Inday TrendingInday Trending
Babaerong Mister, Sinampolan ni Misis

Babaerong Mister, Sinampolan ni Misis

Masaya si Princess sa piling ni Jayvee kaya nung dumating ang araw na niyaya siya nitong magpakasal ay agad siyang pumayag. Handa na siyang makasama ang lalaki sa hirap at ginhawa. Handa na siyang ibigay ang buong pagkatao sa lalaki.

Naging masaya naman ang pagsasama nila hanggang sa nabuntis siya at nanganak. Maalaga ito at responsable sa kanila. Mabilis lumipas ang panahon at muli na naman siyang nagdalangtao. Doon niya napansin ang dahan-dahang pagbabago ni Jayvee. Naging malamig ito at laging late na kung umuwi. Minsan nakikitaan niya pa ng bakas ng lipstick ang polo nito. Nakakaramdam na siya ng pagdududa pero wala siyang lakas para tanungin ang asawa.

“Mahal, seven months na ang tiyan ko at medyo nahihirapan na akong maglakad. Baka pwedeng samahan mo akong magpa-check up bukas,” lambing niya sa asawa.

“Mahal, hindi ako pwedeng lumiban sa trabaho bukas e. May importante kasi kaming gagawin,” pagtanggi ng lalaki sa asawa na labis na ikinadismaya ng babae.

Mula noong nabuntis siya ulit ay hindi na siya nito sinasamahan sa tuwing may check-up siya. Nagbago na ang asawa niya at para bang hindi na niya ito kilala.

Dumating ang araw ng kaniyang kapanganakan. Wala ang kaniyang asawa dahil ang sabi nito ay may team building ang kumpanyang pinagtatrabahuhan nito. Kaya ang pamilya niya ang nag-asikaso sa kaniya. Ngunit iba pa rin kapag kasama niya ang kanyang asawa. Siya ang huhugutan niya ng lakas at siya ang magiging pag-asa para labanan ang di maiwasang hirap at sakit ng pagluluwal.

Maayos naman niyang nailabas ang bata at ngayon nga ay karga-karga niya ito habang hawak-hawak ang kaniyang cellphone. Nang biglang may mahagip na litrato ang kaniyang paningin. Ang asawa niya, may kaakbay na babae may ibang anggulo pa na ang sweet tignan.

Matagal na niyang ramdam na niloloko siya ng asawa ngunit wala siyang lakas ng loob para komprontahin ito. Hangga’t kaya niyang magbulag-bulagan ay gagawin niya, huwag lang mawasak ang pamilya niya. Pagdating ni Jayvee ay agad niya itong kinumpronta.

“Akala ko ba may team building kayo? Ano ‘to?!” agad niyang binato sa mukha ni Jayvee ang mga litratong kaniyang pinaimprenta. “Iyan ba ang team building na pinuntahan niyo? Sino ‘yan?!” galit niyang wika.

“Wala naman kasi ‘to, mahal. Panay lapit kasi siya sa’kin kaya pinatulan ko na. Pero balak ko na din siyang iwanan. Ikaw ang mahal ko, ikaw lang ang uuwian ko dahil ikaw ang asawa ko,” wika nito.

Muli ay pinatawad niya ang lalaki. Mahal niya ang asawa at hindi niya gustong maging katulad niya ang mga anak na lumaking wasak ang pamilya. Hangga’t kakayanin niya ay nais niyang ibigay sa mga ito ang buo at masayang pamilya. Naging masaya ulit sila at naramdaman niyang bumalik ang ugali ng kaniyang asawa.

Muli na naman siyang nagbuntis at naramdaman na naman niyang nagbago ulit ito. Naging malamig at laging late umuwi, walang pinagkaiba noong nagbuntis siya sa pangalawa. Tuwing nabubuntis siya ay nagloloko ito. Naka-limang anak na sila at ito na ang malalang ginawa ng asawa niya.

“Saan ka pupunta?” natataranta niyang tanong nang makitang bitbit ni Jayvee ang maleta.

“Pabayaan mo na lang ako, Princess,” wika nito.

“Pero paano kami ng mga anak mo Jayvee? Mahihirapan ako alam mong lima ang mga anak natin. Isipin mo naman kami! Hinahayaan na nga kitang saktan ako ng saktan. Pinapatawad kita ng paulit-ulit, nagpapaka-martir ako dahil mahal kita at ayokong magkaroon ng wasak na pamilya ang mga anak ko. Huwag mo namang gawin sa’min ito,” nagmamakaawa niyang sambit.

“Ayoko na, Princess, hindi na kita mahal. Mas mahal ko si Michelle at hindi ko kayang mawala siya,” sambit nito na nagpadurog sa puso niya.

Walang nagawa si Princess kung ‘di ang palayain si Jayvee. Pero isinusumpa niyang hindi magiging maligaya ang dalawa habang sila ng mga anak niya ay nagdurusa! Ibibigay niya ang tamang kaparusahan sa dalawang taong taksil.

Sinampahan niya ng kaso ang dating asawa at ang bagong ka live-in nitong si Michelle. Ibinigay ang lahat ng ebidensiyang hawak. Sa paglilitis ay sinabi ang lahat ng hinanakit.

“Tiniis ko lahat ng pananakit mo sa’kin, Jayvee. Hindi man sa pisikal na paraan pero dinurog mo ang buong pagkatao ko. Nagtiis ako, dahil asawa kita at ama ka ng mga anak ko. Tuwing nabubuntis ako ay nambababae ka, pero paulit-ulit kitang inunawa at inintindi. Tapos ngayon nakahanap ka ulit ng panibagong babae, iniwan mo kami at pinabayaan?

Tutal hindi ka naman nagbibigay ng suporta sa mga anak mo. Ipapakulong ko na lang kayong dalawa, laban sa panloloko sa’kin. Hindi ko kayo hahayaang maging masaya habang nagdurusa ako kasama ang mga anak natin. Magdudusa man ako, sisiguraduhin ko din na magdudusa kayong dalawa sa bilangguan,” nagtutunugan ang kaniyang panga sa galit na nararamdaman.

Dumaan ang maraming paglilitis, panay ang hingi ni Jayvee ng tawad ngunit puno na siya. Paulit-ulit na lang itong hihingi ng tawad at lolokohin siya. Hanggang nahatulan na nga ang dalawang guilty at pagkabilanggo. Nasasaktan pa rin siya sa nangyari, pero para sa kaniya ay tama lang iyon upang mabigyan ng leksyon ang kaniyang asawa. Maraming beses niyang pinalampas ang lahat ng panloloko nito. Kung saktan siya nito ay balewala lang rito.

Hindi lang iyon leksyon para sa kaniyang asawa. Leksyon na rin iyon sa iba pang may asawa na niloloko ang asawa nila. May tamang batas para sa mga manloloko at may paglalagyan ang mga asawang wala ng ginawa kung ‘di saktan ang damdamin ng asawa nila.

Advertisement