Nais na ng Binata na Magbitiw sa Trabaho Bilang Isang Kartero; Tunay nga ba na Wala nang Silbi sa Tao ang Industriyang Ito?
“Pasensya na po kayo pero pinal na po ang desisyon kong magbitiw sa trabaho,” pahayag ni Jose.
Isang malalim na buntong-hininga naman ang naging sagot ng boss niya. Sa loob ng ilang taon niyang pagseserbisyo bilang kartero, napalapit na rin ang loob niya rito nang husto lalo na’t napakabait nito sa kaniya.
“Ano ka ba naman! ‘Wag ka nang humingi ng pasensya at naiintindihan ko naman. Sa katunayan nga, hanga ako sa iyo na nakatagal ka sa ganito. Ikaw na lang ang natitira kong empleyado,” anito na may ngiti sa labi.
Tipid din siyang napangiti sa narinig.
“Hindi ko rin naman masisi ‘yung mga umalis. Kahit nga ako, napapaisip nitong mga nakaraang araw na isara na ang lugar na ito at ipagbili na lang,” pahayag nito kapagkuwan.
Pareho silang napabuntong-hininga habang sinusuyod ng tingin ang lumang opisina. Talaga namang wala nang buhay doon ay napaglipasan na ng panahon.
Noong araw ay halos hindi sila magkamayaw sa paghahatid ng mga liham na ipinapadala ng mga tao. Pero sa paglipas ng panahon, unti-unting nanamlay ang industriya.
Naging madalang ang mga taong sumasadya para sa kanilang serbisyo. Natabunan sila ng teknolohiya at napag-iwanan ng panahon.
Malaki ang naging epekto ng pagbabagong iyon kay Jose. Pakiramdam niya ay wala nang saysay ang kaniyang ginagawa kaya sa huli, napagdesisyunan na rin niyang magbitiw na lang sa trabaho at maghanap ng ibang pagkakakitaan.
“Mauna na ho ako. Maraming salamat,” paalam niya makalipas ang ilang sandali.
Inilahad ng amo niya ang kamay nito bilang pasasalamat sa huling pagkakataon. Palabas na sana siya nang gulatin sila ng sunod-sunod na katok sa pinto.
Nang buksan niya ang pinto ay bumungad ang isang pamilyar na matandang lalaki. Agad niya itong nakilala bilang si Mang Cardo, isang magsasaka na ilang taon na ring residente ng lugar.
“Mang Cardo, ano hong sadya natin ngayon?” usisa ng kaniyang boss.
Alam man ni Jose na hindi tamang makinig sa usapan ng may usapan ay hindi niya maiwasang marinig ang usapan ng dalawa.
“Magandang umaga po. Nagpunta po ako dito para sana magpadala ng sulat. Heto ho,” sagot nito saka dinukot ang isang puting sobre mula sa sariling bulsa.
Nagkatinginan sila ng kaniyang boss. Lumapit sa matanda para ipaliwanag ang sitwasyon.
“Naku, pasensya na po kayo, Mang Cardo. Hindi na po namin kayo matutulungan. Sa totoo lang po, lahat po ng empleyado kong kartero ay nagbitiw na sa trabaho, kaya wala na pong pwedeng maghatid ng sulat niyo,” paliwanag nito sa matanda.
Bakas ang gulat sa mukha ng matanda. Nagpabalik-balik ang tingin nito sa kanilang dalawa.
“Naku, ganoon ba? Paano na kaya ito ngayon?” nanghihina nitong tanong, bakas sa mukha ang matinding panghihinayang.
“Para kanino po ba ang ipapadala niyo? Bakit po hindi niyo na lang po tawagan?” hindi mapigilang usisa ni Jose.
Nilingon siya nito. Kita niya ang pag-aalangan sa mukha nito nang sagutin ang tanong niya.
“P- para sa anak ko sana,” anito na bahagya pang nanginig ang boses.
Nagulat man ay hindi siya nagpahalata. Hindi niya alam na mayroon pala itong anak. Mag-isa lang kasi ang matanda sa buhay.
“Kung ganun po gusto niyo po bang tawagan na lang natin? Alam niyo po ba ang numero?” tanong niya, nais itong tulungan sa huling pagkakataon.
Umiling ito.
“Hindi ganoon kadali iyon dahil sa totoo lang, baka nga hindi niya ako makilala o kaya naman baka hindi niya ako tanggapin. Matagal na mula nang mawalay kami sa isa’t-isa. Bata pa siya noong ipinaubaya ko siya sa ibang pamilya sa sobrang kahirapan,” kwento nito habang nanunubig ang mata.
Tahimik siyang nakinig.
“Kamakailan lang ulit nang may nakapagsabi sa akin na alam nila kung saan siya nakatira. Ang sabi ikakasal na daw siya sa susunod na linggo kaya naisip kong magbaka-sakali rito. Gusto ko lang ipadala ang sulat sa kaniya, para malaman niya kung gaano ko siya kamahal at araw-araw ko siyang iniisip,” umiiyak nitong pagsasalaysay.
Parang biniyak ang puso ni Jose dahil sa istorya ng matanda.
Sa kagustuhan niyang makatulong, isang ideya ang naisip niya. Kinuha niya ang sulat mula sa kamay ng umiiyak na matanda.
“Mang Cardo, ‘wag na ho kayong umiyak. Sisiguraduhin ko ho na makakarating ito sa anak niyo,” pangako niya.
Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon. Nang araw rin na iyon tumulak siya paalis para puntahan ang anak ni Mang Cardo.
Medyo may kalayuan iyon, pero sa huli ay natunton niya rin ang isang may-karangyaan na bahay.
“Sino po sila? Ano pong kailangan niyo?” tanong ng isang babae.
“Dito po ba nakatira si Nenita Ramos? May sulat ho kasi para sa kaniya,” maagap niyang sagot.
Balot ng pagtataka ang mukha ng babae.
“Ako ho si Nenita. Ano pong sulat yan? Wala naman akong inaasahan,” anito.
Bilang sagot ay iniabot niya sa babae ang sobre.
“Sana ho ay mabasa n’yo ang sulat,” aniya bago naglakad palayo.
Hindi pa siya nakakalayo ng may tumawag sa kaniya. Nang lingunin niya ay nakita niya si Nenito na umiiyak habang hawak ang sulat.
“Nasaan ang tatay ko? Alam mo ba kung nasaan siya? Gusto ko siyang makausap,” pakiusap nito.
Walang pag-aatubili siyang pumayag. Sinamahan niya ito sa bahay ni Mang Cardo at sa unang pagkakataon ay nagharap ang mag-ama.
“Ang anak ko!” umiiyak na bulalas ni Mang Cardo.
“Wala po akong galit sa inyo, Tatay. Gusto ko na lang po kayong makasama ulit. Ikakasal na po ako at kung ayos lang sa inyo, gusto ko po sanang kayo ang maghatid sa akin sa altar,” ani Nenita.
Masayang nagyakap ang mag-ama.
Masayang masaya si Jose sa resulta ng ginawa niyang pagtulong. Dahil sa nangyari ay hindi niya na ninais pa magbitaw sa trabaho.
Nais niya kasi na may teknolohiya man, may mga relasyon pa rin na kayang ayusin ng isang munting sulat—gaya ng lamat sa pagitan ng mag-amang Cardo at Nenita.