Inday TrendingInday Trending
Mukhang Pera ang Lalaki Kaya Wala na Siyang Oras sa Sariling Pamilya, Kinailangan Pang Mapahiya Siya Bago Matauhan

Mukhang Pera ang Lalaki Kaya Wala na Siyang Oras sa Sariling Pamilya, Kinailangan Pang Mapahiya Siya Bago Matauhan

“Lito, nabili mo na ba iyong pinaka-bagong labas na Play Station?” Hinihintay na ng mga anak ko ‘yon. At yung pina-order ko na mga bagong bag sa Paris, nakarating na ba sa asawa ko?” Pagtatanong ng big boss na si Roy sa kanang kamay na si Lito.

“Yes, sir. Hindi ba kayo nagkita-kita sa bahay ninyo kagabi? Noong makalawa pa nila nilalaro ‘yon, boss. Natapos na nga yata nila lahat ng larong ipinalagay ko doon. Si Madam Ivy nakita ko sa Facebook na gamit na iyong mamahaling bag. Namasyal sila ng mga anak niyo sa mall kahapon, boss. Kaya pala wala ka doon sa litrato, nagliwaliw na naman sila ng wala ka.” Tatawa-tawa at hindi makapaniwalang saad ni Lito.

“Mangangantiyaw ka na naman. Oo na, wala na akong kaalam-alam sa nangyayari sa pamilya ko. Ikaw na ang mahusay at ulirang ama. Kaya pala ni hindi mo maipasok sa private school si Junjun mo.” Nanghahamak na sagot ni Roy.

Napailing na lamang si Lito. Palibhasa’y dahil wala nang oras ang amo’y binubusog na lamang nito ang pamilya sa mga magagarbong luho.

Bigla namang nag-ring ang telepono sa opisina’t agad itong sinagot ni Lito.

“Madam, opo nandito po……….” Magsasalita pa sana si Lito ngunit sinesenyasan siya ng amo. Pinapalabas nitong wala siya sa opisina. Bilang sanay na sa mga ganoong eksena’y agad naman itong na-gets ni Lito.

“Opo nandito po ako… Ako lang po ang nandito… Wala po si Boss… May meeting…” Pagsisinungaling ni Lito.

Matalinong babae si Ivy. Sa walong taong naglilingkod sa kanila si Lito ay kabisado na niya ang tono ng boses nito. Pinagtatakpan na naman nito ang asawa. Ngunit gayunpaman, gaya ng lagi niyang ginagawa’y nagpanggap na lamang siya na pinaniwalaan ang sinabi ni Lito.

“Mga anak, nasa meeting si Daddy. Mukhang gabi na naman siya makakauwi. Siguradong tulog na kayo by that time. Ako na lang muna ulit ang makikipaglaro sa inyo, okay?” Bakas sa mukha ni Ivy ang lungkot sa ibinalita sa mga anak.

Malaki rin ang ambag ni Ivy sa negosyong pinatatakbo ni Roy. Katunayan ay siya talaga ang nagsimula nito. Noon ay namamasukan lamang siyang sekretarya ng may-ari ng isang agency na nagpapadala ng mga empleyado sa iba’t-ibang bansa. Nalulong sa sugal ang kaniyang boss kaya’t ipinasara na lamang ito. Bilang alam na niya ang pasikot-sikot sa negosyo’y nagtayo sila ni Roy ng sariling agency. Ang mga dating kliyente ng kaniyang boss ay nagsilipatan sa kanila. Malaki kasi ang tiwala at bilib nila kay Ivy. At doon na nagsimula ang lahat. Naghinto lamang ito sa pagtulong sa asawa nang mabuntis sa una nilang anak na si Miguel.

Tutok na tutok ang kaniyang kabiyak sa negosyo at hindi na ito halos namamahinga. Palibhasa’y napakahirap ng kanilang buhay nang sila’y bagong kasal pa lamang. Pareho naman silang may trabaho ngunit hindi sapat ang kanilang kita noong araw. Inutang lamang kasi nila ang perang ginamit para sa kanilang kasal kaya’t unti-unti nila itong binayaran.

Gaya ng nakasanayan, pumunta na lamang mag-isa sa eskuwelahan ng anak si Ivy kasama ang tatlong yaya. Ni hindi pa nasisilayan ng mga kapwa niya magulang ang mukha ng kaniyang mister. Pati ang mga guro’y nag-akalang nasa ibang bansa ito kaya ganoon na lamang ang pagkasabik ni Ivy na ipakilala ang mister sa mga ito.

Overall Top 1 ang kanilang panganay na anak na si Miguel, sabik din itong makita ang ama at nangangarap siyang ito naman ang magsabit sa kaniya ng medalya. Taon-taon na lamang kasing wala ito tuwing recognition day.

Ngunit gaya ng dati, wala na naman ang kaniyang Daddy.

Mabuti na lamang at naroon ang tatay ng bestfriend niyang si Carlo. Tito Floyd ang tawag niya dito sapagkat para na rin itong tunay niyang tiyuhin. Single dad ito, guwapo, at kapwa negosyante din. Hangang-hanga ang bata dito sapagkat kahit nagpapalakad ito ng negosyo ay tinitiyak niyang may oras pa din siya upang ipasyal at makipag-bonding kay Carlos.

Sabik na sabik hindi lamang si Miguel kung hindi pati ang mga kapatid niyang si Mikko at Terrence sa isang “father figure”. Paano ba nama’y halos hindi na nila masilayan kahit ang anino ng ama. May mga pagkakataong nakakasabay nila itong kumain ngunit sa cellphone naman ito nakatutok. Tila hindi man lamang ito nakikinig sa mga kuwento ng anak.

Isang gabi, bago matulog ay nakita ni Roy na tila nagba-bonding ang tatlo niyang anak. Nag-uusap-usap ang mga ito at may hawak na mga lapis at gamit pangkulay. Sinilip niya ng palihim mula sa nakaawang na pinto ng kuwarto ng mga bata kung ano ang iginuguhit ng mga ito. Isang larawan ng lalake. Natuwa naman si Roy sa nakita, tila iginuguhit ng mga anak ang kaniyang imahe.

Kinabukasan, hindi na inasahan pa ni Ivy na sasama ang asawa kung sakaling isama niya ito sa program sa eskuwelahan ng mga bata. Laking gulat niya ng mag-presinta pa ang asawa.

“Oh, aalis na kayo? Hindi niyo man lang ako hihintayin?” Pormadong pormado si Roy at handa nang umalis.

Nabigla naman ang mga anak niya ngunit bakas sa mga mukha nito ang pagkatuwa. Sabay-sabay na niyakap ng tatlo ang kanilang daddy.

Dahil sabik na sabik ang mga bata, habang nasa sasakyan ay walang tigil sa kakakuwento ang mga ito. Hindi naman mapakali si Roy. Nakalimutan niyang may kailangan nga pala siyang puntahang kliyente nang umagang iyon. Nagpanggap na lamang siyang nakikinig sa mga ito. Nahalata naman ito ni Ivy kaya’t busangot ang mukha nito.

Nang makarating sa eskuwelahan ay nagmamadaling lumakad si Roy. Natigilan siya ng maghiyawan ang mga anak nang makasalubong ang isang guwapong lalakeng may akay na batang halos kasing edad ni Miguel – si Carlos. “Hi, TIto Floyd!” Bati ni Miguel dito, sabay appear-disappear-1/2-1/4, may pagkindat pa sa huli. “Uyy si Idol!” Bati ng pangalawang anak na si Mikko dito. “Naks, ayos na ayos ha! Kamukhang kamukha ni Robin Padilla! Kaya idol na idol ka namin e!” Humalik pa ang bunsong anak na si Terrence dito.

“Ganda ng mommy niyo ngayon. Iba din… Pinaghandaan…!” Pagbibiro ni Floyd kay Ivy saka tumingin kay Roy at ngumiti. Ang nakasimangot na si Ivy ay humagalpak naman sa kakatawa. Hinampas pa nito si Floyd sa braso.

Agad naman siyang pinakilala ng mga anak kay Floyd.

“Gusto lamang nitong sabihin na pinaghandaan ng asawa ko ang pagsama ko dito sa eskuwelahan pero parang inis na inis ako sa kaniya.” Batid ni Roy sa sarili. Nakangiti lamang siya ngunit nagngingitngit na ang kalooban nito sa selos. Hindi na niya matandaan kung kailan niya huling nabiro ang misis. Naalala niyang ugali talaga nitong nanghahampas tuwinang nahihiya kapag napapansin ang ganda nito.

“Ay, teka lang. Naiwan ko sa kotse ko yung painting ni Carlos. Ang guwapo ko pa man din doon.” Pagbibiro ni Floyd.

Nahimasmasan naman si Roy, naalala niyang ipininta din ng kaniyang mga anak ang imahe niya.

“Mga anak, patingin nga ako ng painting ninyo sa akin.” Nakaismid pa ito kay Floyd na tila nagyayabang.

Napatigil sa pagkakangiti ang kaniyang mga anak at niyakap ang hawak na folder.

“Sige na, mga anak. Show your paintings to dad na. Sumama pa siya dito kahit super busy niya. Natuwa siya sa paintings niyo sa picture niya.” Pangungumbinsi ni Ivy sa mga anak.

Hindi nagsasalita ang mga anak, yakap-yakap pa rin nito ang folder na naglalaman ng paintings.

“Let’s go, kids. Magstart na daw yung program.” Humahangos na saad ni Floyd. Tinakbo nito sa parking lot ang painting ng anak.

“Wow! Ang galing mo palang mag-paint, Carlos.” Saad ni Roy sa bestfriend ng anak.

Nagtataka na si Roy sapagkat tila ayaw ipakita ng mga anak ang painting ng mga ito.

Sa pagmamadali ay hinablot na ni Roy isa-isa ang mga folder na hawak ng mga anak, pagbukas niya’y para siyang binuhusan ng malamig na tubig, sabay nag-init ang mga mukha niya sa pagkapahiya.

Hindi mukha niya ang ipininta ng mga anak bagkus mukha ni Floyd.

Nagulat din si Ivy at Floyd sa nakita. Tila hiyang-hiya din si Floyd at agad itong nagpaalam na mauuna na.

“Sorry, dad. Sabi kasi ni teacher i-paint namin ang mukha ng lalakeng pinaka-idol namin.” Saad ng bunsong si Terrence.

Tinakpan naman ng panganay na si Miguel ang bibig ng kapatid ngunit huli na ang lahat. Nasabi na nito ang masakit na katotohanan.

Lumuluhang bumalik si Roy sa parking lot. Doon niya napagtanto na walang ibang nagkulang sa nangyari kung hindi siya. Hindi na ito nakadalo ng program sa pagkapahiya kaya’t hinintay niya na lamang ang mga anak at asawa sa sasakyan.

Pagpasok ng mga ito’y lumapit ito kay Roy at niyakap siya ng mahigpit.

“Sorry, Daddy. Thank you for working hard para sa aming magkakapatid. Ikaw pa rin naman talaga ang idol namin. Sorry kung nagtampo kami sa iyo.”

Labis ang pagsisisi ni Roy. “Hindi kayo ang nagkulang sa akin, mga anak. Ako ang may malaking pagkukulang sa inyo. Babawi ako sa inyo, pangako ‘yan. Ivy, patawarin mo ako. Mahal na mahal kita.”

Umaagos ang luha ni Ivy, niyakap na lamang niya ang asawa.

Pagkatapos noon ay hindi na tumuloy sa opisina si Roy. Ipinasyal niya ang mag-iina niya sa mall at buong araw na nakipaglaro sa mga anak.

Lumipas ang ilang buwan, malaki na nga ang pagbabago ni Roy. Ipinaubaya niya muna ang ilang mga trabaho sa kaniyang mga empleyado. Hindi na rin siya naging gahaman sa pagkuha ng mga kliyente.

Doon niya napagtanto na hindi salapi at materyal na bagay ang batayan sa pagbuo ng masayang pamilya.

Advertisement