Mas Binigyang Importansya ng Tiyuhin ang Pamangkin Kaysa sa Sarili Nitong Ama; Pagmamahal ang Iginanti ng Bata
May anak na ang mag-asawang Ariel at Marian ngunit kung umasta sila ay para silang binata’t dalaga na halos hindi na pumipirmi sa kanilang bahay. Napapabayaan na tuloy nila ang nag-iisang anak na si Ashley.
“Baka umagahin na kami ng uwi, Loida. Pagkagaling sa casino ay didiretso kami sa club,” wika ni Ariel sa kanilang kasambahay.
“O, ikaw na ang bahala sa bahay ha? Ikandado mo ang pinto at mga bintana at baka pasukin tayo ng magnanakaw,” sabad naman ni Marian.
“O-opo, ma’am, sir,” sagot ni Loida.
Maya maya ay lumabas ang anak nilang si Ashley na anim na taong gulang. Umiiyak at sumisigaw.
“Mama, papa! Huwag na po kayo umalis, please!” wika ng bata.
Ngunit hindi man lang pinansin ng mag-asawa ang hiyaw at pag-iyak ng kanilang anak. Hindi man lang nila ito naalala na ipagbilin sa kasambahay. Tuluy-tuloy lang sila na sumakay sa kotse at lumarga na.
“Tahan na, Ashley! Babalik din ang mama at papa mo bukas,” wika ng kasambahay na pilit na pinapatahan ang bata.
Pero patuloy pa ring nag-iiyak si Ashley, hanggang sa napagod na rin si Loida sa pagpapatahan sa alaga at nakatulog na ang babae.
Maya maya ay dumating na ang nakatatandang kapatid ni Ariel na si Alex. Naabutan pa nitong umiiyak pa rin ang pamangkin kaya awang-awa niya itong nilapitan at kinarga. Alam din nito kung ano ang iniiyak ng bata.
“Iniwan ka na naman ng papa at mama mo, ano? Tahan na, tahan na, Ashley,” sabi ng lalaki na inamo ang pamangkin.
Hindi na nakapaghubad ng damit si Alex, inilabas nito ang lahat ng laruan ng pamangkin at magiliw na nilibang ito.
“Bili mo pa ako ng maraming laruan, Tito Alex ha?” sambit ng bata.
“Oo ba! Sa susunod kong suweldo ay ibibili kita ng manyikang pumipikit at dumidilat,” tugon niya.
Hatinggabi na nang antukin si Ashley at makatulog sa bisig ng kaniyang Tito Alex. Tiniyak ng tiyuhin na mahimbing na ito bago maingat na inilapag sa kama.
“Kailan pa kaya makikinig sa akin ang mga magulang ng batang ito? Lalo na ang kaniyang ama,” bulong ni Alex sa isip.
Habang lumalaki ang pamangking si Ashley ay lalo namang nagugumon sa masamang bisyo ang mag-asawang Ariel at Marian. Madalas na inuumaga sa mahjong-an ang mga ito at sa iba pang sugal.
“Sikat na ang araw. Hindi pa ba tayo titigil?” tanong ng matandang lalaki na kalaro nila.
“Iyan ang hindi puwede. Tres siyentos na ang natatalo sa amin,” sagot ni Ariel.
“Hindi kami uuwi hangga’t hindi kami nakakabawi,” sabad naman ni Marian.
Samantala, buong pagsusumikap na ginagampanan ni Alex ang tungkulin na ganap nang pinapabayaan ng kaniyang kapatid at hipag. Tuwing araw ng Sabado at Linggo ay ipinapasyal nito sa parke at sa mall ang pamangkin habang ang mag-asawa ay abala sa karerahan.
“Tito Alex, punta naman tayo sa karnabal. Gusto ko sumakay dun sa kabayong umiikot,” malambing na sabi ng bata.
“Oo ba! Hindi lang iyon, sasakay din tayo sa tsubibo at kakain tayo ng ice cream,” tugon ni Alex.
Pagkatapos nilang mamasyal sa karnabal ay pumunta naman sila sa zoo.
“Tingnan mo, Tito Alex! Malaking butiki!” manghang sabi ni Ashley.
“Hindi butiki iyan, buwaya ang tawag diyan,” natatawang wika ng tiyuhin.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ng bata sa tuwing kasama si Alex. Giliw na giliw rin ang lalaki sa pamangkin. Kung tutuusin ay para silang mag-ama. Kung mayroon na sanang sariling pamilya si Alex, kasing edad na siguro ng kaniyang pamangkin ang anak niya.
Isang gabi, nag-overtime sa trabaho si Alex sa opisina kaya hindi ito maagang nakauwi. Matiyagang naghihintay si Ashley sa labas ng bahay. Nakaupo ang bata na umaasang maglalaro ulit siya ng tiyuhin.
“Halika na, Ashley! Kumain ka na ng hapunan, mamaya pa darating ang tito mo,” wika ni Loida na niyayaya na ang bata na pumasok sa loob ng bahay.
“Ayoko po! Hihintayin ko ang Tito Alex ko,” sagot ng bata.
Ilang minuto pa ang lumipas ngunit hindi pa rin dumarating si Alex. Nakaramdam na ng inip si Ashley kaya nagsimula na naman itong umiyak. Siyang pagdating ng mag-asawang Ariel at Marian na kapwa mainit ang ulo dahil sa pagkatalo sa sugal.
“Bakit ngumangalngal na naman ang buwisit na iyan?” inis na tanong ni Ariel.
“Hinahanap po niya ang kaniyang Tito Alex,” sagot ng kasambahay.
Sa sobrang gigil ay padabog na nilapitan ng lalaki ang anak at pabagsak nitong isinandal sa sulok ang bata.
“Tumahan ka nga! Ayaw mong tumahan?” sigaw ng lalaki.
Sa ginawa ni Ariel ay mas lalong umatungal ng iyak ang bata.
Hindi na napigilan ng lalaki ang sarili at itinulak sa sahig ang kaawa-awang anak.
Nang makitang nakalupasay na si Ashley ay marahas nitong itinayo ang batang nginig na ang mga laman sa matinding takot, at mariing niliglig ito.
“Uli-uli ay huwag na kitang madadatnang ngumangalngal ha? Sagot!” malakas na sigaw ni Ariel.
Maya maya ay dumating na si Alex. Kitang-kita niya ang pagmamaltrato ng kapatid sa pamangkin. Parang sinaks*k ang dibdib ni Alex sa tagpong iyon.
“Ariel! Inaano mo iyang bata?”
Galit na hinarap ni Ariel ang nakatatandang kapatid.
“Nakialam ka na naman, kuya! Hindi porket nakikituloy kami sa bahay mo ay maaari mo nang panghimasukan pati pangugul*pi ko sa aking anak,” wika ng lalaki.
Mas lalong nag-ul*l ang galit na muling hinarap ang batang babae at pinagsasampal ito sa harap ng kapatid.
“Tito Alex, Tito Alex!” hagulgol ni Ashley.
Parang kinurot ang laman ni Alex sa nagmamakaawang tinig ng pamangkin, at upang mapigil ang kahayupan ng kapatid ay binigyan na niya ito ng leksyon.
“Tumigl ka na, um!” isang malakas na suntok ang pinakawalan ni Alex sa pisngi ni Ariel.
Bumagsak sa sahig ang lulugu-lugong si Ariel. Dali-dali namang inalalayan ni Alex ang pamangkin at pinunasan ang luha nito sa mata ngunit walang kamalay-malay ang lalaki na mabilis na nakabagon ang kapatid na ngayon ay susugurin siya.
Hilakbot na napahumindig si Marian nang makitang nagbunot ng patalim ang asawa.
“Huwag, Ariel! Huwag!”
Ngunit hindi na napigilan si Ariel sa binabalak at naitusok sa sikmura ni Alex ang patalim na hawak. Uundayan pa sana ng saksak ng lalaki ang kaniyang kuya nang makahanap ng tiyempo si Alex at ipinupok nito sa ulo ni Ariel ang nahawakan nitong flower vase. Kahit duguan at nanghihina na ay nagawa pa rin ni Alex na ipagtanggol ang sarili. Sa lakas ng pagpalo niya sa ulo ng kapatid ay bumagsak ulit ito sa sahig at nawalan ng malay.
Isinugod silang dalawa sa ospital. Mabilis namang nabigyan ng paunang lunas ang sugat na natamo ni Alex samantalang maayos na rin ang lagay ng kapatid na si Ariel at nagsisisi na rin sa mga nagawang kasalanan sa anak at sa kapatid.
Sa nangyari ay labis ding nagsisisi si Marian. Kung hindi sila nalulong sa sugal na mag-asawa ay hindi magkakaganoon ang mister niya. Humingi siya ng tawad kay Alex sa pagtangka ng asawa sa buhay nito. Humingi rin ng tawad ang babae sa anak na si Ashley at nangakong ititigil na nila ang mga bisyo at magpapakamagulang na rito. Mabuti na lang at may mabuting kalooban ang bata at mabilis silang napatawad subalit kapansin-pansin na mas iniyakan ng bata at mas nag-alala ito sa kalagayan ng tiyuhin kaysa sa sariling ama.
“Kumusta na po si Tito Alex, mama? Gusto ko siyang makita, puntahan natin siya,” wika ng bata.
“Oo anak, dadalawin natin siya, pati ang papa mo,” sagot ni Marian.
“Mas gusto ko pong makita si Tito, mama,” mariing sabi ni Ashley.
Walang nagawa si Marian kundi pagbigyan ang anak. Napagtanto niya na oo, napatawad na ng bata ang ama nito pero ang katotohanang mas nagkaroon pa ng malasakit at mas minahal ng kapatid ng kaniyang asawa ang kanilang anak kaysa sa sariling ama ay napakasakit para sa kaniya lalo na’t ramdam na ramdam niya na mas matindi ang pagmamahal ni Ashley sa tiyuhin kaysa sa ama nito. Matatagalan pa na tuluyang maghilom ang sugat na naidulot nilang mag-asawa sa kanilang anak pero nakahanda silang maghintay para lubos silang matanggap nito.