Inday TrendingInday Trending
Huwag Kang Sumabay Sa Agos, Anak

Huwag Kang Sumabay Sa Agos, Anak

“Ma, bilhan mo ako ng bag na ‘yon!” turo ni Karyl sa isang bag na nakadisplay sa mall. “Lahat ng kaklase ko ay mayroon niyan, ma. Ako na lang ang wala,” pagpupumilit ng dalaga.

“Ano bang maganda sa bag na ‘yan? Bukod sa mahal ay may ibang bag pa na mas maganda at mas mura diyan,” wika ng ina.

“Basta, ma. Iyan ang gusto ko. Sige magkukulong talaga ako ng kwarto kung hindi mo mabibili ‘yan sa akin!” pananakot pa ng dalaga.

“Tigilan mo ako, Karyl. Ano ngayon kung hindi ka lumabas ng silid mo? Hindi ko kayang bilhin ang bag na ‘yan at higit sa lahat kahit na may pambili tayo niyan ay hindi mo naman kailangan! Napakarami mo nang bag. ‘Yung iba nga pinapaalikabukan mo lang sa kwarto mo!” naiinis na sambit ng ina.

Mahilig makisabay sa uso ang dalagang si Karyl. Madalas kung ano ang uso ay gusto nya’y mayroon siya agad nito. Palibhasa ay nag-iisang anak ay mabilis niyang mapilit ang kaniyang ama sa kaniyang mga gusto. Pero hindi ang kaniyang inang si Aling Gracia. Matigas ang loob ng ginang lalo na kung alam niyang aksaya lang sa pera ang nais ng dalaga.

“Ma, baka naman po puwede ninyo nang palitan ni papa itong selpon ko,” sambit ni Karyl habang pinapakita ang malaking basag sa kaniyang telepono.

“Hindi mo iningatan ang telepono mo ngayon ay magpapabili ka ng bago. Pagtiyagaan mong gamitin iyan tutal ikaw naman ang nakasira hindi ba?” sambit ng ina.

“Papa, sige na po. Ibili niyo na ako. Nakakahiya kapag nakita nilang sira itong selpon ko,” sambit pa ng dalaga.

“Kayo na ang mag-usap ng mama mo. Baka mamaya ay awayin niya ako ulit dahil lang sinunod ko ang gusto mo,” pag-iwas ng ama.

“Hindi ko maintindihan sa iyo, Karyl, bakit masyadong mahalaga ang magiging tingin sa iyo ng ibang tao. Ikamam*tay mo ba kung sabihan ka nila ng hindi maganda? At saka tigilan mo nang ibatay sa ibang tao ang kaligayahan mo, anak. Kapag ganyan ka nang ganyan ay hindi ka magiging tunay na maligaya,” bilin ng ina.

“Magiging maligaya lang ako, ma, kung ibibili niyo na ako ng bagong selpon!” pagdadabog nito.

Dahil sa mga ipinapakita ng dalaga ay lubusan ang pangamba ni Aling Gracia. Hindi niya alam kung saan sila nagkulang ng asawa sa pagapapalaki sa anak.

“Masyado ata nating naibigay ang hilig ni Karyl, mahal, kaya naman nagkakaganyan siya ngayon. Nalulungkot ako sapagkat taliwas sa mga pangaral natin sa kaniya ang kaniyang ipinapakita,” wika ng ina.

“Alam mo naman ang mga kabataan ngayon, mahal. Subaybayan mo na lang siya at intindihin. Pasasaan ba at malalaman niya rin ang kaniyang kamalian,” sambit naman ng ama.

“Diyan nga ako lubusang natatakot, mahal. Ayokong mapahapak pa siya para lang matuto kung pwede namang matuto siya ng hindi napapaso,” tugon ng ginang.

“Kaso nga matigas ang ulo ng anak mo. Tama na iyang pag-iisip mo. Bukas na bukas ay kakausapin ko ang anak mo,” sambit ng mister upang maibsan na ang pag-aalalang nararamdaman ng misis.

Kahit na masinsinang kinausap ng ama si Karyl ay ganoon pa rin ang pag-uugaling kaniyang ipinapakita. Lahat ng nauuso ay gusto nyang subukan. Kahit na mga bagay na alam niyang mali ay hindi niya inaalintana na gawin. Ang mahalaga sa kaniya ay ang pagtanggap ng mga kaibigan.

Isang gabi ay nagawa niyang magsinungaling sa kaniyang mga magulang. Nagpaalam siya na gagawa ng isang proyekto para sa isang aralin nila sa paaralan. Inihatid siya ng mga magulang sa nasabing bahay ng kaibigan ngunit pagkaalis ng mga ito ay dali-dali siyang nagpalit ng nakakaakit na damit at saka sila nagtungo ng mga kaibigan sa bar.

“Pangako, Karyl, exciting ang gagawin natin. Masyado kasing old fashioned ang mga magulang mo. Masyadong kill joy! Sa bar marami kang makikilalang gwapong lalaking kaedad natin!” sambit ng isa niyang kaibigan.

“Iinom tayo buong gabi at magpaparty! Tapos walang makakaalam ng ginawa natin!” sigaw pa ng isang kaibigan.

Sabik na sabik na nagtungo ang magkakaibigan sa nasabing bar. Hindi nila ininda ang iba’t-ibang uri ng taong nakakasalamuha nila. Kahit hindi sanay uminom ay pinapakita ni Karyl na kaya niya upang hindi mapahiya sa mga kaibigan.

“Karyl, tinitingnan ka ng isang gwapong lalaki banda doon! Kapag niyaya ka niyang sumayaw ay um-oo ka kaagad. Tapos bibilhan ka niyan ng inumin, idamay mo na rin kami!” sulsol ng isang kaibigan.

Kahit na lasing na lasing na si Karyl ay pilit niyang ipinapakitang ayos lamang siya. Nilapitan siya ng lalaki at niyayang sumayaw. Tulad ng sinabi ng kaniyang kaibigan ay binigyan sila ng inumin nito. Tumabi na sa kanila ang lalaki. Maya-maya at niyaya na siya nito sa isang gilid at doon ay sinamantala ang kaniyang kahinaan. Kahit na lango siya ay pilit siyang lumaban sapagkat hindi niya nais ang pagtrato sa kaniya.

“Huwag mo akong halikan! Hindi kita nobyo!” pagpupumiglas ni Karyl.

“Huwag ka nang magpakipot. Alam ko namang gusot mo rin ako. Kaya ka nga narito at pumayag na maksayaw ko, ‘di ba?” sambit ng lalaki. Pilit na nagpumiglas si Karyl hanggang sa nagkagulo na sa bar.

Dahil sa kaguluhan na iyon ay napunta sila sa presinto. Agad siyang pinuntahan ng kaniyang mga magulang upang alamin ang nangyari sa kaniya. Lubusan ang pag-aalala sa kaniya ng mga ito.

“Nadidismaya ako sa pagsisinungaling na ginawa mo, anak. Nagtiwala kami sa iyo ng papa mo. Ito na nga ba ang pinangangambahan ko, ang may mangyari sa iyo na masama,” sambit ng ina.

Lubusan ang paghingi ni Karyl ng tawad sa mga magulang.

“Anak, hindi lahat ng nauuso at nakikita mong ginagawa ng mga kaibigan mo ay dapat mo ring tularan. Isipin mong maigi ang lahat ng bagay na iyong gagawin. Maging aral na sana ito sa iyo. Ang pinakamagandang bagay ay maaari ka pang magbago at maaari mo pang matuwid ang mga kamalian mo,” sambit ng mag-asawa.

Dahil sa pangyayari ay naunawan na ni Karyl ang ibig sabihin ng mga magulang. Mula noon ay hindi na siya nakikisabay kung ano ang uso. Nagkaroon na siya ng sarili niyang disposisyon sa buhay. At mula noon ay nakinig na rin siya sa mga payo ng kaniyang mga magulang.

Advertisement