Inday TrendingInday Trending
Ang Kaibigan Niya ang Gusto ng Lalaking Kaniyang Sinisinta; Ngunit Hindi Niya pa rin Magawang Puksain ang Damdamin Para Rito

Ang Kaibigan Niya ang Gusto ng Lalaking Kaniyang Sinisinta; Ngunit Hindi Niya pa rin Magawang Puksain ang Damdamin Para Rito

“Sabay tayo umuwi, ha,” anang kaibigan niya na si Rochelle.

“Oo na! Hindi na ako nakapagbasa, ang kulit-kulit mo,” natatawang sagot niya bago ito pabirong itinaboy palabas ng silid-aklatan.

Nagkunwari itong nagtatampo bago kakaway-kaway na lumabas.

Napailing na lang si Eunice bago niya muling itinuon ang atensyon sa aklat na binabasa.

Ilang minuto lang ang lumipas ay isang pamilyar na boses ang nagsalita sa harap niya.

“Miss, pwede maki-share sa lamesa?”

Halos tumigil ang inog ng mundo niya nang pagtingala niya ay bumungad sa kaniya ang gwapong mukha ni Santi.

Unang taon niya pa lang sa eskwelahan ay ito na ang pumukaw sa atensyon niya. Ngayon, magtatapos na lang sila sa kolehiyo ay ito pa rin ang nilalaman ng puso niya.

“S-sige, w-wala namang nakaupo riyan,” nauutal na sagot niya.

Ngumiti ito, kaya naman lalong lumakas ang tibok ng dibdib niya.

Halos hindi niya maintindihan ang binabasa niyang libro. Paano naman siya makakapag-isip nang maayos kung nasa harapan niya lang ang lalaki na noon pa ay gustong-gusto niya na?

Mataman siyang nakatitig sa binabasa niya, ngunit ang totoo ay wala roon ang atensyon niya.

Napapitlag siya nang muling marinig ang malamyos na tinig ni Santi.

“Miss…” anito.

“B-bakit?” kalmadong sagot niya, malayong-malayo sa delubyo na kinakaharap ng kaniyang puso.

Ilang sandaling nag-alangan ang lalaki bago ito tila nagkaroon ng lakas ng loob.

“N-nakita ko kasi na kausap mo si Rochelle… kakilala mo b-ba siya?” utal-utal na tanong nito.

Bumagsak ang balikat ni Eunice. Sinasabi niya na nga ba. Sino ba naman kasi siya para mapansin ni Santi? Simpleng estudyante lang siya na parating aklat ang kaharap.

Samantalang ang kaibigan niyang si Rochelle ang pinapantasya ng lahat—maganda ito, mabait, at matalino.

“Oo, malapit na kaibigan ko si Rochelle,” sagot niya, may pilit na ngiti sa labi.

Ngumiti ito.

Matagal bago ito muling nagsalita. Tila nahihiya ito, base sa tipid nitong ngiti.

“P-pwede mo kaya akong tulungan na mapalapit sa kaniya, E-Eunice?” nag-aalangang tanong nito.

Nadurog man ang puso niya sa narinig, tila may mainit na palad pa rin na humaplos sa puso niya nang tawagin nito ang pangalan niya. Ni hindi niya nga alam na kilala pala siya ng lalaking sinisinta.

“Kilala mo ako?” gulat na usisa niya.

Mulagat na tumango ito, mukhang nagulat sa tanong niya.

“Oo. K-kasi kaibigan ka ni Rochelle,” anito.

Binalot man siya ng pagkadismaya ay pumayag siya sa pakiusap ng lalaki. Alam niya rin naman na hindi niya ito matatanggihan.

Simula noon, ang madilim na buhay ni Eunice ay napuno ng kulay. Imbes kasi na puro libro ang kasama niya, napalitan na iyon ng presensya ni Santi.

Halos araw-araw ay magkasama sila ng lalaki dahil itinuturo niya rito kung paano nito mabibihag ang pihikang puso ng kaibigan niya.

Ang kaso, pilit man niyang puksain ang damdamin para sa lalaki ay hindi niya magawa. Napalapit na rin kasi ang loob niya rito. Mabait ito, maalalahanin, at masipag, mga katangiang hinahanap niya sa isang lalaki.

Subalit sa ayaw man niya o sa hindi, alam niya na darating ang araw na mawawala na ito sa tabi niya at bibihagin nito ang puso ng kaibigan niya.

Isang araw ay dumating ang kinatatakutan niya.

“Salamat sa lahat ng tulong mo, Eunice. Sa tingin ko ay handa na ako…” sabi ni Santi. Sa pagtataka niya, may malungkot na ngiti sa labi nito.

Itinago niya ang sakit sa pamamagitan ng isang ngiti.

“Walang anuman, Santi. Magiging masaya ako kung sa isang tulad mo mapupunta ang kaibigan ko,” bukal sa loob na wika niya. Alam niya kasi na wala siyang ibang magagawa kundi ang magparaya at pakawalan ang iniibig.

Hindi namalayan ni Eunice na tumutulo na pala ang luha niya habang matamang nakatitig sa mukha ng lalaki.

Naramdaman niya lang ang mariing paghawak ni Santi sa kaniyang mga balikat. Seryoso ang mukha nito, nasa mata ang pagtatanong.

“Bakit ka umiiyak?” marahang tanong nito habang pinupunasan ang luha niya.

Mas lalo lang siyang napabunghalit ng iyak. Hindi niya kasi alam kung kaya niya ba talaga itong ipaubaya sa iba. Kahit pa sa kaibigan niya.

“S-sorry, Santi. Akala ko kasi kaya ko. Pero hindi, hindi ko pala kaya na makita kang masaya sa iba!” umiiyak na pag-amin niya.

Matagal itong hindi nagsalita. Tumulo ang luha sa mga mata nito.

“Akala ko… Akala ko hanggang kaibigan na lang talaga ako. Muntik na akong mawalan ng pag-asa at sumuko!” bulalas nito bago siya niyakap nang mahigpit.

Noon nalaman ni Eunice na siya pala talaga ang gusto ni Santi. Sa sobrang pagkataranta nito nang makausap siya ay kung ano-ano ang naidahilan nito, kaya inakala niya na si Rochelle ang gusto nito. Hindi na raw nito naituwid ang pagkakamali sa takot na lumayo siya.

Nang araw na iyon, nabigyan ng linaw ang damdamin nila sa isa’t isa. Nakuha ni Eunice ang pinakaninanais niya—ang puso ni Santi.

Mahaba man at maraming pasikot-sikot ang kwento nila, laking pasasalamat niya na dinala pa rin siya ng tadhana sa bisig ng minamahal niya.

Advertisement