Inday TrendingInday Trending
Bagong Buhay Niya

Bagong Buhay Niya

“Eric, ‘yung pinaghubaran mo ay nakakalat na naman sa sahig. Ahas ka talaga, paano na lang kung wala na ako. Magdidiwang ang mga ipis at daga sa’yo,” wika ni Melinda na kakauwi lamang galing sa eskwelahan.

“Papayagan ko ba namang mawala sa akin ang pinakamagaling na guro at pinakamagandang babae sa buong mundo? Siyempre, hindi! Mahal na mahal kaya kita kaya lagi kong pinapasakit ang ulo mo,” sagot naman ni Eric, sabay halik kay Melinda at natawa na lamang ang babae sa pambobola ng kaniyang asawa.

Tatlong taon na ngayong mag-asawa ang dalawa ngunit mainit pa rin sila sa mata ng marami. Sampung taon kasi ang agwat ng mag-asawa at dating estudyante niya si Eric noong ito ay nasa hayskul. Matagal nang may pagtingin ang lalaki kay Melinda ngunit hindi niya iyon pinansin dahil bukod sa bawal sa kaniyang propesyon ay alam niyang bata pa ito. Ngunit binago lahat iyon ni Eric nang suyuin siyang muli ng lalaki makalipas ang ilang taon. Hindi kalaunay bumigay rin si Melinda at ngayon nga ay masaya silang nagsasama bilang mag-asawa.

“Seryoso ako, paano kapag nawala na ako? Anong gagawin mo? Mag-aasawa ka ba ulit?” tanong pang muli ni Melinda sa mister.

“Ikaw, kakarating mo lang ay puro ganyan na kaagad ang sinasabi mo. Tigilan mo na nga ako at kumain na lamang tayo,” sagot naman ni Eric sa kaniya saka ito naghain ng pagkain sa mesa.

“Nag-usap kami ni Shenna, ‘yung dati mong nobya. Sabi niya sa akin ay mahal ka pa rin daw niya. Alam mo, mas magiging masaya ang buhay mo kung ka-edad mo lang ang misis mo. Magkakaroon kayo ng pamilya, mabubuhay kayo ng mas masaya,” saad pang muli ni Melinda.

“Kinukutya ka naman ba kaya ka nagkakaganyan? Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na mahal kita kaya ako nandito. Kaya ikaw ang asawa ko,” madiing sagot ni Eric sa babae.

“Hindi, Eric, walang nangungutya sa akin, may taning na ang buhay ko,” diretsong wika ni Melinda at biglang nabagsak ni Eric ang baso niyang hawak.

“Kaya umalis ka na, iwan mo na ako. Hindi na kita kailangan at hindi mo na ako kailangan. Hindi ko na mabibigay ang anak na pangarap mo o ang makasama ka sa pagtanda. Wala na lahat ng iyon, kaya ngayon pa lang ay umalis ka na,” dagdag pa ni Melinda saka ito tumayo at inilabas ang mga gamit ni Eric.

Hindi naman kumilos ang lalaki at hinintay lamang na matapos si Melinda saka niya ito tinanggap at umalis. Halos gumuho ang mundo ng babae nang iwan siya ng kaniyang pinakamamahal at tuluyan nga talagang umalis ito sa kanilang lugar.

Makalipas ang isang linggo.

“Wala tayong magagawa, ‘nay, bata pa kasi siya. Kaya nung sinabi kong may sakit ako at pinagtabuyan siya ay sinunod niya kaagad. Mas mabuti na ang ganito, makakahanap siya ng iba,” wika ni Melinda sa kaniyang ina habang nagkakape silang dalawa sa balkonahe.

Sasagot pa sana ang kaniyang ina ngunit hindi ito nakapagsalit nang makita niyang paparating si Eric at may dala itong sanggol.

“Kaninong bata ‘yan?” gulat na salubong ni Melinda kay Eric.

“Ngayon mo ba talaga balak sabihin sa akin na nagkaroon ka ng anak sa iba?” dagdag pa nito.

“Ang tagal kong nawala, hindi dahil sa gusto ko pero para makapag-isip ka. Tama na ba ‘yung isang linggong wala ako sa piling mo?” malambing na sagot ni Eric sa kaniya.

“Tigilan mo ako, Eric, hindi ako nagbibiro patungkol sa sakit ko. Tsaka, kaninong bata ‘yan!?” sagot ni Melinda sa kaniya.

“Anak natin,” ani Eric.

“Alam kong may sakit ka at hindi na tayo magkaka-anak pa. Pero alam ko rin na isa sa mga pangarap mo ay ang maging isang ina. Kaya kung mawawala ka man talaga sa mundong ito, hayaan mong tuparin namin ng batang ito ang pangarap mo,” naluluhang banggit ni Eric sa babae.

“Nag-ampon ako ng bata, pinili ko talaga ang sanggol para naman maranasan mo ang lahat ng gusto mong maranasan sa pagiging isang ina. Hindi ko ito anak sa ibang babae, dahil walang naging ibang babae sa puso ko kung hindi ikaw lamang, Melinda. Hindi mababawasan ‘yun ng sakit o ano pa man dahil nandito lang ako para sa’yo,” dagdag pa ng lalaki saka niya inabot ang sanggol sa asawa.

Hindi makapaniwala si Melinda sa kaniyang narinig dahil buong akala niya’y iniwan na siya ni Eric ngunit hindi pala. Dahil mas binigyan siya nito ng pag-asang mabuhay. Buong puso niyang tinanggap at inaruga ang batang pinangalanan nilang si Merry. Mas humaba rin ang buhay ni Melinda kaysa sa taning ng doktor. Laking pasasalamat nila sa medisina at lalong-lalo na sa Diyos na araw-araw pinapakinggan ang hiling niyang maging magulang pa.

Lumipas ang limang taon at tuluyang namaalam si Melinda sa mundong ibabaw, samantalang malungkot man ngunit hindi na muling tumingin pa sa ibang babae si Eric at mas binigyang pansin na lamang ang pagiging ama sa kanilang anak. Ngayon ay malaki na si Merry at matanda na rin si Eric at paulit-ulit na kinukwento ng lalaki ang kanilang tunay at wagas na pag-iibigan ni Melinda.

Advertisement