Inday TrendingInday Trending
Ipinagsasawalang Bahala Niya ang Hindi Regular na Buwanang Dalaw; Sakit Pala ang Naghihintay sa Kaniya

Ipinagsasawalang Bahala Niya ang Hindi Regular na Buwanang Dalaw; Sakit Pala ang Naghihintay sa Kaniya

Simula nang magdalaga si Shaine, hindi na siya buwan-buwang dinadatnan ng kaniyang dalaw. Kung dadatnan man siya, umaabot ang tagal nito mula isang linggo hanggang isang buwan na tiyak ay hindi pangkaraniwan.

Alam man niyang tatlong araw hanggang lima o pitong araw tumatagal ang dalaw ng isang dalaga, ipinagsasawalang bahala niya ito dahil pakiwari niya ay hindi naman ito ganoon kaimportante.

Tagos man sa puson ang sakit na nararamdaman niya tuwing siya’y may dalaw, tinuturing niya itong isang normal na bagay gaya ng ibang babaeng nakakaranas ng ganitong sakit bago o habang may dalaw.

Kaya lang, nang siya’y tumuntong na sa legal na edad, hindi pa rin nagbabago ang pagkakaroon niya ng dalaw. Kung ang normal na babae ay nagkakaroon nito buwan-buwan, lalong lumala ang lagay niya dahil tumatagal ng halos tatlo hanggang anim na buwan ang lumilipas bago siya muling dinadatnan na nakapagbigay na ng pag-aalala sa kaniyang ama nang minsan nitong mapansing tila nananaba siya.

Buong akala pa nga nito noong una, siya ay nagdadalantao dahil biglang lumobo ang katawan niya at nagsilabasan ang tigyawat sa mukha niya. Ngunit nang sabihin niya rito ang tungkol sa dalaw niya, agad siya nitong binigyan ng pera upang magpatingin sa doktor.

“Pasensya ka na, anak, ha? Alam kong hirap kang magdalaga dahil wala kang ina na pupwedeng pagsabihan pero sa tuwing may mga ganitong problema sa katawan mo, huwag kang mahiyang magsabi sa akin, ha?” sambit pa nito sa kaniya saka siya agad na pinahatid sa kanilang drayber sa isang klinik.

Habang nasa biyahe, binilang niya ang perang bigay ng ama at nang malaman niyang nasa sampung libong piso ito, roon na niya naisip na ibili na lang ito ng pinapangarap niyang selpon.

“Tiyak naman na magiging normal din ang pagdating ng dalaw ko! Hihintayin ko na lang dumating iyon! Sa ngayon, ibibili ko muna ito ng selpon! Ako na lang ang may lumang modelo ng selpon sa magkakaibigan, eh, tiyak na kapag nakita nila ang bago kong selpon, hahangaan nila akong lahat!” sabi niya pa sa sarili.

Imbes na tumuloy sa klinik, pagkababa niya ng sasakyan, siya’y mabilis na lumihis ng daan at nagtungo sa mall upang bilhin nga ang naturang selpon. Katulad ng inaasahan niya, nang malaman ito ng kaniyang mga kaibigan, siya’y agad na hinangaan at pinagkaguluhan na labis niyang ikinatuwa dahilan para ang karamdaman niyang ito ang gawin niyang rason upang siya’y makahingi ng pera sa amang palaging abala sa negosyo.

Tuwing siya’y bibigyan nito, kung hindi siya bibili ng pinakabagong gadgets, ililibre niya sa isang kainan ang kaniyang mga kaibigan. May pagkakataon ding nagawa niyang ibili ng regalo ang kaniyang crush gamit ang perang iyon na pangpa-check up niya sana.

Kada hihingi ng balita ang kaniyang ama, palagi niyang sinasabi, “May mga laboratoryo pa pong dapat gawin sa akin, papa, eh, kaya wala pa akong masabi sa inyo,” dahilan para muli siya nitong bigyan ng pera.

Kaya lang, isang araw, siya’y nagising na lang dahil sa sobrang sakit ng kaniyang puson. Noong una’y ayaw niya pang magpadala sa ospital dahil bukod sa naniniwala siyang baka sintomas lang ito ng pagdating ng dalaw niya, natatakot din siya na baka malaman ng kaniyang ama ang katotohanan sa likod ng pagsisinungaling niya pero nang hindi na siya makagalaw, doon na siya tuluyang nagpasugod dito.

Doon nila napag-alamanan na mayroon siyang sakit sa m*tres, ang tanging sanhi bakit hindi siya regular na dinadatnan buwan-buwan.

“Totoo po ba ‘yang sinasabi niyo? Sa pamamagitan lang ng isang laboratoryo, nalaman niyo agad ang sakit ng anak ko?” pagtataka nito na agad na niyang ikinakaba.

“Opo, sir, sa katunayan, ultrasound palang po ang ginagawa namin sa kaniya,” paliwanag pa ng doktor.

“Kung gano’n pala, saan mo dinadala ang perang binigay ko sa’yo noon? Bakit sabi mo…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito at siya’y agad nang lumuhod sa harapan nito.

“Pasensya na po, papa, akala ko po normal lang ‘tong sitwasyon ko! Pinangluho ko po lahat ng perang iyon,” pagtatapat niya rito na agad nitong ikinagalit.

“Uunahin mo pa iyon kaysa sa kalusugan mo, Shaine?!” sigaw nito dahilan upang wala na siyang magawa kung hindi ang maiyak at humingi ng tawad dito.

Mabuti na lang talaga, ganoon na lang ang pagmamahal nito sa kaniya at siya’y agad na pinaoperahan.

Ilang oras matapos siyang operahan, binigay sa kaniya ng doktor ang mga dugong namuo na naging bukol at doon niya napagtantong hindi niya dapat ipagsawalang bahala ang kaniyang kalusugan.

“Pangako, simula ngayon, uunahin ko na ang kalusugan ko, papa. Huwag na po kayong magalit sa akin,” iyak niya sa ama nang makita niyang muli itong napailing nang makita ang mga bukol na nakuha sa kaniya.

Hindi man niya agad nakuha muli ang tiwala ng ama patungkol sa pera, ramdam niya pa rin ang pagmamahal at pag-aalaga nito dahilan para ganoon na lang siya mangako sa sariling aalagaan niya na ang kalusugan simula noon.

Advertisement