Dali-daling Ipinalipat ng Dalaga ang Kaniyang Ina sa Pribadong Kwarto sa Ospital; Maluluha Siya sa Naging Desisyon ng Kaniyang Ina
“Ano ba naman ‘yan, ‘ma. Ang laki laki ng kinikita ko tapos nagtitiis ka sa ospital na ito, bakit hindi ka pumunta sa mga sikat at mamahaling ospital? Tingnan mo naman, itsura pa lang ng mga tao rito ay talagang magkakasakit kayo,” baling ni Myka nang makauwi ng ‘Pinas at kaagad na pinuntahan ang kaniyang ina. Nagtatrabaho bilang designer sa isang magazine ang dalaga sa ibang bansa at dahil sa sobrang abala nito ay swerte nang makauwi ito isang beses sa loob ng limang taon.
“Anak, ito naman, masyado namang malakas ang boses mo! Huminahon ka nga riyan, ayos lang ako rito. Maupo ka at magkumustahan tayo,” masayang sagot ng kaniyang ina at pinilit nitong maupo upang mahawakan ang kamay ng kaniyang anak.
“My goodness, I don’t have time for this! May nakuha na akong abogado na mag-aayos ng lahat ng maiiwan na pera at negosyo at ipapaayos ko na rin sa kaniya ang lagay mo rito. ‘Ma, hindi ka pa naman mawawala pero dahil gusto mo nang ayusin ang mga ganitong bagay ay pagbibigyan kita. Pero hindi ko mapagbibigyan ang ganitong itsura ng kinalalagyan mo. I’ll be back in a minute, ipapalipat kita,” naiiritang wika ng dalaga sa ina.
Hindi na naka-imik pa ang ale at dali-dali nang umalis ang kaniyang anak, hindi man lang niya ito nahaplos. Ilang minuto pa ang nakalipas ay kaagad na inilipat ang ale sa pinakamagandang kwarto ng ospital.
“O ito na, ‘ma. Huwag na kayong mag-alala sa bayarin dahil barya lang sa’kin ito. Basta ang importante niyong gawin ay magpalakas para makapagbonding pa tayo at hindi sa ospital tayo lagi nagkikita,” nakangiting sabi ni Myka sabay upo sa malaking sofa na nasa harapan ng kaniyang ina.
“Anak, kilala mo na ba si Maribel? Siya ‘yung gusto kong ipakilala sa’yo, nakuha ko siya bilang personal nurse at gusto ko sanang maging magkaibigan kayo. Masaya siyang kasama, anak. Isa pa, naiisip ko siyang pamanahan ng kaunti sa mga naipon ko,” ngiting sabi Aling Dina.
“Ha? Sinong Maribel? ‘Ma, masyado ka nang naloloko ng mga taong nakapaligid sa’yo. Saka bakit mo pamamanahan ‘yung Maribel na ‘yan? Bibigyan ko na lang ng bonus ‘yung tao, huwag na ‘yung ganyan at baka na bi-brainwash ka masyado dahil wala ako rito,” baling naman agad ni Myka sa kaniyang ina.
“Kakausapin ko ‘yung Maribel at papalitan ko na. I will take care of it,” dagdag pa nito at mabilis na lumabas gamit ang tissue upang hawakan ang pintuan ng kwarto ng ale at hanapin si Maribel para sisantehan ang babae.
“Oh, Maribel, ikaw ‘yung personal nurse ng nanay ko, ‘di ba? Gusto ko lang sabihin sa’yo na, you’re fired, sa tagalog tanggal ka na! May nahanap na akong ibang mag-aalaga sa mommy ko,” mataray na sabi niya rito.
“Mas mabuti sana kung mabibigyan mo siya ng oras kaysa maghanap ka ng ibang mag-aalaga sa kaniya,” mahinahon na sagot ni Maribel sa kaniya.
“Wow, kung makapagsalita ka, baka nakakalimutan mo na ako ang nagbabayad sa pagpapagamot ng nanay ko and even ‘yung sinasahod mo, sa sweldo ko galing lahat iyan. Kaya kung may rason man bakit buhay pa ang nanay ko ay dahil iyon sa pera ko at kapag gagawin ko ang sinasabi mo ay baka bukas wala na ang nanay ko,” ismid na singhal ni Myka sa babae.
“Talagang wala ka palang alam sa nanay mo. Akala mo ba masaya ang nanay mo sa pagpapagamot na ito? Hindi mo ba alam na galing na siya sa private room pero nagpababa siya sa ward section dahil gusto niya ng kausap, gusto niya ng kasama sa buhay. Matagal nang huminto ang nanay mo sa pagpapagamot para sana umuwi ka na at makasama niya. Baka nga hindi mo alam, tatlong buwan na lang ang taning na buhay ng nanay mo,” natatawang paliwanag ni Maribel sa kanya sabay talikod.
Agad na bumalik si Myka sa kaniyang ina.
“Ano ‘yung sinasabi ni Mairbel na tatlong buwan na lang daw ang buhay niyo? Anong kalokohan na naman ito?” sigaw ng dalaga sa kaniyang ina.
“Anak, huwag ka nang sumigaw, tanggap ko na ang kapalaran ko. Isa pa, hindi ako kailanman naging masaya na pera mo lang ang nakakasama ko kasi ikaw naman talaga ang gusto kong makasama sa mga huling sandali ko,” naluluhang sagot ni Aling Dina sa kaniya.
“’Ma, ano ka ba naman, kapag malakas ka na, s’yempre makakalabas na tayo. Kaya nga pinapagamot kita,” inis pa rin na sagot ng babae.
“Malakas pa naman ako noon, anak, pero wala ka pa rin sa tabi ko. Hindi kita sinisisi sa mga desisyon mo sa buhay pero namimiss lang talaga kita. Noon, walang sandali na hindi mo ako kailangan, pero noong lumaki ka na, masakit man pero kaya mo na, hindi mo na kailangan si mama, anak,” ngiting sagot ng ale sabay bagsak ng kaniyang luha.
“Kaya lang naman kita pinauwi rito para makasama man lang kita kahit sandali. Magbreak ka muna anak, lahat ng pinadala mo sa aking pera ay itinabi ko para kapag nandito ka na ay may magagastos ka kahit hindi ka magtrabaho. Anak, ako naman muna ulit, si mama naman ang asikasuhin mo,” luha pang muli ng kaniyang ina.
Biglang napaluha si Myka at niyakap ang kaniyang ina, sa unang pagkakataon ay bigla siyang nahimasmasan kung gaano na siya namimiss na ng kaniyang ina. Buong akala niya ay masaya ang ale sa perang nabibigay niya at ayos na iyon para mabuhay pa nang mas matagal ang kaniyang ina. Ngayon niya nakita na oras ang kalaban niya at hindi pera.
Nagsimula siyang manatiling muli sa piling ng kaniyang ina at doon niya nakita na mas maraming bagay ang hindi pa rin mabibili ng pera, gaya ng mga ngiti at yakap ng kaniyang ina na buong akala niya’y hindi na niya kailangan. Ngayon niya naramdaman na ang mga yakap na ito ay hindi niya kailanman mabibili o mababalikan pa kapag nawala na ang kaniyang ina. Ibinalik din niya ang kanyang ina sa ward dahil alam niyang mas gusto roon ng ale, paano’y maraming nagkukwentuhan at marami itong nakikitang mga mukha na puro may ngiti sa kanilang labi. Ibang iba ang lugar na iyon sa kaniyang trabaho na puro sigawan at deadline ang kaniyang naririnig. Mas lalo niyang nakita na may iba pang mundo bukod sa trabaho at iyon ay ang makapiling ang kaniyang pamilya.