Ipinadampot ng Babae ang Taxi Driver Dahil sa Kasalanang Hindi Nito Ginawa; Nang Malaman Niya ang Tunay na Nangyari ay Binigyan Niya Ito ng Gantimpala
Si Mang Raul ay isang taxi drayber at bumubuhay ng tatlong anak. Namatay ang kaniyang misis sa panganganak sa kanilang bunsong anak. Kahit walang ka-partner sa buhay at maliit man ang kinikita niya sa pamamasada ay pinipilit pa rin niyang gampanan ang kaniyang mga responsibilidad sa kanila. Kaya naman kahit lubog na siya sa utang ay pilit pa rin niyang itinataguyod ang kaniyang mga anak. Nagagawa pa rin niyang pag-aralin sa pampublikong eskwelahan ang mga ito at madalas nga lang ay siya na ang nagsasakripisyong hindi kakain para mapakain at may mapabaon sa kanilang lahat.
Isang araw, may narinig na malakas na mga kalabog sa pintuan sina Mang Raul at ang kaniyang mga anak. Pag bukas ng pinto ay sumambulat sa kanila si Mang Dado, ang pinagkaka-utangan ni Mang Raul. Naniningil na siya sa kaniyang pinautang.
Pagalit niyang sinabing, “Ano Raul, kailan ka na ba talaga magbabayad?! Puro ka na lang sa susunod na buwan ang pinapangako mo!”
Hindi pa man nakakasagot si Mang Raul ay binalaan na siya nito na kapag hindi pa ito makabayad sa makalawang araw ay kukunin niya si Boyet, ang panganay niyang anak upang pagtrabahuhin sa kaniya at makabayad ng utang. Nakiusap si Mang Raul kay Mang Dado ngunit hindi siya pinakinggan nito at dali-dali siyang nilayasan.
Maluha-luha si Mang Raul habang kausap ang mga anak at sinabi niyang gagawan niya ito ng paraan. Kaya naman hinanda niya muna ang mga bata para makapasok sa eskwelahan. Pag pasok ng mga bata ay pinuntahan niya agad si Aling Gloria upang subukang mangutang ngunit dahil alam sa kanilang lugar na baon siya sa utang at hirap magbayad ay hindi siya napagbigyan.
Problemado man sa pagkakautang ay pumasok na lang muna si Mang Raul sa kaniyang tokang oras ng pamamasada. Sa kaniyang pamamasada ay nakasakay siya ng mag-asawang pasahero. Sila ay may dalang dalawang malaking maleta at isang attache case na pinalagay nilang lahat sa likod ng sasakyan.
Sa haba ng biyahe at tagal ng trapik ay kung anu-ano na ang napagkwentuhan ng mag-asawa, mula sa kanilang pamilya, mga negosyo, at mga tauhan. Si Mang Raul ay nakikinig lamang kahit hindi niya na nagugustuhan ang mga masasama at mapanglait na mga salita na binibitawan ng babae. Kapansin-pansin na isa siyang matapobre at ang kaniyang asawang lalaki ay walang magawa kaya ito’y nanahimik na lamang.
Pag dating sa kanilang destinasyon ay binalak ni Mang Raul na tulungan ang lalaking pasahero sa kanilang bagahe ngunit tinanggihan ito ng mag-asawa at kaya naman na raw nila. Pagka-baba ng mga bagahe ay muli ng namasada si Mang Raul at naghanap ng mga bagong pasahero.
Natapos na ang oras ng pamamasada ni Mang Raul at umuwi na siya sa kanila. Gaya ng nakagawian ay nilinis niya muna ang loob ng sasakyan. Doon niya napansin ang isang attache case sa likod ng sasakyan at naalala niyang ito ay yung gamit ng mag-asawa. Pagkabuhat niya sa hawakan ay biglang bumukas ito at nagulat siya sa limpak-limpak na salaping laman nito. Dali-dali niya itong ibinalik sa attache case at sinara.
Siya ay napaisip sa kung anong malaking tulong ang pwede nitong magawa sa kaniyang problema sa pera. Sa isip niya ay sobra pa ito sa kailangan niyang pambayad utang at malaking tulong ito para sa pag-aaral ng mga anak. Ngunit muli siyang napaisip dahil alam niyang hindi ito sa kaniya at alam niyang mali ito kung hindi niya ito isasauli sa mga may-ari. Kaya naman napagdesisyunan niyang isauli ito.
Pag dating sa bahay na pinaghatiran niya sa mag-asawa, ang sumalubong sa kaniya ay ang lalaki. Ito ay lubos na nagpasalamat sa kaniya at sinabing ipapaalam na lamang niya ito sa kaniyang misis dahil ito ay kasalukuyang wala sa kanila.
Pag-uwi ni Mang Raul sa bahay ay may mga nag-aabang na mga pulis sa kanilang bahay. Siya ay inaresto nila sa bintang ng asawang babae sa pagnanakaw ng attache case.
“Buti na lang at tinandaan ko ang plate number mo!” Kahit anong paliwanag ni Mang Raul ay hindi siya pinakikinggan ng mga ito.
Pagdating sa presinto ay nadatnan nila ang asawang lalaki na pinagsaulian ni Mang Raul dahil napagalaman niya ang ginawa ng kaniyang misis mula sa kapatid nito. Siya na ang nagpaliwanag sa mga pulis at sa kaniyang misis sa kung ano ang nangyari.
Sa sobrang kahihiyan at paghanga ng mag-asawa sa kabutihang nagawa ni Mang Raul ay binigyan siya ng pabuyang hindi niya inaasahan. Binayaran ng mag-asawa ang kaniyang pagkakautang kay Mang Dado at pinangakuang pag-aaralin ang mga anak nito sa magandang paaralan.