Malas ang Naging Buhay ng Kasambahay sa Dalawang Naging Asawa ng Amo; Sa Pangatlong Asawa Kaya Nito, Aapihin pa rin Kaya Siya?

“Hi Ella, good morning,” masiglang bati ni Ma’am Phoebe sa kaniya.

“H-hello ma’am, ang aga niyo naman yatang gumising,” natataranta niyang wika.

Alas sais pa lang ng umaga pero nakapagluto na ito ng kanin at ulam, samantalang sila na mga katulong ay kagigising lamang. Gusto niyang matunaw sa hiya! Ang amo niya ang nagluluto ng agahan nila, imbes na dapat ay obligasyon nila iyon dahil sinasahuran sila sa bahay na ito.

“Maaga kasi akong nagutom, Ella, kaya nagpasya na lang akong bumangon at magluto,” anito.

“Naku ma’am! Malilintikan kami kay sir nito. Dapat ginising mo ako, para ako na mismo ang gumawa niyan para sa inyo,” ani Ella.

Matamis na ngumiti si Phoebe saka nilingon si Ella. “Kaya ko naman, Ella. Saka sikreto na lang natin ito. Hindi naman mabigat na bagay ang ginawa ko. Nagluto lang naman ako.”

Si Ma’am Phoebe ang pangatlong naging asawa ng kanilang among lalaki. Sobrang tinik at galing sa larangan ng pagnenegosyo, napakahina naman nito pagdating sa pagpili ng mapapangasawa.

Ang unang naging asawa nito’y isang magandang babaeng anak mayaman, si Ma’am Danna, napaka-inosente ng mukha, kabaliktaran ng ugali. Pala-utos, pala-singhal at pala sa lahat ng pala! Naghiwalay ito at si Sir Richard, dahil nahuli ito ng amo na may ibang lalaki sa loob mismo ng isang hotel. Sa dami ng pera ng amo, ang bilis lang napawalang bisa ang kasal ng dalawa.

Advertisement

Ang sumunod naman ay si Ma’am Suzzane, mabait ang babae— sa ibang tao, pero sa mga kagaya niyang katulong, hindi. Matapobre sa lahat ng matapobre! Ang turing nito sa mga kagaya niya’y isang hayop na walang halaga sa mundo. Sa kamay ni Ma’am Suzzane, hindi sila pwedeng kumain nang hindi tira-tirang pagkain at dapat iyong ilang minuto na lang ay mapapanis na. Hiniwalayan ito ng amo dahil sa ugaling hindi makain ng aso at sobra pa ang pagkaselosa.

At itong pangatlo naman— si Ma’am Phoebe. Mabait ang babae, mula noong unang tapak nito sa mansyon, hanggang ngayon ay hindi man lang nagbago ang ugali nito. Kung sabagay kasi ay hindi ito galing sa Alta Sosyedad, hindi naman din gaya nilang sobrang mahirap sa buhay, nasa katamtamang estado lamang ang pamilya ni Ma’am Phoebe.

Sa tatlong asawa ni Sir Richard, si Ma’am Phoebe ang naging kasundo nilang mga katulong sa mansyon. Sa tuwing kainan ay hindi pumapayag ang babaeng hindi sila sabay-sabay na kumain. Kapag naman walang ginagawa ay sila ang kinukulit at kinakausap ng among babae. Sa wakas nga’y naisip niyang naka-tyamba rin sa wakas ang mabait na among lalaki.

“Ang swerte namin sa’yo talaga, Ma’am Phoebe, s’yempre pati na si Sir Richard. Sana mabuntis ka na at magkaanak, para dumami ang kagaya mong mabait sa mga kagaya kong katulong,” ani Ella.

Tinulungan niya ang babaeng amo sa pagluluto. Sobrang swerte nilang mga trabahante sa mansyon dahil sa wakas ay nagkaroon na rin sila ng among pantay kung tumingin sa kapwa. Hindi lang sa kanilang mga katulong mabait si Phoebe, halos sa lahat ng tao ay mabait ito. At alam niyang tunay ang puso ng babae at hindi nagbabalat-kayo lamang. Dahil halos magdadalawang taon na nila itong kasama, ngunit mula noon hanggang ngayon ay ganoon pa rin ito sa kanila.

“Mas masuwerte kami sa inyo, Ella. Kasi kung wala kayo, paano kami? Paano malilinis ang bahay, at sino ang magsisilbi sa’min? Kaya dapat lang na pahalagahan namin kayo. Hindi por que pinapasahuran namin kayo ay may karapatan na kaming abusuhin kayo. Tao kayo, sadyang magkaiba nga lang ang naging estado natin sa buhay, pero sa mata ng Diyos, pantay-pantay tayo… walang mahirap o mayaman,” nakangiting wika ni Phoebe sabay akbay sa mangiyakngiyak na si Ella.

“Ang bait mo talaga, Ma’am Phoebe! Salamat at dumating ka sa buhay ni sir,” garalgal ang boses na wika ni Ella.

Tumawa naman nang malakas si Phoebe dahil sa nakikitang mukha ni Ella. “Ano ba ‘yan! Nagluto lang naman ako, Ella. Bakit ka ba umiiyak d’yan?”

Advertisement

“Kasi nakaka-touch ang kabaitan niyo sa’ming lahat,” ani Ella. Hindi mapigilan ang pag-iyak.

“Tahan ka na riyan! Sa susunod, hindi na nga ako magluluto. Ganyan ka talaga palagi, umiiyak, nagluluto lang naman ako,” tatawa-tawang wika ni Phoebe.

Ang swerte ng isang kasambahay kapag nakahanap siya ng among hindi hayop ang tingin sa mga kagaya niya. Minalas man sila sa dalawang naunang asawa ng kanilang among lalaki, lubos-lubos naman ang swerte nila nang si Ma’am Phoebe na ang napangasawa nito. Bukod sa mabait na’y marunong pang umunawa sa kaniyang kapwa.

Sana lahat ng amo ay kagaya nito.