Inday TrendingInday Trending
Trahedyang Nagpabait Sa Dalagang Laki Sa Layaw

Trahedyang Nagpabait Sa Dalagang Laki Sa Layaw

“Tonya, pakiabot nga yung mga make-up ko doon! Dali, kailangan ko nang umalis, mahuhuli na ako sa trabaho!” sambit ni Ema sa kaniyang personal na kasambahay.

“Naku, madam, hindi mo na po ito kailangan, napakaganda’t kinis niyo na, eh,” sambit ng matanda habang inaayos ang nakakalat ng mga make-up sa lamesa.

“Tumahimik ka, ha, hindi ko kailangan ang opinyon mo! Lalo na ngayong huling-huli na ako! Dalian mo na!” bulyaw ng dalawa habang nagpipipindot-pindot sa kaniyang selpon.

“Kahit kailan talaga hindi po kayo makausap nang ayos. Sayang ang ganda mo kung nakakasuka ang ugali mo,” bulong ng matanda ngunit tila narinig pala ito ng dalaga.

“May sinasabi ka ba, Aling Tonya? Baka gusto mong mawalan ng trabaho ora mismo?” panakot niya dito dahilan upang mataranta itong imisin ang kaniyang mga gamit at tumakbo patungo sa kaniya.

“Wala po, madam, ang sabi ko po mag-ingat po kayo! Ito na po ang mga gamit niyo. Ipagluluto ko pa po kayo ng paborito niyong sinigang pag-uwi niyo,” alok ng matanda ngunit hindi niya ito pinansin at agad na umalis. Binagsak niya pa nga ang pintuan upang maipaalam sa matanda ang kaniyang galit.

Laki sa layaw ang dalagang si Ema. Lahat nang makita niyang pumukaw ng atensyon niya, ipapabili niya iyon kaagad. Sa katunayan nga, sa edad niyang bente anyos, may sarili na siyang bahay at lupa, dalawang sasakyan at nagmamahalang damit at sapatos.

Bata pa lamang siya nang simula siyang alagaan ng matandang kasambahay sa kadahilanang pawang abala sa trabaho ang kaniyang ama’t ina. Ngunit imbis na mapamahal siya sa matanda, palagi niya pa itong napapagbuntunan ng kaniyang galit mula sa kaniyang mga magulang.

May pagkakataon pa ngang halos ipagtabuyan na niya ang matanda nang malamang nais nang maghiwalay ng kaniyang mga magulang.

“Kasalanan mo lahat ‘to, eh! Kung dati pa lang umayaw ka na sa trabaho mo bilang katulong ko, mapipilitan silang unahin ako kaysa sa kanilang trabaho! Edi sana hanggang ngayon buo ang aming pamilya!” sigaw niya sa matanda habang inihahagis sa labas ng kanilang bahay ang mga gamit nito. Wala namang kibo ang matanda, iniimis niya lamang ang bawat gamit na inihahagis ng dalaga.

Noong araw na ‘yon, nagmadaling pumasok sa trabaho ang dalaga. Siya na kasi ngayon ang namamahala sa isa sa mga business ng kaniyang mga magulang. Dahan-dahan niyang ibinagsak ang sarili sa kaniyang upuan nang biglang tumunog ang fire alarm ng kaniyang gusali.

“Sunog! Sunog! Lumabas na kayo ng gusali ngayon!” sigaw ng isa niyang empleyado dahilan upang mapatakbo siya nang mabilis palabas.

“Saglit! Maghunos dili kayo!” bulyaw niya sa kaniyang mga empleyado, “Hindi ba’t napag-aralan niyo na ang dapat gawin sa tuwing may insidenteng ganito? Huwag kayong… Aray! Aray ko! Tulungan niyo ako! Ang mga mata ko!” sigaw niya nang bumagsak sa kaniya ang nagliliyab na kisame ng kanilang opisina. Ramdam na ramdam niya kung paano nagsitakbuhan ang mga tao’t iniwan siya doon.

Nagising na lamang siyang mabigat ang kaniyang mga mata. Ramdam na ramdam niya ang mainit na pisil sa kaniyang kanang kamay.

“Mo-mommy? Daddy? Kamusta po ang gusali natin?” sambit niya saka gumanti ng pisil sa kamay na nakahawak sa kaniya, “Bakit po wala akong makita? Ano pong nakalagay sa mga mata ko?” pang-uusisa niya pa. Wala siyang sagot na narinig kundi isang mainit na yakap mula sa isang pamilyar na babae.

“Tonya? Ikaw ba ‘yan? Ang mommy at daddy ko, nasaan?” tanong niya pa.

Dito niya nalamang umalis pala ng bansa ang kaniyang mga magulang upang ipawalang-bisa ang kanilang kasal. Bukod pa doon, nalaman niya rin sa matanda na nalagyan ng bubog ang kaniyang mga mata nang mabagsakan siya nang nagliliyab na kisame na naging dahilan ng kaniyang pansamantalang pagkabulag.

Lumong-lumo ang dalaga sa sunod-sunod na trahedyang nangyari sa kaniya. Wala na siyang nagawa kundi umiyak na lamang sa dibdib ng matanda saka sinabing, “Buti na lang nandito ka pa, Aling Tonya.”

Dito niya napagtantong mali ang kaniyang pinapakitang galit sa matanda. Ngayon siya naliwanagang wala itong kasalanan sa kakulangan ng kaniyang magulang bagkus, ito pa ang siyang pumupuno sa bawat pagkukulang ng mga ito.

Simula noong araw na ‘yon, maayos niyang pinakitunguhan ang matanda. Ito na rin ang siyang naging mata niya sa mga araw na hindi siya makakita.

Ilang buwan lang ang nakalipas, muli siyang nakakita’t bumalik na sa kaniyang trabaho. Labis ang kaniyang saya dahil bukod sa naging mabuti na siya sa kaniyang kasambahay, kabaitan na rin ang kaniyang pinapakita sa kaniyang mga empleyado.

Naging mas masaya pa ang dalaga nang minsan siyang dalawin ng kaniyang mga magulang at humingi ng kapatawaran sa kaniya. Dito niya rin nalamang hindi pala tinuloy ng mga ito ang kanilang hiwalayan at nangakong babawi sa kaniya.

Wala nang mas sasaya pa sa dalaga nang mga araw na iyon. ‘Ika niya, “Magaan pala sa loob kapag pawang kabutihan ang tumitibok sa iyong puso,” saka niya mariing niyakap ang matandang abala sa pagluluto ng kaniyang paboritong Sinigang.

Mas lalong nagiging mapait ang ating buhay kung napupuno tayo ng sama ng loob. Subukan mong maging positibo’t magbigay ng kabaitan sa iba, sigurado, gaganda ang daloy ng iyong buhay.

Advertisement