“Ano ba naman yan, Maita… ilang beses na tayong nilalayasan ng kasambahay dahil sa ugali mo. Mahirap na humanap ng kasambahay ngayon, pinaalis mo pa…” naiiritang untag ni Samuel sa misis na si Maita. Nag-aagahan sila noon.
“Pagtatama lang ‘no, hindi ako ang nagpaalis sa kanila. Sila ang umalis. Hayaan mo sila. Sila pa ba ang may ganang magmalaki sa akin? asik ni Maita sa asawa. Sinusubuan nito ang nag-iisa nilang anak nilang si Rhay-anne, 5 taong gulang.
“Masyado ka kasi perfect sa kanila. Babaan mo naman,” nasabi na lamang ni Samuel.
“Eh bakit ba? Eh sa ayoko ng tat*nga-t*ngang kasambahay. Gusto ko matalino at madiskarte,” sagot ni Maita.
“Lagi kang may sagot!” inis na tugon ni Samuel. Tinapos na nito ang pag-inom ng kape at agad na umalis patungong trabaho.
Tatlong taon nang kasal sina Maita at Samuel. Nagkakilala sila sa isang party. Nagkapalagayan ng loob, nagligawan, naging magkasintahan, at nagpakasal.
Subalit sabi nga, malalaman mo lamang ang tunay na ugali ng isang tao kapag nakasama mo na ito sa iisang bubong. Masyadong perfectionist si Maita sa mga gawaing-bahay. Metikulosa.
Lahat ay papansinin at tila walang perpekto sa kaniya. Sa loob ng tatlong taon nilang pagsasama, mahigit sampung mga kasambahay na ang pinalayas o lumayas dahil hindi matagalan ang ugali ni Maita. Kaunting pagkakamali kasi ay nakabulyaw na kaagad ito sa kasambahay.
“Ayokong mas nauuna pa ako sa iyo magising. Gusto ko malinis lagi ang bahay at bakuran. Gusto ko pagdating ko, nakaluto ka na at kakain na lang kami. Wala dapat tambak na labahan. Hugas at malinis ang mga pinagkainan. Napakain na ang mga aso. Nakaplantsa na at dapat maayos ang plantsa. Malaki naman ang pasahod ko at may benepisyo ka pa. Kaya mo ba?” iyan ang laging litanya ni Maita sa tuwing mag-iinterview ng aplikanteng kasambahay.
Parehong may magandang trabaho sina Samuel at Maita, kaya ang nag-aalaga kay Rhay-anne ay ang stay out nitong yaya na si Aling Mareng. Si Aling Mareng lamang ang medyo nakatagal-tagal kay Maita, palibhasa, wala naman itong ibang gagawin kundi bantayan at alagaan si Rhay-anne. Mula umaga hanggang hapon lamang ang duty nito, dahil si Maita na ang nag-aalaga sa anak pagsapit ng gabi, at kapag weekends.
Kahit masungit si Maita sa mga kasambahay, malaki at patas naman ang kaniyang pasahod at sumusunod sa pagbibigay ng benepisyo para sa kanila, alinsunod sa Kasambahay Law.
Tinitiyak din niyang may day off ang mga ito. Iyon nga lamang, talagang istrikta sa kanila si Maita na dumarating pa sa puntong namamaliit niya ang mga ito. “Masanay sila sa bibig ko. Kung hindi nila kaya, lumayas sila. Madali lang humanap ng kapalit.”
At hindi nga siya nagkamali. Isang araw, may dumating na aplikante upang maging kasambahay. Sa tantiya ni Maita ay nasa 18 hanggang 19 na taong gulang ito. Maganda ito at morena.
“Anong pangalan mo, ilang taon ka na, at saang probinsya ka galing?” tanong ni Maita.
“Lerma Madlang-Bayan po, 20 years old, at galing po ako sa Butuan,” tugon ni Lerma. Nakatungo ang ulo nito. Mukhang mahiyain, sa isip-isip ni Maita. May mapagtitripan na naman siya at mapagbubuntunan ng init ng ulo.
Nilitanya niya rito ang mga gusto niya at ekspektasyon. Tumango naman ito. Pinagsimula na kaagad ito ni Maita. Subalit wala pang tatlong araw, halos laging nagagalit si Maita kay Lerma.
Hindi kasi maayos ang pagkakahugas sa mga pinagkainan. Narurumihan pa siya sa pagkakalinis nito sa sala, sa bakuran, at maging sa palikuran. Hindi pulido ang pagkakaplantsa sa mga damit, lalo na ang kanilang uniporme sa trabaho.
Subalit kahit na anong bulyaw ni Maita, tila hindi naman nasasaktan at walang balak umalis ang kasambahay.
“Gusto ko nang palayasin ang babaeng iyan. Iyan ang pinakamalalang kasambahay na nakuha natin. Mangangatulong eh parang hindi naman marunong sa mga gawaing-bahay! Mas matigas pa sa suwelas ng sapatos ang luto niyang sinigang kagabi!” galit na sabi ni Maita kay Samuel pagdating nito mula sa trabaho.
“Pagbigyan mo naman yung tao at mukhang mabait naman. Iyan ka na naman eh… huwag mong palayasin,” sabi ni Samuel.
“At bakit parang pinagtatanggol mo pa? Nasisiyahan ka ba sa luto niya? Walang kalasa-lasa!” pintas ni Maita.
Namula si Samuel subalit hindi nagpahalata. “Bigyan mo ng isa pang buwan, kung hindi nagbago, paalisin mo na,” mungkahi ni Samuel.
Nagngingitngit si Maita. Sige, isa pang buwan, pero sisiguraduhin ni Maita na si Lerma ang kusang lalayas. Dodoblehin niya ang pagsusungit dito para ito na mismo ang aalis.
Nang gabing iyon, naalimpungatan si Maita dahil nakaramdam ng pagkauhaw. Sinulyapan niya ang orasan sa cellphone. Alas dos ng madaling araw.
Nakalimutan niyang maglagay ng isang basong tubig sa kaniyang tabi. Bumangon siya upang bumaba sa kusina. Napansin niyang wala sa tabi niya si Samuel. Baka nasa baba, sa loob ni Maita.
Dahil patay ang mga ilaw, dahan-dahang bumaba ng hagdan si Maita upang kumuha ng maiinom na tubig sa kusina. Hindi pa man siya nakakapasok sa entrada nito, naulinig niya ang tinig ni Samuel na tila may kausap.
Sa cellphone ba? Sino ang tinatawagan nito ng ganitong oras? Pinakinggan niyang mabuti.
“May isang buwan ka pa para magpanggap. Tiisin mo na lang muna ang ugali ni Maita…” narinig niyang sabi ni Samuel sa kausap. Napagtanto niyang walang kausap sa cellphone ang asawa. Kaharap niya ito— at hindi basta kaharap lang, kundi nakakandong pa sa kaniya!
“Hmmm kung hindi lang dahil sa iyo hindi ko pagtitiyagaang pakisamahan ‘yang asawa mo. Ang mahalaga, narito ako at nakakasama kita. Kung hindi lang kita mahal babe, hindi ako magpapanggap na kasambahay rito para makasama lang kita eh,” sagot ng babae, na napagtanto ni Maita na nagmumula kay Lerma.
Ibang-iba ang pagkakabigkas nito. May harot. May landi. Malayo sa pagsasalita nitong malambing at mabait kapag kaharap niya, lalo na kapag rumepeke na ang kaniyang bibig.
“Anong ibig sabihin nito?! Mga hayop!” Binuksan ni Maita ang ilaw, at kitang kita niyang tumilapon si Lerma mula sa pagkakakandong kay Samuel; sa labis na gulat ay naitulak nang malakas ni Samuel ang kabit na si Lerma. Napahandusay ang kabit sa sahig.
“M-Maita… mag… magpapaliwanag ako…” putlang-putla si Samuel.
Dumiretso si Maita kay Lerma at dinaluhong ito. Sinabunutan. “Hayop ka! Malandi ka! Ang kapal ng mukha mong talipandas ka!!! Lumayas ka sa pamamahay ko, baboy!!!” galit na galit na sabi ni Maita kay Lerma.
Itinulak ni Lerma si Maita at napabuwal ito sa sahig. Nagtatatakbo naman si Lerma, mabilis na kinuha ang bag sa loob ng quarter’s area, at mabilis na lumabas ng bahay. Dinaluhan ni Samuel ang napabuwal na asawa subalit itinulak siya nito kaya napabuwal din siya sa sahig.
Dito na nagtapat si Samuel. Kabit ni Samuel si Lerma na nakilala niya sa isang beerhouse. Pinakiusapan niya ito na mamasukang kasambahay sa kanila upang mabago umano ang buhay. Hindi makapaniwala si Maita sa mga narinig.
“Ang sabihin mo… kaya mo pinasok dito para libre na ang motel ninyo, at para lagi mo siyang nakikita! Ang kapal ng mukha mo, Samuel! Nandidiri ako sa iyo! Dito mo pa ako binaboy sa sarili kong pamamahay!” umiiyak na sumbat ni Maita.
At napagtagni-tagni ni Maita ang lahat. Hindi siya nagpahanap ng kasambahay, subalit biglang dumating si Lerma. Malamang si Samuel ang nagpapunta rito. Namasukang kasambahay subalit parang walang alam sa mga gawaing-bahay. At higit sa lahat, ipinagtanggol pa ni Samuel sa kabila ng mga kapalpakan.
Pinalayas ni Maita si Samuel at tuluyan silang naghiwalay, na tinanggap naman ni Samuel. Bagama’t naghiwalay, nakakadalaw pa naman si Samuel para kay Rhay-anne.
Nagbago na rin si Maita. Hindi na siya masungit sa mga kasambahay. Inisip niya ang kapakanan ng anak. Baka kasi gumanti ang kasambahay kung susungitan pa niya. Mag-isang itinaguyod ni Maita ang anak habang naghihilom ang sugat ng mga alaala sa kaniyang puso.