Hiniwalay Niya ang Anak sa Nobyo Nito at Ipinakasal sa Mayamang Anak ng Kaibigan; Hindi Niya pala Kayang Baliin ang Pag-iibigan ng Dalawa
Nang magdalaga ang anak ni Pani, siya’y agad na naalarma nang malamang mayroon na agad itong nobyo sa edad na labing pitong taong gulang. Natatakot siyang baka sa murang edad, ito’y mabuntis at hindi niya maabot ang pangarap niyang ipakasal ito sa anak ng kaibigan niya sa Amerika.
Pagkasilang niya palang kasi rito, agad na niya itong ipinagkasundo sa noon ay anim na taong gulang pa lang na bata dahil sa yamang taglay ng kaibigan niya at ng asawa nitong ‘Kano.
Laking tuwa niya nang agad na pumayag ang kaibigan niyang ito sa kagustuhan niya. Ngunit, may isa lamang itong hiling.
“Sana hayaan natin silang magkamabutihan. Hindi iyong pipilitin natin silang maging magkasintahan nang hindi man lang nila mahal ang isa’t-isa,” hiling nito na agad niya namang sinang-ayunan kahit pa halos araw-araw na niyang pinapakita sa anak ang larawan ng anak nito simula nang magkawisyo ito.
Kaya lang, nang magdalaga na nga ang anak niya, napansin niyang imbes na sa anak ng kaniyang kaibigan ito makipagkaibigan sa pamamagitan ng social media, sa anak ng kapitbahay nilang isang kahig isang tuka ito napapalapit.
At katulad ng kinakatakutan niya, isang araw ay napag-alamanan niya na lang na may relasyon na ang dalawa. Rito na siya nagpasiyang paghiwalayin ang dalawa kahit pa lingid sa kagustuhan ng kaniyang anak.
“Mama, bakit ba ayaw niyo sa kababata ko? Wala naman siyang masamang pinakita sa iyo, ha? Palagi ka nga niya tinutulungang magbuhat ng mga pinamalengke mo!” sumbat nito sa kaniya.
“Anak, wala kang kinabukasan sa taong iyon!” sigaw niya rito.
“Paano mo naman nasabi, mama? Diyos ka ba para malaman mong wala akong kinabukasan sa kaniya?” galit nitong tanong sa kaniya.
“Alam ko ang makakabuti sa’yo! Kaya simula ngayon, hinding-hindi ka na makikipag-usap sa binatang iyon dahil ipapadala na kita sa Amerika!” sabi niya pa na agad nitong ikinatigil.
“Huwag mong sabihing…” uutal-utal nitong sabi. “Bata ka palang, ipinagkasundo na kita sa anak ng kaibigan ko. Gaganda ang buhay mo roon dahil sundalo roon ang anak niya,” pagtatapat niya rito.
“Mama, mahal ko po ang nobyo ko ngayon,” iyak nito saka lumuhod sa harapan niya.
“Huwag nang matigas ang ulo mo, mag-empake ka na!” bulyaw niya pa na lalong ikinahagulgol nito.
Katulad ng plano niya noon pa man, matagumpay niya ngang naipadala sa Amerika ang anak niya at doon nagpakasal sa anak ng kaibigan niya pagkalipas lang ng tatlong taon kahit pa lingid sa kagustuhan nito.
Gaya ng inaasam niya noon pa man, simula nang makasal ang anak niya, agad na nagbago ang buhay niya. Limpak-limpak na pera ang buwan-buwan niyang natatanggap mula rito pwera pa ang bahay at lupang regalo ng kaniyang kaibigan nang ikasal ang kanilang mga anak.
Ngunit, paglipas ng isang taon, nabalitaan niyang nasawi ang asawa ng kaniyang anak nang minsan nitong pasukin ang isang bangko roon na puno ng mga magnanakaw.
Doon na siya nagdesisyong hikayatin ang anak niyang umuwi na ng Pilipinas upang huwag ito ganoon malungkot na agad naman nitong sinunod.
Upang lalong makalimot, nagpatayo ng isang kainan ang anak niya gamit ang perang naipamana rito ng yumaong asawa. Araw-araw niya itong tinulungan doon hanggang sa isang araw, dumalaw dito ang dati nitong nobyo.
Kitang-kita niya ang saya sa mukha ng kaniyang anak nang makita ang binata. Nagningning ang mga mata nito na sa pagkakatanda niya, huli niyang nakita noong bata pa ito habang nakikipaglaro sa naturang binata.
Dito na niya napagtantong kahit anong gawin niya, hinding-hindi niya mababali ang pag-iibigan ng dalawa na tiyak ay talagang nakatadhana.
“Mahal mo pa rin ba siya, anak?” bulong niya rito habang hinahanda nilang dalawa ang order nitong pagkain.
“Opo, mama, kahit noong araw na kinasal ako, siya ang nakikita kong naghihintay sa akin sa altar at walang araw na hindi siya sumagi sa isip ko,” hikbi nito na agad na nagpalambot sa puso niya.
“Ganoon ba?” sabi niya saka agad na sinenyasan ang binata na lumapit sa kanila.
“Opo, papayagan mo na ba ako ngayong ibigin siya habambuhay?” tanong nito, ngumiti lang siya saka inakbayan ang binatang takot na takot na lumapit sa kaniya.
“Galing sa kalungkutan ang anak ko, hijo. Kaya mo ba siyang pasayahin habambuhay?” tanong niya rito, walang ibang nasagot ang binata kung hindi luha bunsod ng kasiyahan saka agad na niyakap ang kaniyang anak.
Ilang taon ang lumipas, kasabay nang paglago ng negosyo ng kaniyang anak sa tulong ng naturang binata, nagpasiya na rin ang dalawa na magpakasal.
Ramdam na ramdam niya habang hinahatid niya sa altar ang anak kung gaano ito kasaya at kung paano magmahalan ang dalawa sa pamamagitan lang ng tingin at ngiti ng mga ito.
“Ito na yata ang pinakamagandang desisyong ginawa ko para sa buhay mo, anak,” bulong niya sa anak na lalo nitong ikinaiyak.