Inday TrendingInday Trending
Itinakwil ng Pamilya ang 45-anyos na Babaeng Ito Matapos Pumatol sa 22-anyos na Lalaki; Isang Sakripisyo ang Ginawa ng Lalaki Mapatunayan Lamang ang Pag-ibig

Itinakwil ng Pamilya ang 45-anyos na Babaeng Ito Matapos Pumatol sa 22-anyos na Lalaki; Isang Sakripisyo ang Ginawa ng Lalaki Mapatunayan Lamang ang Pag-ibig

“Nay, parang awa na ninyo. Iharap niyo sa akin si Hazel.” Pagmamakaawa ni Beth sa kaniyang ina.

Tila wala namang narinig ang ina nitong si Aling Connie at isinarado ang gate ng kanilang mala-mansiyong bahay.

Umaagos ang luha ni Beth habang nasa sasakyan.

“Love, time will heal all wounds. Bigyan mo na lang ng oras ang nanay mo para matanggap niya ang relasyon natin.” Pang-aamo ni Kirvy sa nobyang si Beth.

22 taong gulang pa lamang si Kirvy ngunit halos mas matanda pa ang isip nito kay Beth na 45 taong gulang na.

Palibhasa’y anak mayaman, hindi sanay humarap sa kahit anong pagsubok si Beth.

Namayapa ang pulis na asawa ni Beth limang taon na ang nakalipas nang ito’y paputokan ng mga drug addict sa isang entrapment operation.

Hindi matanggap ng pamilya niyang pagkalipas ng tatlong taon ay agad siyang nakahanap ng bagong iibigin sa katauhan ni Kirvy. Ang pinakamalaking isyu sa kanila ay ang malaking agwat ng kanilang edad.

Madalas mapagkamalang mag-ina ang magkasintahan. Sa una’y nasasaktan pa si Beth ngunit kalauna’y tila nakasanayan niya na rin ito at natuto na lamang siyang ipagwalang bahala ang mga sinasabi ng mga tao sa paligid.

Labis ang pangungulila ni Beth sa anak at halos araw-araw ay pumupunta siya sa bahay ng kaniyang nanay upang makausap man lamang ito. Ngunit tila sa kaniyang kalagayan ay hindi totoong hindi kayang tiisin ng magulang ang anak. Magdadalawang taon na ring hindi niya nasisilayan ni anino ng anak. Hindi rin nito sinasagot ang kaniyang mga tawag.

Naaapektuhan na rin ang relasyon ng magkasintahan dahil sa pangungulila ni Beth sa anak.

Tuwing kinakausap ni Kirvy ang nobya ay tila laging wala itong naririnig. Ayaw rin nitong kumain at magdamag ay nakatutok lamang ito sa mga litrato ng anak na si Hazel. 15 anyos na ang dalaga kaya’t kahit lumapit siya sa barangay ay wala ring magawa ang mga ito. Nasa hustong edad na ito upang mag-desisyon para sa sarili at halatang na “brainwash” na ito ng mga kamag-anakan.

Dahil sa stress ay unti-unting bumagsak ang katawan ni Beth. Labis naman ang ginagawang pag-aalaga ni Kirvy dito. Hindi man natapos ng binata ang kursong nursing ay naaalala niya pa rin ang ilan sa mga natutunan niya sa dalawang taon niya sa kolehiyo.

“Iwan mo na ako! Siguro naman kung hihiwalayan na kita, ipapakita na nila sa akin ang anak ko.” Tulala si Beth habang sinasambit ang mga salitang iyon.

Hindi naman makapaniwala si Kirvy sa narinig. Kung tunay nga sanang ginagamit niya lang ang nobya dahil sa pera nito’y napakadaling iwan nito.

Ngunit hindi ito ang katotohanan. Alam ng Diyos na mahal na mahal niya si Beth. Sa totoo lamang ay halos maubos na ang ipong pera ni Kirvy dahil siya ang nagbabayad ng kuryente, tubig, telepono, pati na rin ang mga kinakain nila. Sumasideline din siya sa pagrerepair ng mga kompyuter upang magkapera.

“Hindi kita iiwan, Love. Wala akong maisip na dahilan para makipaghiwalay ka sa akin. Maayos tayong dalawa. Kailangan mong harapin ang nanay mo. Hindi sa ating dalawa ang problema!” Halata sa tono ng boses ng binata na labis itong nasaktan.

Kinabukasan, paggising ni Kirvy ay nagulat siya sa nakakabinging katahimikan. Kadalasa’y bukas na ang TV tuwing imumulat niya ang mga mata sa umaga.

“Love, patawarin mo ako. Ito lang ang naiisip kong solusyon upang makapiling ko ang anak ko. Ako lang ang meron siya, wala na siyang ibang ina. Makakahanap ka pa ng mas bata at mas maayos na babae kaysa sa akin.” – Beth

Sa sakit na naramdaman ay napasuntok si Kirvy sa pader. Oo nga naman. Sa guwapo niyang iyon, nagkakandarapa ang mga babae sa kaniya. Isa pa’y batang-bata pa siya at marami pa siyang maaaring marating. Ngunit, iisa lamang ang laman ng kaniyang puso, ito’y walang iba kung hindi si Beth.

Makalipas ang ilang buwan ay nanatili pa rin si Kirvy sa kanilang inuupahang bahay sa pag-asang babalikan siya ni Beth ngunit sa halip na si Beth ang bumalik sa kaniya’y pinuntahan siya ng anak nitong si Hazel upang maghatid ng hindi magandang balita.

“Wala kaming magawa, Kirvy. Unti-unti nang kinakain ng sakit si Mommy. Kailangan niya ng kidney donor upang bumalik sa dati ang kaniyang kundisyon. Wala ni isa sa mga kapatid niya ang handang magsakripisyo para sa kaniya.” Desperadang pagbabalita ni Hazel sa binata.

Agad tumayo si Kirvy at hinatak si Hazel. “Dalhin mo ako doon sa ospital ngayon din!” Halos tila nasisiraan ito ng bait sa inaasal.

Nang makarating sa ospital ay humahagulgol ang binata ng makita ang kalagayan ni Beth. Payat na payat na ito’t naninilaw ang kutis.

Nang mahimasmasan ay nakipag-usap ito sa mga doktor.

Kinabukasan ay kinausap ng doktor ang ina at mga kapatid ni Beth. “Nay, may donor na ho tayo ng kidney. Match ho lahat sa lab tests. Bukas ho ang operasyon. Ayaw nga lang ho niyang magpakilala.”

Tahimik lamang na nakikinig si Hazel sa isang sulok ngunit tila kilala na nito kung sino ang donor ng kaniyang ina. Labis ang pagsisisi nito sa nagawang panghuhusga kay Kirvy. Agad niya itong pinuntahan upang humingi ng tawad ngunit wala nang tao sa bahay na inuupahan nito.

Sumapit na nga ang araw ng operasyon. Pilit na sinubukang makausap ni Hazel si Kirvy ngunit mariing ipinagbilin daw nito na ayaw niyang makipag-usap sa kahit kanino. Bago sumailalim sa operasyon ay may pinaabot itong liham sa doktor para kay Beth.

“Mommy, kamusta na ang pakiramdam mo?” Tanong ni Hazel sa ina.

“Anak, napakagaan na ng pakiramdam ko. Medyo mahapdi lang ang tahi ko. Nak, sino ang donor ko? Isa ba sa mga kapatid ko?” Tanong ni Beth sa anak.

“Mommy……..”

Hindi pa nakakatapos magsalita si Hazel nang pumasok ang isang babaeng nars. Tila mugtong-mugto ang mga mata nito.

“Ipinapaabot po ito sa inyo ni Mr. Kirvy Balagtas. Ibigay daw po namin ito sa inyo sa oras na may hindi magandang nangyari sa kaniya matapos ang pagdodonate niya ng kidney.” Hindi na napigilan ng nurse ang emosyon at tuluyan itong napahagulgol.

“Sa totoo lang po, ma’am. Kaklase ko dati iyang si Kirvy. Ikinuwento pa nga niya sa akin kahapon kung gaano niya kayo kamahal. Pero nagsakripisyo siya ma’am. Para maging maayos na kayo at masaya sa piling ng anak ninyo.” Nanginginig na paglalahad ng nurse.

Napanganga si Aling Connie sa narinig. Biglang nagbalik sa isip nito ang mga ipinakitang kagaspangan ng ugali sa nobyo ng anak.

Doon na napahagulgol si Beth. Miss na miss niya na ang nobyo at walang oras na hindi ito nawala sa kaniyang isip.

“Sorry, ma’am. Hindi niya nakayanan ang operasyon. Humina ang tibok ng puso niya. Sinubukan namin siyang i-revive sa loob ng 45 minuto ngunit wala na ho talaga.” Tila labis ang pagdadalamhati ng kaibigan ni Kirvy sa nangyari. Tuluyan na itong lumabas ng silid.

Habang humahagulgol si Beth ay wala nang nagawa ang ina nito at mga kapatid. Sila man ay nagulantang sa nangyari.

Isa lamang itong patunay na hindi tayo dapat manghusga ng kapwa. Bigyan natin sila ng pagkakataong patunayan ang kanilang sarili.

Advertisement