“Ayokong magpunta sa ibang bansa!” matigas na sabi ni Gina sa ina.
Pangarap kasi ng kanyang ina na si Aling Medes na magtrabaho siya sa ibang bansa upang makaahon sila sa hirap. Nagtitinda lang ng mga bulaklak si Aling Medes sa Dangwa. May puwesto sila roon ng namayapang asawa kaya ito na ang namahala ng kanilang munting negosyo mula nang pumanaw ang mister. Kaya nang magkaroon ng pagkakataon na makapagtrabaho ang anak sa Saudi ay walang pagsidlan ang tuwa ang babae.
“Gamitin mo nga ang utak mo, anak. Pagkakataon na iyon para umasenso ang buhay natin. Anong gusto mo, habambuhay ka na lang na maggugupit ng buhok at magmamanicure sa parlor? Mabuti nga at tinulungan ka ng Tita Thelma mo na makapasok sa trabaho sa Saudi bilang factory worker. Maraming gustong mag-abroad tapos ikaw ayaw mo? Aba, mag-isip-isip ka, Gina!” inis na sagot ni Aling Medes.
“Pero, inay…”
“Walang pero, pero! Pupunta ka sa Saudi, sa ayaw o sa gusto mo!”
Walang nagawa si Gina sa kagustuhan ng ina. Ang totoo, hindi naman talaga niya gusto na pumunta sa Saudi at maging factory worker. Mas masaya siya sa trabaho niya bilang hairstylist at manikurista sa parlor. Marami rin siyang kaibigan doon kaya ayaw niyang umalis at iwan ang mga ito. Kuntento rin siya sa kinikita niya sa parlor kahit maliit at tama lang sa mga gastusin nilang mag-ina sa bahay. Ang nanay lang niya ang atat na atat na mag-abroad siya.
Nang makaalis siya at nakapagtrabaho sa Saudi ay laking tuwa ni Aling Medes. Sa isip nito ay makakaahon na sila sa hirap dahil nasa Saudi na siya ngunit kahit doon na siya nagtatrabaho ay nasa Pilipinas pa rin ang puso at isip niya.
Isang araw ay nakatanggap si Aling Medes ng tawag mula sa kapatid na si Thelma.
“Ate Medes, si Gina… kailangan na natin siyang pauwiin diyan,” nag-aalalang sabi ng kapatid sa kabilang linya.
“Bakit? Ano ang nangyari sa anak ko, Thelma?!” gulat na tanong ni Aling Medes.
“Palaging tulala at minsan ay nagsasalita nang walang kausap ang anak mo. Nag-aalala ako sa pamangkin ko!”
“Diyos ko, bakit nagkaganoon ang anak ko?!”
“Hindi na rin siya kumakain. Sabi nga ng kasamahan niya sa trabaho, bigla na lang daw umiiyak nang walang dahilan si Gina. Dapat ay pabalikin na natin siya sa Pilipinas, ate. Baka kung ano pa ang mangyari sa kanya rito, eh,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Thelma.
“Sige, sige. Pauwiin mo na siya rito,” sabi niya habang tumutulo na rin ang mga luha sa mga mata.
Mabilis na prinoseso ng kapatid niyang si Thelma ang pag-uwi ng anak. Kinausap nito ang amo ni Gina at humingi ng paumanhin sa nangyari sa pamangkin. Pasalamat na lamang sila at mabait ang amo ni Gina sa Saudi at pinayagan itong makauwi.
Nang makabalik sa Pilipinas ay agad na niyakap ni Aling Medes ang kaawa-awang anak.
“Gina, Gina, anak ko! Ano bang nangyari sa iyo at nagkakaganyan ka?” aniya habang patuloy ang pag-iyak.
“S-sino ka? Bakit ako narito? Nasaan ba ako?” sunud-sunod na tanong ni Gina sa ina sabay tawa nang malakas.
“Diyos ko, nababaliw na yata ang anak ko! Sana pala ay hindi ko siya pinilit na pumunta sa Saudi para hindi siya nagkakaganito. Pinagsisisihan ko ang aking ginawa. Patawarin mo ako, anak. Bukas na bukas din ay ipapatingin kita sa doktor. Baka rito ay magamot ang kondisyon mo,” sabi pa ni Aling Medes kay Gina.
Pinatingin na ng kapatid niyang si Thelma si Gina sa ospital sa Saudi ngunit walang masabi ang mga doktor sa kondisyon nito. Walang makapagsabi kung ano ang totoong kalagayan ni Gina.
Kinagabihan, pinuntahan ni Aling Medes ang kuwarto ng anak para dalhan ito ng pagkain. ‘Di niya sinasadyang marinig si Gina na may kausap sa cell phone nito.
“Paniwalang-paniwala sila sa gimik ko, mare, lalong-lalo na si inay. Ang akala nila ay tuluyan na akong nasiraan ng ulo. Ang hindi nila alam ay sinadya kong magbaliw-baliwan para lang makauwi ako rito. Ayoko talaga sa Saudi, eh,” anito sa kausap.
‘Di napigilan ni Aling Medes ang sarili at padabog na binuksan ang pinto ng kuwarto. Galit na galit ito sa ginawang panloloko ng anak.
“Tama ba ang narinig ko? Niloko mo lang kami ng Tita Thelma mo, makauwi ka lang dito? Anong klase kang anak at nagawa mong lokohin ang sarili mong ina?!” bulyaw ng ina.
“Sorry, inay kung nagsinungaling ako. Iyon lang ang naisip kong paraan para makaalis sa Saudi. Sinabi ko naman sa inyo na ayokong mag-abroad,” pagsusumamo ng dalaga.
“Dapat pala ay hindi na kita pinilit sa gusto ko, para hindi ko na nagawang ibenta ang puwesto natin sa Dangwa. Ang perang pinagbentahan ay ang perang ginamit mo sa pagpunta mo sa Saudi. Kulang kasi ang pinadalang pera ng tita mo kaya wala akong nagawa kundi ibenta ang negosyong pinaghirapan naming itayo ng tatay mo. Dahil sa ginawa mo ay gumuho ang pangarap kong makaahon tayo sa hirap, pati ang maliit nating negosyo sa Dangwa ay nawala. Paano na tayo ngayon, anak?” maluha-luhang sabi ni Aling Medes.
Magsisi man ang dalawa ay huli na. Sa isip ni Gina, sana pala ay nagtiyaga na lang siyang magtrabaho sa Saudi kahit sandali para kumita pa siya ng malaki-laking pera at natulungang iahon ang kanilang pamilya sa hirap. Hindi sana nabalewala ang ginawang sakripisyo ng ina na pagbenta sa kanilang negosyo.
“Huwag po kayong mag-alala, inay. Babawi po ako sa inyo. Mangingibang bansa uli ako. Mag-iipon ako para muli akong makapag-abroad,” pangako ni Gina sa ina.
Nagdoble-kayod si Gina sa pagtatrabaho sa parlor. Nagpart-time rin siya sa isang fast food chain at kung ano-anong raket pa ang ginawa niya para makaipon ng pera para tuparin ang pangako sa kanyang ina na muli siyang pupunta sa ibang bansa para doon magtrabaho at kumita ng malaki para balang-araw ay makaahon silang mag-ina sa hirap at maibalik niya ang nawala nilang negosyo dahil sa ginawa niyang pagsisinungaling.