Humahagulhol si Rachelle. Nakadapa siya sa kaniyang kama at nakasubsob ang mukha.
Mag-iisang linggo na siyang nagkukulong sa kaniyang kuwarto simula nang huli silang mag-usap ng ka-MU niyang si Bandoy at sinabi nitong may ibang babae na pala itong nagugustuhan.
“Tita nandyan po ba si Rachelle?”
Nagulat ang ina ni Rachelle nang dumungaw sa pintuan si Harry. Ang katrabaho at matalik na ring kaibigan ni Rachelle.
“Naku, hijo, mabuti at dumating ka. Kausapin mo nga ang kaibigan mong iyon. Halos isang linggo nang nagkukulong sa kuwarto pero hindi naman sumasagot kapag tinatanong namin kung anoʼng problema niya.” Bumuntong hininga ang ina ni Rachelle.
“Ganoon po ba, tita? Kaya po siguro hindi rin siya pumapasok sa trabaho. E, pinagre-report na siya ni boss, e.” Napakamot naman si Harry sa ulo.
Dumiretso na siya sa kuwarto ni Rachelle at doon ay naabutan niya ang kaibigang hanggang ngayon ay patuloy pa ring humahagulhol.
“Iyan na nga ba ang sinasabi ko,” bungad na aniya na nagpaangat sa mukha nito.
“Harry? Anoʼng ginagawa mo rito?” Dali-dali pang nagpahid ng luha si Rachelle sa mukha.
“Ano pa nga ba? Edi napag-utusan ako ni boss na puntahan ka dahil kailangan ka na roon sa opisina. Ano ba ang minumukmok mo? Si Bandoy?” tatawa-tawang tanong ni Harry sa kaniya.
Nainis naman si Rachelle sa asta ng kaibigan. “Nalulungkot na nga ako rito, ginaganiyan mo pa ako!” Napairap siya.
“E, paano, umpisa pa lang naman sinasabi ko na sa iyo na wala kang mapapala riyan sa Bandoy na iyan, dahil kilala iyan bilang isang dakilang paasa ng mga babae. Ang dami na kayang nabiktima niyan sa opisina. Hindi lang ikaw,” dagdag pa ni Harry na lalo namang ikinahikbi ni Rachelle.
“Huwag mo na ngang iyakan iyon! Kasalanan mo rin naman, e. Hindi ka nakikinig sa akin kahit na pinapayuhan na kita. Masiyado kang marupok. Kaunting lambing lang sa iyo, kaunting pa-sweet, bumibigay ka na kaagad. Ni hindi ka makahalatang niloloko ka na!” pangangaral pa ni Harry na ngayon ay medyo sumeryoso na.
“Ako pa? Ako pa ang may kasalanan? E si Bandoy nga itong palikero at paasa, e!” maktol naman ni Rachelle na medyo naiinis na sa kaibigan.
“May kasalanan si Bandoy, pero mas may kasalanan ka, Rachelle. Bakit? Hindi mo ba nahalata, kahit kailan na ginagamit ka lang niya? Sa tuwing nagpapalibre siya sa ʼyo sa canteen, nangungutang at nanghihingi ng load kahit na wala namang label ang relasyon nʼyo, hindi ka nakahalata?” ngunit talagang giit ni Harry. Pakiramdam niya kasi ay ito lang ang paraan para matauhan ang kaibigan. Kayaʼt kahit pa nga posibleng magalit ito sa kaniya ay ayos na. Basta matauhan itoʼt hindi na muling masaktan pa.
“E kasi nga, umasa ako.” Napayuko si Rachelle. “Umasa akong seseryosohin niya ako kaya ibinigay ko sa kaniya ang lahat.”
“For peteʼs sake, Rachelle, tandaan mo sana ito. Walang magpapaasa kung walang laging nagpapabiktima. Hindi naman mamimihasa iyang si Bandoy kung hindi rin kayo paulit-ulit na nagpapaloko sa kaniya, e.” Nasapo na ni Harry ang kaniyang noo. “Kaya ikaw, ayusin mo ang buhay mo. Ipakita mong hindi siya kawalan. Marami pang iba riyan, Rachelle.”
Doon ay tila natauhan nga ang dalaga. Nang mga sandaling iyon ay naisip niyang tama nga ang kaniyang kaibigan!
Pumasok na ulit siya sa trabaho kahit pa alam niyang makikita niya lamang doon si Bandoy. Ginawa ni Rachelle ang lahat upang maka-move on, ngunit siniguro niyang hindi na ulit siya magiging marupok sa susunod.
Samantala, makalipas lang ang isang linggo ay biglang pumutok ang isang nakakalokang balita tungkol kay bandoy…
“Nabalitaan mo na ba iyong tungkol kay Bandoy, Rachelle?” tanong ng isang ka-office mate nila kay Rachelle, break time nang araw na iyon.
“Ang alin?” takang tanong naman ni Rachelle.
“Nakita ni Narciso si Bandoy kagabi,” tukoy nito sa isa pa nilang katrabahong beki, “may kaharutang lalaki!”
Nabigla si Rachelle sa nalaman at doon ay nabunyag naman ang lihim ni Bandoy. Ginagamit niya lang ang mga babaeng pinapaasa niya upang pagtakpan ang tunay niyang pagkatao!
Karma ang inabot ng mapagpanggap na si Bandoy nang tuluyan nang kumalat ang balita sa buong opisina at naging tampulan siya ng tukso.
Si Rachelle naman ay mas piniling tuluyan nang mag-move on at magsimula ulit bilang mas matatag na babae. Hindi na siya magiging marupok pang muli!