Inday TrendingInday Trending
Masungit Na Kapitbahay

Masungit Na Kapitbahay

“Wow tingnan mo nga naman Jelay oh! Mukhang mayayaman talaga yung bago nating kapitbahay!” Bulong ng bente anyos na si Joy sa disisais anyos na kapatid. Ngumunguya sila ng tigpipisong chichirya noon sa kanilang maliit na sari-sari store nang pumarada sa harap ng bagong tayong bahay ang isang magarang kotse. Mula doon ay lumabas ang isang pamilyang halata mong sosyal manamit.

“Tingnan mo ate ang gwapo nung anak na binata oh!” Mahinang tili ng nakababatang kapatid.

“Naku Jelay ah, aral muna bago boyfriend!” Pinandilatan pa ni Joy ang kapatid.

“OA naman nito ni Ate! Asa ka naman mapapansin tayo niyan,” sabi pa ng kapatid.

“Oh siya, iaabot ko muna itong pansit na niluto ni nanay para sa kanila.” Biglang hirit na naman ang kapatid ng “yieee” at pinandilatan lang muli ito ni Joy.

Nakangiting lumapit ang dalaga sa isang sosyal na babae na tila ba kaedad niya lamang.

“Hi po! Kapitbahay niyo kami, amin yang maliit na tindahan sa may gilid. Welcome pala!” Masiglang sabi ni Joy ngunit tiningnan lamang siya ng dalaga. Nang akmang magsasalita ito ay lumapit ang isang ginang – ang ina siguro nito.

“Cyndie come on,” sabi nito at saka tiningnan lang siya mula ulo hanggang paa. Sa wari niya ay parang tumaas pa ang isang kilay nito sa suot niyang simpleng cotton na tshirt at shorts.

Walang imik na pumasok ang dalaga.

Naiwan siyang alanganin ang ngiti, hawak pa rin ang pansit at napakamot na lang sa kilay. Paghakbang niya patalikod upang bumalik na sa tindahan ay nagulat siya nang tumilapon ang tupperware at natapon lahat ang pansit sa kalsada. Napaangat ang tingin niya sa nakabangga sa kaniya, iyon ang lalaking anak ng bagong dating. Hindi man lang ito nagsorry at tuloy tuloy na pumasok lang sa malaking gate.

Napamaang na lang siya at nagtitimping pinulot ang tupperware na bahagya pang natapakan ng lalaki. Kinwento niya ang nangyari sa kapatid at ina.

“Anak, baka naman nahihiya lang sila at aksidente lang ang nangyari. Ang maganda ay kunin mo ang loob nila para naman maging maayos tayong magkapitbahay. Huwag kang mapagod pakitaan ng mabuti ang mga tao,” payo ng ina kay Joy.

Likas na mabuti ang loob ng dalaga kaya sinunod niya ang payo ng ina. Sa umaga tuwing siya ay magwawalis, isinasama niya na rin ang tapat ng bahay ng mga ito. Minsan pa nga ay dumaan ang kotse ng ginang at bumati pa siya ng magandang umaga. Tinapunan lamang siya nito ng tingin at dumiretso na.

Hanggang isang araw ay nakita ni Joy ang isang tuta na nakawala mula sa gate ng kapitbahay. Sobrang lambot ng balat nito nang kargahin niya. Nagulat siya nang bigla itong tumakbo, hinabol niya ito at buti na lang nasagip niya bago pa mahulog sa kanal. Yun nga lang ay nasugatan ang kaniyang tuhod at sobrang dumi na ng maputing balahibo ng aso.

“Amber, oh my!” Narinig niyang malakas na sigaw ng isang ginang.

“Ay ano po! Nakita ko nakawala kaya hinabol ko–” paliwanag niya sa ginang na bagong kapitbahay.

“My poor dog! ‘Wag mo nga siyang hawakan! Kay dumi dumi ng kamay mo!” Sabi ng ginang sabay irap at talikod sa kaniya bitbit ang aso.

Hindi siya makapaniwala sa nangyari. Simula noon ay hindi na lang din pinansin ni Joy ang mga kapitbahay. Isang araw, napakunot ang noo niya nang makita mula sa tindahan ang dalagang tinawag na Cyndie. Kalaro nito ang asong napulot niya noon, tumatakbo pa ito. Nagulat siya ng bigla na lamang itong napaluhod at nangisay sa daan. Hindi malaman ni Joy ang gagawin kaya napatakbo siya palabas ng tindahan at dali-daling tumakbo palapit kay Cyndie. Kahit naman masama ang ugali ng mga ito ay may konsensya pa rin siyang tumulong.

Paglapit niya ay wala na itong malay at mabilis siyang nagdoorbell sa malaking gate ng mga ito. Nakailang doorbell siya bago lumabas ang masungit na binata na kapatid siguro ni Cyndie.

“Si Cyndie! Yung kapatid mo–” hindi niya pa natatapos ang sasabihin ay tumakbo na ito kaagad palabas. Inakay ang nakahandusay na kapatid. Ipinanhik ito sa kotse at sumakay na rin si Joy upang alalayan ito. Dahil siguro sa taranta ay hindi na rin umangal ang binata.

Pagdating sa ospital ay diretso sa emergency room si Cyndie at naiwan silang dalawa sa labas. Saglit lamang ay dumating na ang ama at ina ng mga ito.

Nasa isang tabi lamang siya habang inaalo ng mga ito ang inang iyak ng iyak. Akala niya ay masungit ang ginang ngunit malambot din pala ang puso nito pagdating sa mga anak. Sabi ng doktor ay nakatulong na mabilis itong naisugod, kung hindi ay baka mas grabe ang naging atake nito.

Hindi malaman ni Joy kung paano makakauwi dahil wala siyang dalang pitaka o cell phone. Nagulat siya nang biglang lapitan ng ginang.

“Hija, maraming salamat sa tulong mo. Sorry kung minaliit kita at parating sinusungitan. Nakakahiya sayo, sana ay magantihan man lang namin ang kabutihan mo kay Cyndie..” Maluha-luhang sabi nito sabay hawak sa kamay niya.

“Ay naku wala ho iyon. Magka-kapitbahay tayo kaya dapat nagtutulungan,” sabi niya. Ang binatang anak din nito ang naghatid sa kaniya pauwi.

Matapos ang pangyayaring iyon ay naging malapit niyang kaibigan si Cyndie. Parati na itong tumatambay sa tindahan nila ngunit natatawa sila dahil napakasosyal talaga nito. Iniimbita na rin sila sa tahanan ng mga ito para sa salo-salo. Napangiti na lamang si Joy dahil tama nga ang kaniyang ina, dapat ‘di magsawang tamnan ng kabutihan ang puso ng mga tao. Ano ba naman ang aanihin niya kung hindi kabutihan din.

Advertisement