Inday TrendingInday Trending
Inabuso ng Lalaki ang Pasensya ng Mabait Niyang Asawa; Hanggang Saan ang Kaya Nitong Tiisin?

Inabuso ng Lalaki ang Pasensya ng Mabait Niyang Asawa; Hanggang Saan ang Kaya Nitong Tiisin?

Gabing-gabi ay sigawan ang maririnig sa bahay ng mag-asawang Gilbert at Cheryl.

“Sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos, Gilbert! Talaga bang gusto mo akong pat@yin sa sakit ng ulo?” konsumidong bulalas ng kaniyang maybahay.

Ungol lang ang naisagot niya. Tila binibiyak ang ulo niya sa labis na sakit. Nakailang bote ng alak kasi silang magkakaibigan. Hindi niya nga alam kung paano siya nakauwi nang buo at hindi naaksidente.

Gayunpaman, gaya ng madalas nitong gawin ay inakay siya nito papasok sa silid nilang mag-asawa. Pinunasan siya nito ng basang bimpo at pinalitan ng damit.

Nang muling magmulat ng mata si Gilbert ay tirik na ang araw. Agad niya naamoy ang mabangong samyo ng pagkain.

Nang tunguhin niya ang kusina ay nakita niya ang asawa na naghahain sa lamesa.

“Ang sakit ng ulo ko,” tila batang reklamo niya.

“Kakalaklak mo ‘yan!” nakairap nitong sagot bago may kinuhang kung ano sa kabinet.

Napangiti siya nang iabot nito ang isang tableta.

“Inumin mo ‘yan, nang mawala ang hangover mo,” anito.

Habang kumakain sila ay panay ang sermon nito.

“Alam mo, maaga akong mamamat*y dahil ang pasaway mo! Daig ko pa ang nagpapalaki ng anak!” himutok nito.

Gaya ng dati ay inamo-amo niya ang asawa. Hindi naman ito mapagtanim ng galit, bagay na pinagpapasalamat niya. Kung nagkataon kasi na hindi ito mapag-pasensya, baka matagal na silang naghiwalay.

“Wala naman akong sasabihin kung mag-inom ka. Ang kaso ay nagmamaneho ka pauwi! Paano kung madisgrasya ka niyan?” patuloy na sermon nito.

Sa huli ay wala siyang nagawa kundi ang mag-sorry sa asawa at mangako na hindi niya na ulit pa gagawin ang mga ayaw nito.

“Konti na lang mapupuno na ako. Kapag ako napuno, lalayasan kita,” banta nito, na ipinagkibit-balikat niya na lang. Sa tagal na kasi nilang magkasama ay hindi na niya mabilang kung ilang beses silang naghiwalay. Nagkakabalikan din naman sila.

“Babawi ako. Uuwi ako nang maaga, tapos magba-bonding tayo,” pangako niya sa asawa.

Nang araw na iyon, tanghali pa lang ay hindi na mapakali si Gilbert. Birthday kasi ng kumpare niya, at ang sabi nito ay manlilibre raw ito sa isang beer house. Ni minsan ay hindi pa siya nakapunta sa ganoong lugar, kaya naman hindi niya maiwasan na masabik.

Tuluyan nang nawala sa isip niya ang pangako niya sa asawa.

Nang makarating sila roon ay nagkakagulo na ang mga kalalakihan. Halos mapuno kasi ang lugar ng mga seksing babae.

Maya’t-maya rin ang pagdating ng inumin, kaya naman maligayang-maligaya si Gilbert.

“Gilbert, pare, bakit naman ayaw mo mag-table ng babae? Sinasayang mo naman ang biyaya niyan,” kantiyaw ng kaibigan niyang si Tom.

Umiling siya habang malagkit ang tingin sa isang mestisang babae sa ‘di-kalayuan.

“Hindi pwede, pare. Magagalit si Kumander,” umiiling na tanggi niya.

Ngunit sa huli ay nabuwag din ang bahagya niyang tanggi. Ang seksing mestisa kasi ay walang sabi-sabing kumandong sa kaniya. Inulan na siya ng kantiyaw kaya nagpatianod na lang siya.

Nawili si Gilbert sa kausap na babae, at nang tingnan niya ang kaniyang cellphone ay nakita niya ang maraming beses na pagtawag ng asawa niya.

“Lagot na…” bulong niya pa nang makita na mag-aalas tres na pala ng umaga.

Nang makarating siya sa bahay nila ay alas kwatro na ng madaling araw.

Antok na antok na siya at halos bumagsak na sa pagod nang salubungin siya ng talak ng asawa.

“Saan ka nanggaling? Nakalimutan mo ba ang usapan natin? Magdamag akong naghintay sa’yo na parang t@nga! Hindi mo man lang naisipan tumawag?” litanya nito.

“Bukas na tayo mag-usap, pagod ako…” pakiusap niya.

Tila lalo lang nag-igting ang galit ni Cheryl.

“Pagod ka? Saan ka napagod?”

Saglit itong tumigil bago inamoy-amoy ang kwelyo niya.

“Nambabae ka? Bakit amoy babae ka?” muli ay usisa nito.

“Walang nangyari. May mga kausap lang kaming babae sa mesa,” paliwanag niya.

“Ang kapal ng mukha mo! Lahat na lang ginawa mong bisyo! Pati pambababae!” akusa nito.

Agad na kumulo ang dugo ni Gilbert. Ni hindi nga siya humawak ng kahit na sinong babae, ito pa ang mapapala niya?

“Tumigil ka na, Cheryl. Hindi totoo ‘yang binibintang mo sa akin,” pigil ang galit na sagot niya sa asawa.

Ngunit man lang naibsan ang galit ng asawa. Patuloy ito sa paglilitanya.

Marahil dahil sa pagod, o ispiritu ng alak ay hindi na napigil ni Gilbert ang pag-igkas ng kanang kamay niya.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nasampal niya ang asawa.

Bahagya siyang nakaramdam ng pagsisisi nang makita ang pag-iyak ng asawa, ngunit inignora niya na lang iyon at dumiretso siya sa kama upang ipahinga ang pagod niyang isip at katawan.

Kinabukasan, paggising niya ay wala ang asawa. Nahinuha niya na naglayas ito at pumunta sa bahay ng magulang nito, bagay na madalas nitong gawin sa t’wing nag-aaway sila.

“Babalik din ‘yun kapag malamig na ang ulo niya,” sa loob-loob niya.

Lumipas ang maghapon, at wala siyang narinig na anuman mula sa asawa.

“Hindi niya naman ako matitiis.” Iyon ang nasa isip niya.

Ngunit nang lumipas ang isang linggo at hindi pa rin bumabalik ang asawa ay doon na siya nag-isip-isip. Mukhang mas malalim kaysa sa inaasahan niya ang galit ng asawa.

Kaya naman imbes na palawigin pa ang away nila, naisip niya na siya na mismo ang susuyo sa asawa.

Maaga pa lang, bitbit ang isang pumpon ng bulaklak ay tinungo niya ang bahay ng kaniyang mga biyenan.

Isang malakas na suntok ang sumalubong sa kaniya nang ang ama nito ang nagbukas ng pinto.

“Ang kapal ng mukha mong pumunta rito! Hindi ka pa nakuntento sa ginawa mo sa anak ko!” malakas na sigaw ng lalaki habang walang patid ang pagtulo ng luha nito.

Ang ina nito ay tahimik lang na umiiiyak sa isang tabi.

“Nagpapaliwanag ako! Mahal, Cheryl, lumabas ka riyan!” sigaw niya, sa pag-asa na maririnig siya ng asawa.

“Wala na siya! Nailibing na siya kahapon, kaya hindi ka na niya maririnig,” matigas na bulalas ng biyenan niyang babae. Matalim din ang tingin nito sa kaniya.

Nanlamig si Gilbert bago bumaling sa babae. Nais niyang maunawaan ang sinasabi nito.

“Ano ho ang sinasabi niyo? Sino ho ang nakalibing na?” usisa niya.

Napahagulgol ito.

“Ang asawa mo, Gilbert. Wala na si Cheryl.”

Tila huminto ang pag-inog ng mundo niya dahil sa masamang balita.

“P-paano nangyari ‘yun? Ano’ng nangyari sa asawa ko?” umiiyak na usisa niya, iniisip kung masamang biro lang ba ang lahat.

“Nakunan siya dahil sa stress. Nagkaroon ng komplikasyon…” paliwanag ng babae.

Mas lalo lang siyang napaiyak. Ni hindi man lang niya alam na buntis pala ang asawa. Ni sa hinagap ay hindi niya inisip na hindi niya na muli pang makakaharap ang kaniyang asawa.

Habang lumuluha si Gilbert ay siya namang pagbuhos ng malakas na ulan, tila sumasabay sa pagdadalamhati niya.

Nakaramdam siya ng pait nang maalala ang huli nilang pag-uusap ng asawa. Tunay nga naman na hindi natin alam ang takbo ng buhay. Kaya itrato natin nang tama ang ating mga mahal sa buhay nang sa huli ay wala tayong pagsisisihan.

Advertisement