Siya na Nga ang Tumulong, Siya pa ang Naging Masama; Obligasyon pa ba Niyang Ipaayos ang Nasirang Bahay ng mga Kamag-Anak?
Pagod na umupo si Sophia sa sofa ng kanilang bahay upang ipahinga ang napapagod na katawan. Kagagaling lamang niya sa istasyon ng bus upang ihatid ang kaniyang kapatid na siyang magdadala ng mga sako-sakong bigas na kaniyang binili kahapon upang ipadala sa probinsya, sa lugar kung saan nasalanta ng dumaang bagyo ang kanilang kamag-anak sa probinsya.
Bumili siya ng sampung sako ng bigas para sa sampung kamag-anak na nasalanta ng bagyo at pinalakipan iyon ng tig-lilimang daang piso. Maliit na halaga ngunit iyon lamang talaga ang nakayanan ng kaniyang bulsa. Naapektuhan din naman sila ng bagyo, ngunit hindi masyado. Hindi gaya sa iba pa nilang kamag-anak na nawalan ng bubong ang bahay at binaha pa. Kaya naisip ni Sophia na abutan ng kaunting tulong ang mga ito.
“Ate, nandoon na raw si Kuya Bernie,” ani Say, ang bunso nilang kapatid. “Naibigay na raw niya ang tulong na ipinaabot mo, ate,” dugtong nito.
Agad na sumigla ang mukha ni Sophia sa narinig. Tantyado niyang sa mga oras na ito’y naroroon na nga ang kapatid at naibudbod na ang tulong na kaniyang ibinigay.
“Oh, kumusta naman daw?” tanong niya.
Maliit na halaga lamang ang kaniyang nagawa, ngunit sapat na upang makaramdam siya ng saya, dahil kahit papaano’y natulungan niya ang mga kamag-anak sa labis na pinsalang natamo sa bagyo.
“Ate, nagrereklamo silang lahat,” aasim ang mukhang wika ni Say.
“H-ha? Bakit naman daw?” salubong ang kilay niyang tanong.
“Salamat daw sa isang sakong bigas,” anito. Tila tinatantya ang sarili kung nararapat bang sabihin pa nito ang huling sinabi ng kapatid na naroroon. “P-pero, ano naman daw ang mabibili nila sa limang daan? Sana raw hindi na lang nagbigay kung limang daan lang,” nakayukong dugtong ni Say.
Pakiramdam ni Sophia ay bumagsak sa kaniyang balikat ang langit. Wala siyang masamang intensyon sa ginawa. Wala siyang ibang ginusto kung ‘di sana’y makatulong sa kaniyang mga kamag-anak na alam niyang nangangailangan ng tulong sa panahong ito. Pero bakit pakiramdam niya’y napasama pa ang kaniyang ginawa?
“Tawagan mo nga ang Kuya Bernie mo, gusto ko siyang makausap,” utos niya sa kapatid.
Ang masayang pakiramdam niya kanina’y biglang nawala. Hindi niya inaasahan na ganito ang magiging kalalabasan ng magandang intensyon niya sa kapwa. Maya maya pa ay inabot ni Say ang selpon sa kaniya.
“Hello, Bernie, kumusta naman d’yan?” kausap niya sa kapatid.
“Ayos lang naman, ate, sobra nga talaga ang ginawa ng bagyo sa kanila,” ani Bernie at isa-isang kinuwento ang naging pinsala ng bagyo, gaya kung paano nasira ang bubong, paano binaha ang lugar at kung ano-ano pa. “K-kaso ate, sabi ni Tiya Celine at Tiyo Manuel, sana raw hindi na lang kayo nagbigay kung limang daan lang din naman,” ani Bernie.
Biglang bumigat ang sentido ni Sophia sa narinig. Wala sa loob na nahilot niya ito at mariing ipinikit ang mga mata. Simpleng pasasalamat lang naman sana ang gusto niya, hindi naman niya sinabing magbibigay siya ng limang daan para ipaayos ang nasirang bahay ng mga ito. Nagbigay siya ng limang daan pandagdag sana sa mga gusto nitong bilhing mga pagkain o tubig.
“Tinanggap ba nila ang pera? Kung hindi, ibalik mo na lang ‘yan sa’kin at mas mapapakinabangan ko iyan, pambili ng pagkain natin,” aniya pigil ang inis sa boses. “Sila na nga ang tinulungan, sila pa ang may ganang ganyanin ako.”
“Tinanggap naman nila ate,” ani Bernie.
“Tinanggap naman pala, sana hindi na lang nagreklamo. Pakisabi sa kanila na hindi ko napulot sa daan ang limang daan na ‘yan. Pinagpaguran ko iyan at pinaghirapan. Kung naisip ko man na bigyan sila, iyon ay dahil akala ko kailangan nila ‘yan upang kahit papapaano’y makabili sila ng makakain nila, hindi upang ipaayos ang nasira nilang bahay. Hindi ko naman obligasyong ipaayos ang bahay nila, pero mabilis naman sana akong hingan, hindi iyong imbes na magpasalamat, kwinentahan pa ako ng gastusin nila. Nakakasama naman ng loob!” dere-deretso niyang litanya.
“Naiintindihan ka namin, pamangkin,” ani Tiya Corazon. “Pinagalitan nga namin kanina sina Celine at Manuel, dahil d’yan. Hayaan mo na sila, baka nabigla lamang sila sa hindi inaasahang trahedya kaya imbes na matuwa ay nadismaya. Pero kaming iba mo pang mga tiyahin at tiyuhin rito, Sophia ay labis na nagpapasalamat dahil hindi mo kami nakalimutan. Hayaan mo na iyong iba, basta kami, napasaya mo kami at sobrang maraming-maraming salamat, Sophia,” mangiyak-ngiyak na wika ni Corazon, na agad namang sinang-ayunan ng iba pa.
Hindi na napigilan ni Sophia ang maiyak sa magkahalong emosyon. Nadismaya at ngayon ay natuwa. May dalawa mang kamag-anak ang hindi nagpahalaga sa ginawa niya, mas marami naman ang natuwa at sumaya sa simpleng pagtulong niya.
“Mag-iingat kayo riyan mga tiya, tiyo,” humahagulhol niyang wika. “Nakakasama lang ng loob pero masaya akong malaman na nasa maayos kayong lagay.”
“Maraming salamat, Sophia!” sabay-sabay na wika ng mga ito.
Matutong magpasalamat sa kaunting biyayang ibinigay sa inyo ng iyong kapwa. Minsan, tayo na nga ang may mabuting intensyon sa’ting kapwa, tayo pa ang napapasama. Ngunit kahit ganoon ay huwag madadalang tumulong. May iilan man ang nagrereklamo, isipin mong mas marami pa rin ang napapasaya mo.