Inday TrendingInday Trending
Upang Maiganti ang Pagkabigo ng Anak, Pa-Simple Niyang Ininsulto ang Bagong Nobyo ng Dati Nitong Kasintahan; Tunay ngang Mahilig sa Aso ang Dalaga

Upang Maiganti ang Pagkabigo ng Anak, Pa-Simple Niyang Ininsulto ang Bagong Nobyo ng Dati Nitong Kasintahan; Tunay ngang Mahilig sa Aso ang Dalaga

“Oh! Bakit ikaw lang ang bumaba, Carolina? Nasaan na ang Kuya Clark mo?” ani Glenda sa anak.

“Busog daw siya, ‘ma. Ayaw niyang kumain,” anito at naglakad patungong kusina at deretsong umupo sa bakanteng upuan.

Nagtataka man si Glenda ay hindi na siya nag-usisa pa sa anak. Bilang isang ina ay nararamdaman niyang may hindi tamang nangyayari sa panganay na anak.

“Kain na tayo ‘ma,” aya naman ni Cassie, ang bunsong anak na kanina pang naghihintay sa kaniyang hudyat na magsimula nang kumain.

“Sige na kumain na tayo,” aniya at nagsimula na ring sumandok ng para sa kaniya.

Ilang araw na niyang napapansin na nagkukulong sa loob ng kwarto ang kaniyang panganay at nag-iisang lalaking anak. Wala man itong sinasabi’y ramdam niyang masama ang pakiramdam nito. Magkaaway kaya ito at si Jennifer, ang nobya nito? Noong nakaraang araw lang ay napansin niyang nawala na sa bahay nila ang asong parehong binili ng dalawa bilang anak-anakan ng mga ito.

“May nangyayari bang hindi ko alam, Carolina?” tanong ni Glenda sa anak na ngayon ay maganang ninanamnam ang pagkain.

“Ewan!” Kibit-balikat na sagot ni Carolina. “Baka si Cassie, may alam.”

Isang makahulugang ngiti naman agad ang gumuhit sa labi ng bunsong anak nang banggitin ang pangalan nito ni Carolina.

“Wala rin naman akong alam mama,” sagot ni Cassie. “Basta ang alam ko lang ay hiwalay na si kuya at Ate Jennifer, kasi noong isang araw hinatid na ni kuya si Joker sa bahay nila Ate Jennifer, tapos pag-uwi niya rito nagkulong siya sa kwarto at nakita kong grabe ang iyak,” buong detalyeng kwento ni Cassie sa ina.

“Tsismosa ka talaga, Cassie,” komento naman ni Carolina.

“Nagtatanong kayo, sumagot lang naman ako,” anito.

Hindi na sumagot pa si Glenda. Alam niyang iyon na nga ang nangyari, hiwalay na nga si Clark at ang nobya nitong si Jennifer. Sabagay, masaya na rin naman siyang malaman na ganoon na nga ang nangyari sa relasyon ng dalawa. Kahit kailan kasi’y hindi sila nagkakasundo. Panay ang away, singhalan sa kung saan man sila abutan ng mga galit nila at pagkatapos ay magbabati rin naman.

Mahilig sa aso ang nobya ng kaniyang anak, samantalang mahilig naman sila sa pusa. Kaya noong bumili ng aso ang dalawa’y agad silang umapela, baka kasi hindi nito makasundo ang mga pusa nila sa bahay.

Ngunit dala ng labis na pagmamahal ni Clark sa nobya, napilitan itong mahalin at alagaan ang anak-anakan ng dalawa at pati na rin silang buong pamilya’y napamahal na rin sa mabait na aso. Kaya noong nawala ito sa bahay nila’y parang nakakapanibago at nakakapanibago rin ang katamlayan ni Clark. Sabagay… mga bata pa sila at baka nga may kaniya-kaniyang nakalaan para sa dalawa.

“‘Ma!” malakas na tawag ni Carolina kay Glenda. “‘Ma! Dali, pumunta ka muna rito, may ipapakita ako sa’yo,” dugtong pa nito sabay hila sa inang abala sa pagpili ng magandang gulay na bibilhin upang iulam nila sa hapunan.

“Ano ba naman iyon at para kang nasusunugan riyan?!” inis na wika ni Glenda sabay palo sa anak.

“Tingnan mo si Ate Jennifer, may kasamang ibang lalaki,” ani Carolina, sabay turo sa babaeng tinutukoy. “Karga-karga pa nila si Joker! Ano ‘yan, siya na ang bagong tatay ng asong si Kuya Clark ang nag-alaga?” inis na sambit pa nito.

Mataman lamang tinitigan ni Glenda ang tinutukoy ng anak. Nakikita nga ng kaniyang dalawang mata ang tinuturo ni Carolina. Nang gabing magduda siya’y inakyat niya sa kwarto si Clark at masinsinang kinausap. Nalaman niyang si Jennifer ang nakipaghiwalay sa anak at sinabing kailangan nitong unahin ang sarili at ayusin ang pag-aaral na nasisira dahil sa relasyon ng dalawa. Kaya kahit masakit ay pinili ni Clark na palayain ang nobya, at sumang-ayon naman siya sa rason ng dalaga.

Pero ngayong nakikita niya itong may kasamang ibang lalaki? Pakiramdam niya’y gusto niyang maawa sa anak na ilang gabing umiiyak at walang ganang kumain, samantalang ang nobya nito’y may nilalandi na palang iba.

“Hi Jennifer,” nakangiti niyang bati sa dalagang halata ang pagkagulat nang makita siya.

“H-hello po, tita,” ganting bati nito.

Hangad niya ang kaligayahan ni Jennifer sa iba, ayos lang din naman sa kaniya ang nangyari, pero hindi niya mapapalampas ang araw na ito. Gusto niyang makaramdam ng pagkainsulto ang dalaga bilang ganti sa ginawa nito sa kaniyang anak.

“Bago mong nobyo?” tanong niya. Hindi man lang nawawala sa labi ang matamis na ngiti.

“O-opo, tita,” naiilang na sagot ni Jennifer.

“Congrats, hija. Masaya akong may bago ka na. Sabagay, hindi na ako magtataka kung bakit siya ang ipinalit mo sa anak ko, Jennifer, mahilig ka pala talaga sa aso, hija,” ani Glenda sabay haplos sa balikat ng dalaga. “Dito na kami, hija. Magandang araw,” aniya sabay paalam sa dalawa.

Hindi man ipahalata ni Jennifer at ng nobyo nito’y alam niyang naintindihan ng dalawa ang simpleng insulto niya kanina. Oo! Mas ‘di hamak na gwapo naman ang kaniyang anak na si Clark kaysa sa lalaking ipinalit ng dalaga. Kung sumama man ang loob nito sa ginawa niya’y mas naunang sumama ang loob niya rito.

Kunwari pang uunahin ang sarili at pag-aaral! Iyon naman pala’y may nilalandi nang iba. Habang naglalakad sila pauwi ay lihim na nagdiwang ang kaniyang kalooban. Masaya siya dahil kahit papaano ay naipaghiganti niya ang kaniyang nasaktang anak.

Advertisement