Inaangasan at Pinagbuhatan Niya ng Kamay ang Binata sa Computer Shop; Mali pala Siya ng Binanggang Tao
Isa sa pinakakinakatakutang tambay sa kanilang barangay ang binatang si Jeff. Makita pa lang siya ng mga kabataan, agad nang nagtatakbuhan ang mga ito dahil sa takot sa kaniya.
Bukod kasi sa laki ng katawan at dami ng tattoo na mayroon siya, kilala pa siya sa pagiging basagulero na walang kinakatakutan kahit pa mga awtoridad ng gobyerno.
Sa katunayan, ilang beses na siyang tinangkang hulihin ng mga pulis dahil sa sandamakmak na kalokohang ginawa niya. Isa na rito ay ang pagsisiga niya sa isang pampublikong lugar na kahit matatatandang nagpapahinga sa parke ay sapilitan niyang pinaalis dahil gusto niya lang masolo ang lugar na iyon.
Hindi niya lubos akalain noon na isa pala sa matatandang kaniyang minura upang umalis ay isa palang abogado at siya ay agad na sinumbong sa mga pulis.
Ngunit dahil dadalawa lang ang rumespondeng pulis sa reklamong iyon, agad niya itong natakasan. Nagawa niya pa ngang murahin ang mga pulis na iyon dahil bukod sa mabagal na nga tumakbo, hindi pa siya matamaan ng baril kahit pa ilang metro lang ang layo niya sa mga ito.
Dahil nga wala pang nakapagbibigay sa kaniya ng leksyon at maraming kabataan ang nagiging sunud-sunuran niya, patuloy niyang ginagawa ang pagiging siga sa kanilang lugar.
Isang araw, pagkamulat palang ng kaniyang mata, agad na niyang naisipang maglaro ng computer games pero dahil nga wala siyang sariling kompyuter at internet, naisipan niyang magtungo sa pinakamalapit na computer shop, bitbit-bitbit ang bagong timpla niyang kape.
Kaya lang, pagdating niya roon, agad siyang inabisuhan ng may-ari na wala nang bakanteng kompyuter na pupwede niyang gamitin dahilan para tingnan niya kung okupado na nga ba ang mga kompyuter doon.
Ngunit, napansin niyang ang isang halera ng mga kompyuter ay wala pang tao.
“Niloloko mo ba ako? Sa hilerang iyon, isa lang ang naglalaro!” sigaw niya sa may-ari.
“Nirentahan na noong batang ‘yan ang lahat ng kompyuter na ‘yan,” sagot nito dahilan para makaisip siya ng paraan kung paano makakalibre sa paglalaro.
Agad niyang pinuntahan ang binatang mag-isang naglalaro sa hilerang iyon at naupo sa tabi nito.
“Hindi ka pwedeng umupo riyan. Bayad ko na ‘yan,” saway nito sa kaniya.
“Aba, matapang ka, ha? Hindi mo ba ako kilala?” patawa-tawa niyang sagot dito.
“Hindi, at kung sino ka man, hindi ako natatakot sa iyo,” tugon nito na agad nagpataas ng dugo niya.
“Ah, ganoon?” wika niya saka agad niyang hinigit ang kwelyo nito.
Buong akala niya ay matatakot na ang binata at siya’y hahayaang maglaro kaya lang, siya’y bigla nitong sinapok at binalibag na labis niyang ikinagulat.
Gaganti pa lang sana siya nang bigla na siyang hinawakan ng tatlong lalaki na body guard pala ng binatang ito.
“Hindi lahat ng tao, masisindak mo, totoy,” bulong pa nito sa kaniya saka siya dinuraan sa mukha.
Sa sobrang inis niya, muli siyang nagpumiglas at nagawa niya itong sipain sa likuran.
“Aray ko! Ang likuran ko! Daddy, may sigang nanakit sa akin dito sa computer shop!” pag-iinarte nito habang may kausap sa selpon na labis niyang ikinailing.
“Wala ka pala, eh!” sigaw niya.
Kaya lang, bago niya pa ito muling masaktan dahil sa labis na panggigigil, narinig niya ang tunog ng isang patrol dahilan para siya’y matarantang lumabas.
“Saan ka pupunta? Wala ka nang tatakasan, totoy,” tawang-tawa sabi ng binata at doon na nga siya tuluyang nadakip ng mga pulis.
“Mali ka ng binangga ngayon. Tagapagmana pa talaga ng isa sa pinakamayaman sa bansang ito? Siguradong mabubulok ka ngayon sa kulungan!” sigaw sa kaniya ng pulis na agad niyang ikinakaba.
Pagkadating niya sa presinto, siya’y labis na nagmakaawa sa binatang iyon at sa ama nito. Sabi niya pa, “Kahit gawin niyo po akong alila, ayos lang! Huwag niyo lang po akong ipakulong!”
Ngunit nang malaman ng mga ito ang kaniyang mga pinaggagagawa, siya’y tuluyang pinakulong ng mga ito.
“Papalagpasin ko na sana kung ako lang ang sinigaan mo, eh. Kaso, pati pala mga walang labang tao, pinagmamalakihan mo,” bulong pa ng binata na talagang nagpaguho ng mundo niya.
Kahit anong pagsisisi man ang gawin niya habang nasa bilangguan, walang kapantay ang kalungkutan nararanasan niya roon.
“Ito na ba ang parusa sa lahat ng kalapastanganang ginawa ko? Sana mapatawad na nila akong lahat para makalabas na ako rito. Kapag nangyari iyon, magpapakatino na talaga ako!” iyak niya habang nakaluhod sa kaniyang selda.
Ilang taon pa man ang itatagal niya roon, ginawa niya ang lahat para maging maayos na ang kaniyang pagkatao. Nakiisa siya sa mga livelihood program sa loob ng kulungan na nagbigay ng daan upang maging maayos ang pananaw niya sa buhay.