Isang Hindi Kilalang Tao ang Nagpapadala sa Mag-ina Buwan-buwan ng Pera at Kagamitan; Napahagulgol ang Babae nang Malaman Kung Sino Ito
“Hindi ko sigurado kung gaano katagal. Pero pangako gagawin ko ang lahat para makumbinsi ko ang mga magulang ko na tanggapin kayo ng magiging anak natin.”
Hanggang ngayon ay hinihintay pa rin ni Ava na kunin sila ni Max. Magpipitong taong gulang na ang anak nilang si Mavie pero hindi pa nito nakikita ang kaniyang ama. Tanging sa mga lumang litrato at maiikling kwento niya nagagawang ipakikila si Max sa kaniyang anak. Nawalan siya ng komunikasyon sa lalaki. Ang mga padalang natatanggap niya kada linggo ang tanging patunay niya na babalikan nito ang kaniyang mag-ina.
Tutol ang mga magulang nila sa kanilang relasyon. Ayaw ng nanay ni Ava kay Max. Sa tingin niya ay paiiyakin lang ng lalaki ang kaniyang anak. Babaero si Max noon pero nagbago ito nung nakilala niya si Ava. Hindi naniniwala ang nanay ni Ava na talagang nagbago na ang lalaki. Ayaw din ng mga magulang ni Max kay Ava. Mas gusto nila na ang makatuluyan ng kanilang anak ay ang anak na babae ng isa sa mga kasyoso nila sa negosyo.
“Maniwala ka sa akin. Hindi ka pananagutan ng lalaking iyan! Labas sa ilong ang bawat salitang lumalabas sa bibig niyan.”
“Pakakasalan ako ni Max! Gagawin niya ang lahat para matanggap kami ng mga magulang niya.”
Ang malaking pagtatalo nina Ava at ng kaniyang nanay ang nagtulak sa dalaga na umalis sa poder ng ina. Nangupahan siya ng maliit na apartment. Habang abala si Max sa pangungumbinsi sa kaniyang mga magulang ay mag-isang tinaguyod ni Ava ang kaniyang anak.
Malaki na ang tampo ni Mavie sa kaniyang ama. Linggo-linggo ay inaabangan niya ang padala sa kaniya ng kaniyang ama. Pero halos mag-iisang buwan na silang walang natatanggap na padala mula sa kaniya. Dati pa siyang nagdududa sa sinasabi na kaniyang ina na mahal siya nito. Kung talagang mahal siya ng kaniyang ama ay dapat binibisita at tinatawagan siya nito. Pero dahil matagal na silang walang natatanggap mula sa kaniya ay sigurado siyang kinalimutan na sila ng kaniyang ama. Hindi na siya umaasa na babalik ito para kunin sila ng ina niya.
Habang kumakain sa isang fast food chain ang mag-ina ay nakita sila ng matalik na kaibigan ni Max.
“Edison, may balita ka ba kay Max? Isang buwan na siyang hindi nagpaparamdam sa aming mag-ina. Noon linggo-linggo siyang nagpapadala. Baka kung ano na ang nangyari sa kaniya.”
“Sigurado ka bang si Max ang nagpapadala sa inyo? Imposible ang sinasabi mo, Ava. Hindi mo ba nabalitaan na matagal nang kinasal si Max sa ibang babae. Akala ko alam mo. Walong taon na silang nasa Sweden kasama ang tatlo nilang anak. Kung siya nga ang nagpapadala sa inyo, eh, di dapat may pinadala na siya sa akin nung binisita ko sila three weeks ago. Alam naman niyang may kontak ako sa iyo.”
May ibang pamilya na si Max. Hindi niya tinupad ang kaniyang pangako. Pero kung hindi kay Max galing ang mga grocery, damit, gamit at mga laruan na natatanggap nila, kanino galing ang mga ito?
Isang delivery truck ay huminto sa harap ng bahay nina Ava. Walong malalaking kahon ang diniliver sa kanila. Walong kahon para sa walong linggo na hindi sila nakatanggap ng padala. Sa pagkakataong ito ay natukoy na niya kung sino ang nagpapadala sa kanilang mag-ina.
“Kaibigan po siya ng nanay ko. Pinakiusapan niya lang kami na ideliver ang mga iyan. Matagal niyo na daw pong inaasahan ang mga iyan. Hindi niya nagawang ipadala sa oras dahil naospital siya. Pagpasensyahan niyo na po kung hindi nadeliver sa oras.”
Isang tao lamang ang naisip ni Ava. Ang kanyang Inay.
Umuwi si Ava sa bahay ng kaniyang nanay kasama ang kaniyang anak. Ang lahat ng kanilang ari-arian ay nasa loob ng trak na nakaparada sa labas ng bahay.
“Nandito na po kami, Inay. Sana mapatawad niyo ko. Mas naniwala ako sa pangako ni Max kaysa sa pagmamahal niyo. Mas pinili kong hintayin siyang bumalik kaysa sa balikan ko kayo. Nagkamali ako at nagsisisi ako sa naging desisyon ko.”
Totoo ang sinabi ng kaniyang nanay. Hindi siya pananagutan ni Max. Kung naniwala lang siya sa sinabi nito ay malamang hindi siya umasa sa wala. Ilang taon siyang naghintay na balikan silang mag-ina, iyon pala ay nagpakasal na ito sa iba. Ang akala niya ay mahal sila nung lalaki dahil lagi itong may pinapadala sa kanila. Iyon pala ay hindi sa kaniya galing ang mga iyon kung hindi sa kaniyang ina na naghihintay sa kaniyang pagbabalik.