Inday TrendingInday Trending
Ako Na Ngang Tumulong, Ako Pa Ang Naging Masama

Ako Na Ngang Tumulong, Ako Pa Ang Naging Masama

Hilig ni Sarah ang tumulong lalo na sa mga kapus-palad. Sa tuwing nakakatanggap siya ng biyaya ay agad-agad niya iyong ipinamamahagi sa ibang tao na sa palagay niya’y walang-wala.

“Mapapagod na naman tayong lahat ngayon,” nakangiting kausap ni Sarah sa mga kasambahay nila sa bahay na kaniyang katuwang sa pagre-repack ng mga ipamimigay na relief goods. “Pasensya na kayo ah. Babawi ako sa inyong lahat pangako iyan,” dugtong ni Sarah.

“Ayos lamang po iyon Ma’am Sarah, ang mahalaga po ay naging bahagi kami ng iyong kawang-gawa. Para na rin kaming tumulong sa mga taong tinutulungan ninyo,” malapad ang ngiting wika ni Francisco ang kanilang hardinero.

“Opo. Masarap sa pakiramdam na nakakatulong kami sa kapwa namin mahihirap,” segunda naman ni Jessica ang kanilang mayordoma.

“Maraming salamat sa inyong lahat. Hangga’t may biyaya akong natatanggap ay hindi ako magdadalawang isip na magbigay sa kahit sinoman,” masayang sambit ni Sarah.

Matapos maibalot ang lahat ng relief goods ay agad nila iyong ipinamahagi sa lugar kung saan mas maraming nangangailangan. Masasayang mukha ang sumalubong kay Sarah, labis-labis ang pasasalamat ng karamihan sa kabutihang loob na taglay niya.

“Maraming-maraming salamat, ineng. Alam mo bang malaking tulong na ito sa’min,” masayang wika ng matandang babae na inabutan niya ng kaniyang mga ipamimigay.

“Walang anuman po iyon, ‘nay. Masaya na po akong nakikita kayo ngayong masaya.” Walang pagsidlan ang tuwa sa puso ni Sarah sa nakikitang saya sa mga mata ng mga taong kaniyang nabibigyan.

“Pagpalain ka nawa ng Diyos Ama, ineng. Iyon lamang ang kaya naming ibalik sa iyong kabutihan,” patuloy na wika ng matandang babae.

Halos limang libong pamilya rin ang nabigyan ng kaniyang mga dalang biyaya. Nakakapagod man pero baon ni Sarah ang sayang hindi mapapalitan ng pera. Maliit na bagay lamang ang mga ibinigay niya, kumpara sa ngiti at pasasalamat ng mga taong kaniyang natutulungan.

“Next mission ulit,” masayang bulong ni Sarah sa sarili. Habang nabubuhay siya’y ipagpapatuloy niya ang kaniyang ginagawa.

“Nandiyan po ba si Miss Sarah Alvares?” tanong ng unipormadong pulis ng pagbuksan iyon ni Dado, ang gwardiya nila.

“Ano po bang kailangan nila sir?” Kalmadong tanong ni Dado.

“Nais sana namin siyang personal na makausap ayon sa kasong kaniyang kinakaharap ngayon sir. Meron po kasing nagreklamo sa kaniya, dahil sa pamimigay niya ng expired ng mga delata,” paliwanag ng pulis.

Agad namang pinatawag ni Dado ang kaniyang amo na si Sarah upang ito na mismo ang makausap ng ‘di nila inaasahang bisita. Nang magkaharap si Sarah at ang pulis ay agad na nagbigay ng paliwanag ang pulis at kinausap si Sarah kung maaari itong imbitahan sa pulisya upang makaharap nito mismo ang taong ini-reklamo siya.

“Ako po si Winston, isa po ako sa nakatanggap ng relief goods na ipinamahagi ninyo noon lamang sabado, madam. Kaso po ang naging problema ay noong kinain ko na ang delatang kasama sa binigay ninyo ay hindi ko napansin na expired na pala ito, na naging dahilan ng pagsama ng aking sikmura.

Nagsuka po ako at nagdumi, muntik na nga po akong ma-dehydrate mabuti na lang at naagapan ko ang nangyari sa’kin dahil kung hindi ay baka nam*tay na ako. Kaya naisip ko po na ireklamo ka pati na ang kumpanya ng delatang expired na at humingi ng danyos sa nangyari sa’kin,” mangiyak-iyak na wika ng lalaking nagpakilalang Winston.

“Gano’n po ba kuya,” nahahabag na sambit ni Sarah. Sa tagal niyang ginagawa ang bagay na iyon, ngayon pa laang nangyaring may nagreklamo sa kaniya. Nagdududa man ay ayaw niyang ipahalata. “Pasensiya ka na po kung nangyari ang bagay na iyon. Ikaw lang po ba ang nagkaganyan sa dami ng mga nabigyan ko?” Puno pa rin ng pag-aalalang sambit ni Sarah.

“Opo yata,” sagot naman ng lalaki.

“Hindi kaya nais mo lamang akong perahan kuya? Isipin mo sa halos limang libong pamilyang nabigyan ko, ikaw lang ang bukod tanging nagreklamo sa’kin ng ganyan. Hindi naman sa pinagdududahan kita pero napakasakit lamang isipin na ako na nga ang tumulong, ako pa ang napasama.

Maging makatao po tayo kuya, kung nais niyo po talaga akong sampahan ng kaso ay wala po iyong problema pero sana kung may konsensya ka pa ay itigil mo na ‘to. Magkaroon ka na lamang ng utang na loob sa taong minsan kang tinulungan,” deretsahang wika ni Sarah, na sinang-ayunan naman agad ng mga pulis na kasama nila.

Hindi kaagad umamin si Winston at pinanindigan nito ang reklamo sa kaniya, ngunit sa pangungulit at pamimilit ng mga pulis rito, katagalan ay umamin na rin ang lalaki. Kaya lamang nito nagawa ang bagay na iyon dahil nais nitong maperahan si Sarah dahil alam nitong mayaman ang babae.

Humingi ng kapatawaran si Winston sa kaniya na agad naman niyang tinanggap. Wala siya sa tamang sitwasyon upang hindi ito patawarin, naiintindihan niya ang sitwasyon ni Winston.

“Sana huwag mo na lamang uulitin ang bagay na iyon Winston, mahirap para sa’kin na ako na nga ang tumulong tapos ako pa ang magiging masama. Masakit iyon pero pipiliin ko pa rin ang patawarin ka dahil ang Diyos Ama nga ay nakakapagpatawad ako pa kaya,” mahinahong wika ni Sarah.

Huwag tayong masyadong maging gara*pal. Makuntento sa kung anuman ang natanggap natin at huwag nang maghangad ng higit pa.

Advertisement