May kaniya-kaniyang ugali ang isang tao. May mabuti, masama, mapagkumbaba, mapanghusga at kung ano-ano pa. Si Wenna ay may matalik na kaibigang si Kianna, masaya itong kasama ngunit minsan ay nakakailang na ang pagiging prangka na wala sa lugar. Kung makasita at makapaghusga kasi ito’y parang wala na itong kapintasang taglay sa sarili.
“Alam mo Wenna, hindi ko talaga maintindihan kung bakit kailangang pumatol ni Ara kay Sir Dionn, malamang dahil iyon sa pera. Tsaka sa dami ng lalaki sa boss pa talaga natin, ayos lang sana kung gwapo si sir maiintindihan ko pa kaso mukha siyang talangka,” wika ni Kianna.
Isa ito dahilan kung bakit walang may nais maging kaibigan ang babae. Below the belt na kasi ito minsan kung makapanita at makapintas sa ibang tao.
“Malay mo naman, Kianna, may malalim na dahilan si Ara. Alam mo kasi love is blind,” paliwanag niya.
“Sabagay. Nakaka-blind talaga ang pag-ibig lalo na kung pera na ang usapan,” hirit pa pa ni Kianna.
“Hayaan na nga natin sila. Wala naman tayong mapapala sa kakabantay sa kanila,” iwas ni Wenna sa usapan.
“Tsaka alam mo, Wenna. Si Cynthia, kabit din pala ano? Grabi ayoko na sa earth ang daming nakakalokang tagpo. Sinong ama ng pinagbubuntis ni Cynthia? Kasi may pagkamalandi din kasi siya at balita ko lasinggera pa ayan tuloy,” dagdag pa ni Kianna.
Hindi nauubusan ng chismis ang kaibigan at lahat ng chinichismis nito ay mga kasama lang nila sa trabaho. Iniisip na lang niya siguro’y wala na itong ibang maisip na pag-usapan kaya ganun si Kianna, pinili na lamang niya ang manahimik upang hindi na ito magsalita pa.
“Wenna, buti nasasakyan mo ang ugali niyang kaibigan mong si Kianna. Alam mo ang dami niyang nakikita sa iba, pero sa sarili niya hindi niya nakikita ang mali ng pagkatao niya.
Okay naman ‘yong prangka kang tao pero iyong sa kaniya sobra na at wala na sa lugar. Minsan sobra-sobra pa kung manita, hindi na lang talaga siya pinapatulan ng iba. Pero sana makahanap siya ng katapat,” wika ni Gabriella.
“Oo nga. Kaya nga walang ibang kaibigan iyon dito, dahil sa taglay niyang ugali. Kapag sinisita siya ng iba ay sinasabi lang niyang prangka lang daw siya. Pero pangit naman ng pagka-prangka niya minsan kasi mas lumalabas na pintasera siya. Akala mo perpekto,” dugtong pa ng isa nilang ka-opisina..
“Mabait naman si Kianna kaya nagkakasundo kaming dalawa. Hayaan niyo na lang siya. Ugali na talaga niya iyon,” tugon niya sa dalawa.
Tama naman ang sinabi ng dalawa, pero para sa kaniya ay okay naman kasama si Kianna. Kung ano man ang ugaling taglay nito ay wala naman siyang nakikita masama kung pinili niyang maging kaibigan ang babae.
Isang araw ay biglang pumutok sa opisina nila ang tsismis na nagdi-date si Norman at Kianna. Na hindi pinaniwalaan ni Wenna, dahil may asawa’t mga anak na ang lalaki. Kaya agad niyang hinanap ang kaibigan at kinausap.
“Totoo ba ang kumakalat na balita, Kianna, kabit ka daw ni Norman? Sabihin mong hindi iyon totoo ‘di ba? Sabi mo sa’kin noon ayaw mo sa mga kabit kaya imposible ‘to,” tanong niya sa kaibigan. Ngunit imbes na sagutin siya nito ay bigla na lang itong humagulhol ng iyak.
“Totoo ang lahat ng iyon, Wenna. Pinatulan ko si Norman kahit alam kong may asawa at anak na siya. Kaya ako galit sa mga kabit at t*nga sa pag-ibig dahil nakikita ko ang sarili ko sa kanila,” pag-amin ng kaibigan.
Pakiramdam tuloy ni Wenna ay biglang lumobo ang kaniyang ulo at nabingi ang kaniyang tainga habang namamanhid ang kaniyang buong katawan. Hindi pala ibig sabihin na mahilig manita at mamintas si Kianna ay dahil pakiramdam niya’y perpekto siya at hindi nagkakamali. Nanghuhusga siya ng ibang gawain dahil ganun rin siya. Napuno ng chismis ang bawat sulok ng opisina nila, dahil sa kumakalat na balitang nakita ng mga kasamahan nila si Kianna at Norman na naghahalikan sa C.R. ng opisina at nabuking na daw ng misis ni Norman kung sino ang kabit ng asawa.
“Huwag na huwag kang aamin sa lahat na ganun ka. Hayaan mo silang kumalat ang chismis. Hayaan mong lumaki ang chismis na sinasabi nila sa’yo. Basta ang mahalaga wala kang aaminin. Magiging kabit ka lang kapag inamin mong isa kang kabit.
Magp*tay malisya ka sa nangyari, at ipakita sa kanilang hindi ka apektado. Pero Kianna, alam mong masama ang ginawa mo. Itigil mo na ang kahibangan kay Norman, paano kung sugurin ka ng asawa rito at baka gawan ka ng masama, ipahiya ka at kung ano-ano pa? Hindi ka aamin sa kasalanan mo pero ititigil mo na ito,” wika ni Wenna sa Kaibigan.
Agad naman na sumang-ayon si Kianna sa sinabi niya. “Matagal ko nang gustong makipaghiwalay sa kaniya, Wenna. Kaso ayaw niya e, kaya umabot kami sa ganito. Pero ayoko na. Ang hirap maging kabit, ang bigat sa dibdib.
Kaya nga kapag may mga kabit dito sa’tin naiinis ako kasi alam ko iyong hirap na hindi kayo pwedeng makita ng iba dahil may tinatago kayo. Iyong limitado lang ang oras niyo dahil may pamilya siya. Naaawa ako sa kanila kaya ko sila sinisita,” muli itong himagulhol ng iyak.
“Tahan na, Kianna. Naiintindihan ko na ngayon,” aniya sabay yakap sa kaibigan.
Gaya nga nang sinabi niya rito ay hindi umamin si Kianna sa naging isyu nila ni Norman. Todo deny at hindi nagpaapekto. Hindi naman tumagal ang chismis at agad iyong nawala, dahil wala silang nakuhang reaksyon galing kay Kianna. At gaya ng ipinangako, tinigilan na niya si Norman. Sinamahan niya ito ng pagsisimba at pangungumpisal sa nagawang pang-aapak ng kapwa.
Mula noon ay dahan-dahang nagbago ang ugali ni Kianna, hindi na ito perfectionist at hindi na ito mahilig manghusga at manita ng kapwa. Kapag nalulungkot naman si Kianna ay sinasamahan ni Wenna ang bawat trip ng kaibigan hanggang sa naghilom ang lahat ng sugat na dulot ng kahapon. Nakatagpo naman si Kianna ng maayos na lalaking seseryoso at magmamahal sa kanya.
Masaya si Wenna sa nakikitang pagbabago ng kaibigan, mula sa hitsura at sa ugali. Nakikita niyang masayang-masaya ang kaibigan, kasiyahang pati sa mata nito ay nakikita na, hindi katulad noong may tinatago pa ito sa lahat.
Ngayon ay totoo na ang sayang nakikita niya sa kaibigan. Sabi nga nila kung ano ang nakikita mo sa iba, nagkakahulugan lang nun na ganun kang klaseng tao. Ganun nga ang nangyari kay Kianna, nagagalit siya sa ibang babae na kumakabit o nangangabit dahil ganoon din pala siya. Walang perpekto sa mundo, magpakatotoo lamang tayo sa ating sarili at piliing mabuhay ng masaya.