
“Manong Manuel, maari po ba namin kayong maimbitahan sa baranggay? May nagsauli po kasi ng side car ninyo,” wika ng isang babae sa kabilang linya.
Pakiramdam ni Manuel ay bigla siyang nabuhayan ng loob dahil sa magandang ibinalita nito. Agad siyang lumuwas ng Maynila upang tukuyin kung totoo ba ang sinabing nakita na ang kaniyang side car. Pagkarating niya sa baranggay ay nakita niya agad ang kaniyang side car na nakaparada sa gilid ng barangay.
“Salamat po, sobrang laki po talaga ng pasasalamat ko sa inyo. Matanda na ako at wala ng ibang alam na trabaho kung ‘di ang magpadyak kaya noong nawala ang aking side car ay para din akong nalumpo. Sobrang laki po ng pasasalamat ko dahil naibalik siya sa’kin,” mangiyak-iyak na wika ni Manuel.
“Nahuli na po namin ang lalaking kumuha ng padyak niyo lolo kaya huwag na po kayong mag-aalala. Ang pulisya na po ang bahala na kaniya. Tsaka po lolo, iwanan niyo muna ng kahit tatlong araw lang ang padiyak niyo rito sa barangay upang ayusin namin. Medyo luma na kasi at wala ng pintura kaya pagagandahin po namin ang side car ninyo bago namin siya ibabalik sa inyo. Okay po ba iyon?” kausap sa kaniya ng kapitan.
“Naku po! Sobrang salamat po talaga kapitan walang paglagyan ang saya ko ngayon,” wika ni Manuel habang mahigpit na hawak ang kamay ng kapitan.
Tulad ng ipinangako ng kapaitan sa kaniya ay pinaganda ng mga ito ang kaniyang padiyak at ngayon nga ay balik sa dati si Manuel. Nakakapamasada na ulit siya.
Mahirap lang ang buhay ni Manuel pero kahit ganoon ay kuntento siya. Hindi na niya pinuntahan pa kung sino man ang nagnakaw noon sa kaniyang padiyak. Ang mahalaga sa kaniya ay naibalik ito at muli may hanap buhay na siya. Diyos na ang bahala rito, masyado nang maiksi ang buhay niya upang magalit pa sa kapwa. Ilang araw na lang ang ilalagi niya sa mundo kaya gagawin niya kung ano ang sa palagay niya ay makakapagpasaya sa puso niya.