Inday TrendingInday Trending
Pinandidirihan ng Binata ang Tatay Niyang Pangit; Papatak ang Luha Niya sa Dahilan Kung Bakit Nagkaganoon Ito

Pinandidirihan ng Binata ang Tatay Niyang Pangit; Papatak ang Luha Niya sa Dahilan Kung Bakit Nagkaganoon Ito

Matalino si Gabby kaya nga nakagradweyt siya sa kolehiyo na nakuha ang pinakamataas na karangalan. Siya ang Summa Cum Laude sa batch nila sa kursong Arkitektura. Ngayon ay may trabaho na siya, natanggap siya isang kilalang construction firm sa Pasig. Nag-iisa lamang siyang anak at ang kaniyang ina na hindi nakayanan ang panganganak sa kaniya na sanhi ng maagang pagpanaw nito.

Ang tatay naman niya ay matanda na dahil may edad na ito nang mag-asawa, bagamat nagtatrabaho pa rin ito para matustusan ang pag-aaral niya. Malaki nga ang utang na loob niya rito, dahil iginapang ng kaniyang ama ang pag-aaral niya sa kolehiyo hanggang sa makatapos siya.

“Anak, nagluto na ako ng almusal mo. Inihanda ko talaga ang paborito mong sinangag at itlog para magana ang pagkain mo. Ayokong gutom ka pagpasok mo sa trabaho. Teka, ano bang gusto mo sa kape? ‘Yong may creamer o wala?” masuyong tanong ni Mang Carding sa anak.

“Bahala ka kung anong gusto mo,” matabang na sagot naman ni Gabby sa ama. Ni hindi man niya sinulyapan ang tatay niya. Naaasiwa kasi siya sa pagmumukha nito. Kahit na ito ang kinalakihang magulang ay hindi siya malapit sa tatay niya. Mas lalo siyang tinabangan dito nang mag-aral siya noon sa hayskul at marunong nang makaramdam ng kahihiyan kapag tinutukso siya ng mga kaklase niya kaya mas lumayo ang loob niya sa ama.

Kaya nga naisip niya noon, tama ang sinasabi ng mga dati niyang kaklase sa kaniya. Kahit siya ay ikinahihiya niya ang pangit na mukha ng tatay niya, kadiri!

Kahit kapag kakuwentuhan ang mga kaibigan niya at ang topic ay tungkol sa tatay niya ay nakikisali siya sa pangungutya ng mga ito sa tatay niya.

“Oo nga, eh, kahit ako gusto kong takpan ng bayong ang ulo ng tatay ko sa sobrang pangit! Wala naman akong choice, ‘di ba? Malas ko lang dahil siya ang naging tatay ko,” natatawa na lang niyang sabi.

Ikinahihiya niya ang tatay niya dahil mayroon itong mga peklat sa mukha. Hindi na kasi ito makilala dahil sa kulay puting tila balat na umokupa na sa buong mukha nito. Hindi niya alam kung saan nagmula iyon kasi kahit kailan ay hindi niya natanong ang tatay niya tungkol doon. Basta ang alam niya, ang sagwa at ang pangit tingnan na halos buong mukha ng tatay niya ay nasasakop noon, mayroon din ito sa likod, sa braso at binti na parang sakit sa balat na nakakadiri.

“Yuck! Baka mahawa pa ako sa sakit ni tatay!” bulong pa niya sa sarili kapag naiisip niya.

Pagkatapos kumain ay tumayo na si Gabby sa hapagkainan at dinampot na ang bag, walang paalam na lumabas sa bahay nila para pumasok na sa trabaho. Pagdating niya sa opisina ay agad siyang tinawag ng kaniyang boss.

“Mr. Pedrosa, may meeting tayo with our clients after lunch. Kailangan ko yung inihanda mong presentation, gagamitin na natin mamaya,” wika ng boss niya.

Tila binuhusan ng malamig na tubig si Gabby nang may maalala siya.

“Sh*t! Naiwan ko ‘yung laptop ko sa bahay! Doon naka-save ‘yung powerpoint presentation ko para sa meeting,” sambit niya sa isip.

Kailangan niyang bumalik sa bahay nila para makuha ang gawa niya. Malilintikan siya sa boss niya kapag wala siyang naipakita mamaya sa meeting nila.

Pero papalabas pa lang siya ng opisina nang makita niyang dumating ang tatay niya.

“A-anong ginagawa niyo rito?” gulat niyang tanong.

Hindi niya napansin na nilapitan na sila ng boss niya, nakita rin kasi nito na may dumating na bisita.

“Yes po? Ano po ang kailangan nila?” tanong ng lalaking boss sa tatay niya.

“Magandang umaga po, sir. Ako po ang tatay ni Gabby Pedrosa,” sagot ni Mang Carding.

“T*ng ina naman! Anong kahihiyan ito?” inis na sabi ni Gabby sa isip nang magsalita na ang tatay niya.

“Iaabot ko lang po sana itong laptop na naiwan ng anak ko sa bahay. Naisip ko na baka importante ito kaya ako na ang nagdala rito,” wika ng tatay niya.

Galit na binulungan ni Gabby ang ama at pahaltak na kinuha ang bitbit nitong laptop.

“Umalis ka na,” medyo malakas ang pagkakasabi, intensyong ipahiya ang noo’y nanliliit na ama.

“Pasensya ka na, anak, dinala ko lang kasi nakita kong napuyat ka kagabi para diyan. Nakalimutan mo kasi, baka kasi…” pinutol na ni Gabby ang sasabihin pa sana ni Mang Carding.

“Alis na sabi, eh! Ang kulit mo!” mariing utos niya, na may kasama pang pandidilat ng mga mata.

Wala nang nagawa ang tatay niya kung hindi ang magpaalam nang maayos sa kaniyang boss at tahimik na umalis. Hindi nagustuhan ng boss niya ang ginawa niyang pagpapahiya sa sariling ama, pagsasabihan sana siya nito pero tila may napansin ang lalaki.

“Teka, Mr. Pedrosa, p-parang kilala ko ang tatay mo, ang p-pangalan ba niya ay Cardinal Pedrosa?” tanong ng boss.

“Y-yes po, sir, t-tatay ko po siya,” nauutal niyang sagot.

Nanlaki ang mga mata ng boss niya.

“S-so, siya iyon? Siya ang napabalita noon na si Cardinal Pedrosa ang tinaguriang ‘bayaning ama’,” di makapaniwalang sabi ng lalaki.

“A-ano po, sir? B-bayaning a-ama?”

“Sikat na sikat siya noon. Laman siya ng mga balita sa telebisyon, sa radyo at sa mga dyaryo. Napakatapang niya, iniligtas niya ang nag-iisa niyang anak sa nasusunog na grocery. Napakalikot daw kasi ng batang iyon, hindi nagpaaalam sa tatay niya na babalik sa loob ng grocery, pero nagkaroon ng sunog doon at muntik nang matupok ng apoy yung bata. Walang pag-aalinlangang pinuntahan niya ang anak ngunit ang kapalit niyon ay siya ang natupok ng apoy at nasunog ang kaniyang katawan. Mabuti na lang at nakaligtas siya at nabuhay. Marami ang humanga sa ginawa niya noon. Napakasuwerte ng anak niya at ikaw, Mr. Pedrosa…ikaw pala ang anak niyang iyon! Wow, ipinagmamalaki ko ang tatay mo! Kumusta na siya ngayon?” hayag ng kaniyang boss.

Sa nalaman ay hindi na nakapagsalita pa si Gabby. Nakaramdam siya ng sobrang pagkapahiya, ang tatay niyang itinatanggi, ikinahihiya, sinasaktan, ang tatay niyang pangit, ang tatay niyang may nakakadiring pagmumukha ay ang nagligtas sa kaniya sa kapahamakan noon. Ngayon ay alam na niya kung bakit nagkaganoon ang tatay niya.

Napa-iyak siya sa mga sandaling iyon. Pag-uwi niya sa bahay nila ay agad siyang lumuhod sa harap ng tatay niya at humingi ng tawad. Sinabi niya rito na alam na niya ang lahat, kung bakit may mga peklat ang mukha at katawan nito.

Dahan-dahan siyang itinayo ng ama at niyakap siya nito nang mahigpit.

“Ginawa ko iyon, anak, dahil mahal na mahal kita, at nakahanda ko ulit gawin iyon para sa iyo,” naluluhang sabi ni Mang Carding.

“Sorry, tatay, sorry po,” tanging nasambit ni Gabby habang humahagulgol.

Mula noon ay ipinakita na at ipinaramdam ni Gabby sa ama ang pagmamahal niya rito. Hindi na niya ikinahihiya at pinandidirihan ang tatay niya bagkus ipinagmamalaki na niya ito at hinahangaan.

Advertisement